top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Nov. 16, 2024



Dear Maestro, 


Magandang araw sa inyong lahat r’yan sa Bulgar!


Kasalukuyan akong nagtatrabaho sa isang mall. Kailan kaya ako magkakaroon ng isang maganda at regular na career?


Pagdating naman sa pag-ibig, compatible ba kami ng kasalukuyan kong nobyo at kami na rin ba ang magkakatuluyan? Bago pa lang kami at dati rin kaming magkaibigan. 


Sana ay mabigyang pansin ninyo ang katanungan kong ito at sana magabayan n’yo rin ako para umunlad at lumigaya naman ang buhay ko.


Ang birthday ng boyfriend ko ay March 25, 1995, habang November 21, 1993 naman ang birthday ko.

Umaasa,

Mara ng Bangkal, Norzagaray, Bulacan

 

Dear Mara,


Kung ikalawa o ikatlong nobyo mo siya, tunay nga na compatible talaga kayo. Malaki rin ang tsansa na kayo na rin  magkatuluyan at magsama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


Samantala, ang birth date mong 21 o 3 (ang 21 ay 2+1=3), sa destiny number na 9 (11+21+1993=2025/ 20+25=45/ 4+5=9), sa zodiac sign na pumapagitna sa Scorpio at Sagittarius, may kalituhan munang mangyayari sa career mo, tulad na lang din ng iyong zodiac sign na hindi mo malaman kung Scorpio o Sagittarius, na tinatawag nating “cusp”. 


Ang “cusp” ay tulad din ng papaalis at paparating na planeta sa isang zodiac sign, alanganin kumbaga ang kanyang puwesto.

Tulad ng birth date mong November 21, medyo hindi pa ganap na Sagittarius ang nasabing petsa at ang petsa ring ‘yan ay halos papatapos na ang Scorpio, at dahil medyo nakakalito nga, ganundin ang mararanasan mo sa iyong career, tulad nang nasabi na, medyo malilito ka muna.


Subalit, dahil 21 o 3 (2+1=3) ang birth date mo na may ruling planet na Jupiter. Kung saan, si Jupiter ang pinakamapalad na planeta sa lahat ng planeta. Ibig sabihin, darating din ang panahon na makakatanggap ka ng maraming magandang kapalaran, lalo na pagdating sa career at propesyon.  


Basta ang mahalaga, mapanalo mo sa pang-araw-araw mong karanasan ang impluwensiya ng planetang Jupiter.


Una, dapat palagi kang magsuot ng kulay asul, violet, lilac, maroon at red, higit lalo tuwing sasapit ang petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18, at 27, lalo na kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.


Pangalawa, mag-ambisyon ka ng mataas. Halimbawa, saleslady ka ngayon, ambisyunin mong maging supervisor, kapag naging supervisor ka na, ‘wag kang tumigil mangarap na maging isang manager at kapag naging manager ka na, ‘wag ka pa ring titigil at ambisyunin mo namang ikaw ang magmay-ari ng mall na pinagtatrabahuhan mo ngayon.


Kapag ikaw na ang may-ari ng mall, hindi ka pa rin dapat tumigil mangarap, kaya ambisyunin mo naman ang marami pang mall at kapag naparami mo na ang iyong mall, ‘wag ka pa ring titigil mangarap. 


Sa lahat ng pangarap at anumang gusto mong gawin sa buhay mo, tandaan mong ganyan dapat ang maging konsepto ng iyong isipan, dahil ito ang kahulugan ng planetang Jupiter na nag-iimpluwensiya sa iyong kapalaran at pagkatao. 


Matataas na mga pangarap at ambisyon sa buhay, sa bandang huli ay talaga namang mangyayari at kusang matutupad sa kapalaran mo. 


Pangatlo, dapat mo ring malaman na ang iyong mapalad na panahon ay mula sa ika-18 ng Oktubre hanggang sa ika-27 ng Disyembre, mula sa ika-18 ng Marso hanggang ika-27 ng Abril at mula sa ika-18 ng Hulyo hanggang sa ika-27 ng Agosto. Ang batong turquoise na singsing naman ang magsisilbi mong talisman, taga-higop ng suwerte at pantaboy ng negatibong kapalaran, ganundin ang lahat ng uri ng bato o hiyas na may kulay violet ang isa ring puwedeng isaalang-alang.


Sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyon nabanggit, tiyak ang magaganap sa susunod na taong 2025, anuman ang maluho at mataas mong ambisyon sa buhay, sa edad mong 27 pataas, kusa at isa-isa mo na rin itong matutupad.

]

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Nov. 9, 2024



Dear Maestro, 


Graduate ako ng BS in Electronics Engineering, pero hindi pa ako lisensyado, dahil hindi pa ako nakakapag-take ng board exam. 


Gayunman, masipag naman akong mag-apply ng trabaho. ‘Yun nga lang ay hindi ako nagiging regular sa trabahong pinapasukan ko dahil karamihan sa nagiging trabaho ko ay hindi naman related sa course ko at sobrang baba ng suweldo. 


Naisipan kong sumanggi sa inyo upang itanong kung kailan kaya ako makakahanap ng permanenteng trabaho na related sa course ko at may malaking suweldo? 


Kung sakaling magti-take ako ng board exam sa susunod na taon, makakapasa kaya ako? 

Maestro, may isa pa akong concern, wala pa rin kasi akong girlfriend ngayon. Dati naman ay mabilis lang ako nakakahanap ng nobya, pero ‘yun nga lang ay hindi rin nagtatagal, kaya parang balewala rin at hindi seryoso. Kailan kaya ako magkaka-girlfriend ng seryoso, masaya at pangmatagalan? Ano’ng zodiac sign din ang swak sa akin? 


Ang birthday ko ay September 9, 1995.

Umaasa,

Elmer ng San Marcos, Agoo, La Union,


 

Dear Elmer,


Ayon sa birth date mong 9, sa destiny number mong 3, (9+9+1995=2013/ 20+13=33/ 3+3=6), at sa zodiac sign mong Virgo, kung kukuha ka ng board exam sa susunod na taon, tiyak na makakapasa ka, dahil ang taong 2025 ay may sumatotal na 9, ang 2025 ay 20+25=45/ 4+5=9. 


Kung saan, ang 9 na numero ay sadyang favorable sa mismong birth date mong 9 at sa destiny number mong 6.


Kaya kung magti-take ka ng board exam sa edad mong 30 pataas, walang duda, susuwertehin at makakapasa ka na.


Samakatuwid, tunay ngang sa panahong tinuran, sa edad mong 30 pataas, magsisimula nang dumating sa buhay mo ang hitik at iba’t ibang suwerte, hindi lang sa career, kundi pati na rin sa love life at iba pang mahahalagang aspeto ng iyong buhay.


Kaya wala kang ibang dapat gawin ngayon kundi maghinay-hinay o mag-relax muna. Mas maganda kung mag-review ka na rin upang mapaghandaan mo ang ipagkakaloob sa iyong bulto at malalaking suwerte sa taong 2025, sa edad mong 30 pataas.


Sa pag-take ng board exam, tiyakin mo lamang na magsusuot ka ng mapalad mong kulay na pula, asul o violet. Puwede rin naman ang silver, gray at iba pang kulay na hango sa pilak. 


Basta ang mahalaga sa paggamit ng masuwerteng kulay, dapat nakikita, katabi, at hawak mo siya para ‘yung power ng kulay ay mapaloob din sa iyong inner self, na siya namang aakit ng mas marami pang suwerte at magandang kapalaran sa mismong araw ng iyong exam.


Kaya, Elmer, magsisimula nang gumanda ang iyong kapalaran sa susunod na taong 2025, sa edad mong 30 pataas at makikita mo, sa nasabing panahon kusa nang matutupad ang lahat ng pangarap mo sa buhay, – makakapasa ka sa board exam, magkakaroon ka ng regular na trabaho na may malaki ang suweldo na related pa sa kursong iyong natapos, at higit sa lahat sa panahong tinuran, magkaka-girlfriend ka na rin nang pangmatagalan, hatid ng isang babaeng isinilang sa zodiac sign na Libra.



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 31, 2024



Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil gusto ko nang malaman ang interpretasyon tungkol sa aking kaarawan.


