ni Eli San Miguel @ News | Dec. 9, 2024
Photo: Mark Villar / FB
Inihirit ni Senador Mark Villar ang Senate Bill No. 2873, o ang panukalang Anti-Ticket Scalping Act, na naglalayong labanan ang mga ticket scalper at tiyakin ang patas na access sa mga tiket para sa mga concert fan.
“Inihain po natin ang panukalang batas na ito upang matigil na o masugpo ang lumalalang scalping sa bansa na sumasamantala ng ating mga kababayang concert goers o avid fans. Hindi na po makatuwiran ang pagpapatong ng di makataong halaga sa mga concert at events ticket ng mga scalper na ito,” ani Villar.
“Layunin po natin na mabigyan ng fair access ang mga fan at concert goer na talagang naghahangad na makapunta sa mga concert at a reasonable price. Hindi po nila deserve ang walang habas na pananamantala ng mga scalper. Every fan and every Filipino deserves to enjoy concerts without being extorted by scammers,” dagdag pa niya.
Ipinagbabawal ng panukalang batas ang pagbili, pagbebenta, o pag-iimbak ng mga tiket sa mga event nang walang nakasulat na pahintulot mula sa mga organizer ng event.
Ipinagbabawal din nito ang muling pagbebenta ng mga tiket nang higit sa 10% ng orihinal na presyo, at ang markup na ito ay maaaring suriin at baguhin ng mga nagpapatupad na ahensya.