ni Mylene Alfonso @News | October 4, 2023
Inanunsyo ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) na tumaas ang produksyon ng bigas kung saan nakakuha ang bansa ng 52 araw na suplay ng bigas sa pagtatapos ng Setyembre.
Ito ang iniharap ni DA Undersecretary Mercedita Sombilla kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa isang sectoral meeting sa Malacañang para talakayin ang mga indikasyon na magiging batayan sa pagtataas ng price ceiling sa bigas na ipinataw sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 39.
Sa kanilang presentasyon, tinukoy ng DA ang mga indikasyon na maghuhudyat ng pagtaas ng price cap, katulad ng pagbaba ng presyo ng bigas sa domestic market, pagtaas ng supply ng bigas at mga paborableng panlabas na salik tulad ng pagbaba ng presyo ng bigas sa buong mundo, at iba pa.
Sa press briefing ng Palasyo, sinabi ni DA-Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban na natugunan na ang lahat ng mga parameter kabilang na ang masaganang suplay at ang pagbaba ng presyo gayundin ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mundo.
Sa pagtatapos ng Oktubre, sa puspusang pag-aani, ang supply ay katumbas ng 74 na araw.
Bumaba na rin ang presyo ng bigas malapit sa price ceiling na may average na presyo ng regular milled rice na humigit-kumulang P41.91 kada kilo at para sa well-milled na bigas ay P45.95.
"Kaya 'yun at inaasahan na magkaroon ng collaborations ang DA at DTI (Department of Trade and Industry) para mas ma-monitor at ma-survey ang mga presyo para hindi... muli, tumaas nang husto," pahayag ni Panganiban.
“So, iyon ang ginagawa namin at nakikipagtulungan kami sa lahat ng ahensya ng gobyerno – hindi lang ang DA kundi pati na rin ang DTI at DILG (Department of Interior and Local Government) para ipatupad ang anumang hakbang at guidelines na magagawa namin para ang mga mamimili at, siyempre, ang ating mga stakeholder, ang mga magsasaka, na nakinabang din (ito),” banggit pa ng opisyal.