ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Abril 4, 2024
Tuwing April ay idinaraos ng bansa ang Filipino Food Month.
Itinakda ng Presidential Proclamation No. 469 na napirmahan noong April 13, 2018 ang komemorasyon ng pagkaing Pilipino.
Ito ay bilang pagkilala sa pangangailangan na preserbahin ang ating food and culinary heritage at maging ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang producer na responsable sa pagdala ng pagkain sa ating mga hapag.
☻☻☻
May mahalagang papel ang pagkain at ang proseso ng pagkalap nito sa paghubog ng ating pagkakakilanlan.
Lalo na sa panahon ng tagtuyot at patuloy na pag-init ng klima, marami sa mga katutubong halaman at pagkain natin ang nawawala na.
Bukod sa pisikal na pagkawala, nabubura na rin sa kamalayan ng mga kababayan natin ang iba’t ibang pagkain ng mga nauna sa atin.
Iba-iba ang dahilan nito, gaya ng kawalan ng access sa mga sangkap tulad ng prutas o gulay, hindi naipasang karunungan mula mas matandang henerasyon gaya sa kaso ng mga putahe, o ‘di kaya kawalan ng interes mula sa kasalukuyang henerasyon tungkol sa mayamang kasaysayan ng ating pagkain.
☻☻☻
Ilan pa nga ba sa atin ang nakakakilala ng mga prutas gaya ng tibig, anonas at zapote, o mga dahong ginagawang sangkap tulad ng libas at papait?
Napakaraming pagkain mula sa iba’t ibang panig ng bansa na hindi nalalaman ng kapwa natin Pilipino.
Ngayong Filipino Food Month, umaasa tayo na may mga programa ang pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Education, National Commission on Culture and the Arts, at Department of Tourism, na muling magpapaigting ng koneksyon natin sa ating pagkain.
Isang aktibidad na nais sana nating makita ay mga convergence event gaya ng mga fair na magtatampok ng mga sangkap at putahe na hindi gaanong accessible sa buong bansa.
Ngayong Filipino Food Month, mas umigting pa sana ang pagkilala at pagpapahalaga natin sa pagkaing Pinoy.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay