ni BRT @News | Feb. 17, 2025
![VP Inday Sara Duterte](https://static.wixstatic.com/media/7c92fa_d69cf5c70c084319ba6e916a34ef8013~mv2.jpg/v1/fill/w_740,h_443,al_c,lg_1,q_80,enc_avif,quality_auto/7c92fa_d69cf5c70c084319ba6e916a34ef8013~mv2.jpg)
Photo File: VP Inday Sara Duterte
Malabo umanong pagbigyan ng Supreme Court (SC) ang inihaing petisyon ng abogadong si Atty. Catalino Generillo, Jr. na nakikiusap na utusan ang Senado na agad na i-constitute ang institusyon bilang impeachment court, at simulan na agad ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Domingo Cayosa, isang constitutional law expert, ito ay bilang paggalang sa separation of powers ng Hudikatura at Lehislatura.
"Baka ayaw din ng Supreme Court na magka-Constitutional crisis. Hindi masyadong pinapakialaman ng Supreme Court sapagkat 'yan 'yung tinatawag nating separation of powers at saka 'yung political question. Kung kailan sisimulan, it's up to the wisdom of elected senators, at saka 'yung respect to the co-equal branch of government," pahayag ni Atty. Cayosa sa isang panayam.
Sa petisyon, sinabi ni Generillo na may "inescapable constitutional duty" ang Senado na agad gawin silang impeachment court, at simulan ang trial batay sa 1987 Constitution.
Una nang sinabi ni Senate President Francis Escudero na hindi nila masisimulan ang paglilitis habang on break pa ang Kongreso.
Hindi umano nai-refer sa plenaryo ang impeachment case bago mag-adjourn ang sesyon, kaya walang basehan para mag-convene ang Senado bilang impeachment court.