Maestro, ano ba ang mangyayari sa aking kapalaran? Nais ko rin sanang malaman kung ano ang masuwerte kong kulay, araw, buwan at taon? 


Nawa ay matulungan n’yo ako para magkaroon ako ng guide kung paano ako magtatagumpay at liligaya.


Ang birthday ko ay July 1, 1990. 

Umaasa, 

Daisy ng Mt. View, Mariveles, Bataan


 

Dear Daisy, 


Ayon sa birth date mong 1 at zodiac sign na Cancer, mapalad ka sa kulay na dilaw at berde. Habang ang destiny number mo namang 9 (7+1+1990=1998/ 19+98=117/ 11+7=18/ 1+8+9), ang nagsasabing puwede ka ring gumamit ng kulay na pula, pink, lavender at asul.


Ganito ang tamang paggamit, sa tuwing sasapit ang petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22 at 31, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Linggo, dilaw ang gamitin mo.


Tuwing sasapit naman ang petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Lunes at Sabado, berdeng kulay naman ang gamitin mo.


At tuwing sasapit naman ang petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, pula na kulay naman ang gamitin mo. Kapag sawa ka na sa pula, puwede ka namang gumamit ng kulay pink, lavender at asul.


Sa pagpili ng gagamiting kulay, dapat ay pakiramdaman mo rin ang iyong kapalaran. Kumbaga, mahalaga pa rin ang daily diary keeping, lalo na ngayong papasok ang taong 2025, upang doon mo maitala kung may paborable bang nagaganap o nangyayari nu’ng panahong suot o gamit mo ang isang partikular na kulay.


Sa ganu’ng paraan, kapag itinala mo ang mga nangyari sa iyong pang-araw-araw na buhay, higit lalo sa mga mahahalagang okasyon na iyong pinupuntahan, statistically at scientifically speaking mas makakatulong ka sa iyong kapalaran.


Kaya nga masasabing hindi naman talaga nakatakda ang kapalaran o tadhana. Sa halip, bilang isang buhay at lively na indibidwal nagpa-participate lang tayo upang maging aktibo tayo sa paghugis at paghubog ng ating kapalaran. 


Alalahanin mo na ang tao ay nilikha, hindi kagaya ng bato sa tabing-dagat. Sa paghampas ng alon, kusa siyang kumikinis at gumaganda, pero maaari din siyang tangayin ng malakas na alon at ihampas kung saan-saan.  Pero ang tao ay malaya. Oo, malaya niyang magagawa ang kanyang gusto at nais sa buhay. Malaya siyang nakakapamili kung saan niya nais pumunta at makipagsapalaran. Sa pagpili naman ng isusuot na damit o gagamiting kulay, tulad ng naipaliwanag na, malaya ang isang tao na gawin ito, base sa kanyang pakiramdam. 


Kung pakiramdam mo ay doon ka sa partikular na kulay na ‘yun sinusuwerte o kapag suot mo ang kulay na ‘yun ay feeling mo, maganda o guwapo ka, malaya mong suutin ang nasabing kulay. 


Ang sinasabi lang natin ay ang kahalagahan ng pagda-diary keeping o paggawa ng journal, kung saan ang record na ‘yun ay malinaw na basehan upang malaman mo kung saang kulay ka talaga sinusuwerte at nagkakaroon ng magandang kapalaran. 


Kapag nasanay na kayo magtala ng mga pangyayari sa inyong buhay, tulad ng nasabi na, magiging kabahagi na kayo ng tadhana sa paghubog at pagbuo ng inyong kapalaran.


Gayunman, kusa namang iigting ang iyong magandang kapalaran mula sa ika-18 ng Hunyo hanggang ika-27 ng Hulyo, mula sa ika-18 ng Oktubre hanggang ika-27 ng Nobyembre at mula sa ika-18 ng Enero hanggang ika-27 ng Pebrero.


Sa sandaling sinunod mo ang simpleng rekomendasyon sa itaas, tiyak ang magaganap sa taong 2025, sa edad mong 35, magsisimula ka nang umunlad, hanggang sa tuluy-tuloy ka nang lumigaya at magtagumpay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page