ni Mylene Alfonso @News | October 6, 2023
Aksidente ang pagkamatay ng tatlong mangingisdang Pilipino makaraang mabangga ng isang dayuhang commercial vessel ang sinasakyan nilang fishing boat noong Lunes ng madaling-araw sa karagatang sakop ng Agno, Pangasinan.
"As far as the initial information that we have right now, we can say na hindi naman ito talaga deliberate," pahayag ni Philippine Coast Guard Spokesman Commodore Jay Tarriela sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing.
"Ito ay isang aksidente. Walang kinalaman sa Tsina," wika pa ni Tarriela.
"Hindi ito nangyari sa Bajo de Masinloc. Hindi ito 'yung naglalabasang espekulasyon kahapon na baka Chinese Maritime Militia o Chinese Coast guard ang deliberately nag-ram," paglilinaw pa ng opisyal.
Aniya, batay sa testimonya ng 11 nakaligtas na mangingisda, masyadong madilim ang lugar at masama ang panahon kaya hindi sila napansin ng bumangga sa kanila na Pacific Anna Crude Oil Tanker.
Nabatid na nakipag-ugnayan na rin ang PCG sa naturang foreign vessel na may Marshall Island flag.