ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | December 17, 2023
Kahapon, ika-16 ng Disyembre ang simula ng Simbang Gabi nating mga Pilipino.
Ang Simbang Gabi, na tinatawag ding Misa de Gallo, ay isa sa mga hudyat nating mga Pilipino na malapit na ang Pasko.
Bago magsimula, maririnig ang malakas na repeke o kalembang ng mga kampana sa simbahan at mga kapilya sa buong bansa.
Ito ay ginagawa nang siyam na madaling-araw, bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko pagsapit ng ika-25 ng Disyembre.
☻☻☻
Para sa ating mga Katoliko, malaking bahagi ng ating pananampalataya ang Simbang Gabi.
Para sa ilan, ang pagdalo sa Misa de Gallo ay may hatid na magaan o maginhawang pakiramdam sa kaluluwa, puso, damdamin at kalooban.
Sa iba naman, ang kanilang paniwala ay ang pagdalo ng Simbang Gabi ay isang gawain ng pagpapakasakit o sakripisyo, ng pag-ibig at debosyon.
Marami sa atin ang naniniwala na kapag nakumpleto ang Simbang Gabi ay nagkakatotoo ang hiling natin sa Diyos.
Ang iba naman ay bumabangon sa madaling-araw para makasama ang mga kaibigan at mahal sa buhay, o ‘di kaya para matikman ang puto bumbong, bibingka, salabat o tsokolate na inilalako sa tabi ng simbahan.
No matter the reason ng pagbangon, sana, sa pagtapos ng bawat misa, manatili pa rin ang mensahe ng Simbang Gabi -- ang paghahanda sa pagsilang ni Hesukristo na ating tagapagligtas.
Nawa’y maging safe and meaningful ang Simbang Gabi para sa lahat ng dadalo.
☻☻☻
Patuloy pa rin po tayong mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask pag kinakailangan, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay