ni Mylene Alfonso @News | October 7, 2023
Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang publiko na isumbong ang sinuman na malalaman nila na sangkot sa smuggling at hoarding ng mga agricultural products.
"Mga kababayan, gaano man kalaki ang kanilang sindikato… wala pong binatbat 'yan sa nagkakaisa nating lakas," ani Marcos sa isinagawang pamamahagi ng bigas sa Capiz.
"Kaya kung may nalalaman po kayong sangkot sa ganitong transaksyon, 'wag po kayong matakot na magsuplong," saad ni Marcos.
Una nang binigyan ng warning ni Marcos ang mga smuggler na hahabulin ng gobyerno ang malalaking sindikato na sangkot sa pananabotahe ng ekonomiya.
"Makilahok sa pagbabantay sa ating lipunan. Marami pa rin po tayong malalaking nakakapanloko ng kapwa. Tunay po na nakakagalit ang mga smuggler at hoarder na 'yan," ayon kay Marcos.
Ayon pa sa Pangulo, inaamyendahan na ng mga mambabatas para gawing kasong kriminal at bigatan ang parusa sa agricultural hoarding at smuggling.
Nabatid na inaprubahan na ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang bill na pabigatin ang parusa ng Anti-Agricultural Smuggling law.
Habang ilang agricultural group naman ang nagsulong sa paglikha ng special court na tututok lamang sa mga kaso ng smuggling.