top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | Apr. 12, 2025



File Photo: Atty. Claire Castro at PBBM / PCO / Bongbong Marcos / FB



Nilinaw ng Malacañang na maganda ang estado ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.


Ito ay sa gitna ng mga espekulasyon hinggil sa health status ng Presidente na lumalabas sa social media.


Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, maayos ang kalusugan ng Pangulo at bilang patunay ang araw-araw na dinadaluhan nitong mga aktibidad.


Nasasaksihan naman aniya ng publiko lalo na ng mga kagawad ng media na nakatalaga sa Palasyo kung saan bukod sa ilang aktibidad ay mayroon pa itong mga meeting habang sumasama pa ang Chief Executive sa campaign rally ng Alyansa.


"Kung makikita n'yo po, 'yan naman po ay talagang pinapakalat – siguro para palabasin na ang Pangulo ay hindi maganda ang kalusugan, not in good health. Mapapansin n'yo po, siguro po kahit po 'yung mga media, halos araw-araw naman po ay nakikita n'yo ang Pangulo sa kanyang mga activities at sa kanyang pagsama dito sa Alyansa," pahayag ni Castro sa press briefing sa Palasyo.


"Maliban d'yan ay mayroon pa rin po siyang mga meeting kasama po kami, at sa aking perspektibo dahil nakakasama tayo mismo ng Pangulo, maganda po ang kalusugan ng ating Pangulo dahil kung hindi po maganda ang kalusugan ng ating Pangulo, malamang ay hindi na po siya nakakaganap ng kanyang mga tungkulin sa araw-araw," wika pa niya.


Mensahe naman ni Castro sa fake news peddlers, huwag gawan ng kuwento ang Pangulo ukol sa kanyang kalusugan gayung hindi ito makabubuti sa bansa.


"At ang aking pakiusap lamang po sa mga fake news peddlers, huwag n'yo pong gawan ng kuwento ang Pangulo patungkol sa kanyang kalusugan. Hindi po 'yan maganda para sa ating bansa, dapat po ipagdasal pa po natin na maging maganda ang kalusugan ng mga namumuno sa atin. At iwasan po nila na magbigay ng speculation; kahit hindi po doktor ay nagpapakadoktor sa social media," hirit ni Castro.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | Apr. 11, 2025



File Photo: CIDG Chief Police Major General Nicolas Torre III - via Senate of the Philippines / Joseph Vidal



Aminado si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Major General Nicolas Torre III na hindi niya pinayagan ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na payagan si Vice President Sara Duterte na makita siya bago siya ilipad sa Netherlands.


Sa imbestigasyon ng Senate foreign relations committee, ipinunto ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga karapatan sa pagbisita ng dating Pangulo sa pamamagitan man ng immediate family o medical doctor, habang siya ay nakakulong sa Villamor Air Base kasunod ng kanyang pag-aresto noong Marso 11 para sa kasong crimes against humanity.


Bilang tugon, sinabi ni Torre na sinabi niya sa dating Pangulo na maaari lamang siyang bisitahin ni Sara kapag siya ay inilagay sa isang detention cell sa The Hague.


"Yes, sir, I did prevent the request… I did deny the request of President Duterte for him to allow VP Sara to enter. Kasi nga naman, mag alas-diyes na nu'n  and that's already around 12 hours after we first got him into custody. The VP had all the chances to be with the [former] President earlier that day," pahayag ni Torre kay Cayetano.


"We're actually expecting her. Alas-tres pa lang, may information na darating siya. And kung gusto talaga nilang pumasok, puwede naman sir, eh," sabi pa ni Torre.


Matapos nito, nagkaroon ng mainit na palitan ng salita sa pagitan ni Torre at ni Senator Imee Marcos, chairman ng komite kung saan kinuwestiyon ang pagharang sa diumano'y pagbisita ng Bise Presidente sa kanyang ama.


"After all that's being said and done, 'yung sasakyan ni Honeylet and four, five other vehicles, nakapasok at sinundo sila sir. Ang eroplano, bukas pa ang pintuan. So 'yan ang isang… tumayo ang balahibo ko nu'ng nakita ko, 'andiyan ata si VP Sara, si [Senator] Bong Go, nakapasok na. Sinusundo sina Honeylet at Kitty ng kanilang mga sasakyan together with the other entourage, bakit hindi sila sumabay sa tarmac, bukas pa naman ang pintuan," paliwanag ng CIDG chief.


Inilahad naman ni Cayetano ang Section 2(f) ng Republic Act 7438, "Any person arrested or detained or under custodial investigation shall be allowed visits by or conferences with any member of his immediate family, or any medical doctor or priest or religious minister chosen by him or by any member of his immediate family or by his counsel, or by any national non-governmental organization duly accredited by the Commission on Human Rights of by any international non-governmental organization duly accredited by the Office of the President. The person's "immediate family" shall include his or her spouse, fiancé or fiancée, parent or child, brother or sister, grandparent or grandchild, uncle or aunt, nephew or niece, and guardian or ward."


Bukod sa Bise Presidente, sinabi ni Cayetano na hindi rin pinayagan ni Torre ang personal doctor ni VP Sara na bisitahin ang kanyang ama habang nakakulong sa Villamor Air Base.


Dagdag pa ni Cayetano, ang sinumang mapatutunayang nagkasala ng paglabag sa RA 7438 ay mapapatawan ng parusang pagkakakulong ng hindi bababa sa apat (4) taon o higit sa anim (6) na taon, at multang apat na libong piso.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | Apr. 11, 2025



File Photo: Boying Remulla - FB



Inamin ni Justice Secretary Jesus Crispin 'Boying' Remulla na siya ang nagbigay ng clearance para isilbi ang warrant ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ilipad sa The Hague para harapin ang mga kasong crimes against humanity kaugnay sa ng war on drugs ng dating administrasyon.


Sa pagdinig ng Senate committee on foreign relations na pinamumunuan ni Senadora Imee Marcos, sinabi ni Remulla na ang clearance na ibinigay ng Department of Justice "ay marahil ang pinakamahalagang bahagi nito upang ihatid ang warrant of arrest at isuko ang isang tao sa ilalim ng batas".


“In some ways because I gave them the legal basis for all the actions that happened… If I have to be the one, if I'm the one that is being referred to," wika niya.


"I will admit it that I gave the clearances to—number one, serve the warrant of arrest as I saw it, as I deem fit. And number two, to fly him to The Hague, to be surrendered under Section 17 of Republic Act 9851,” ayon pa kay Remulla.


Nauna nang sinabi ng kalihim na sinusubukan na umamin sila sa harap ng mga senador sa mga usapin na may kaugnayan sa pag-aresto sa dating Pangulo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page