ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | July 18, 2023
“Well, I started as a solo actor naman talaga, eh. I mean nag-King of the Gil (concert) na ako, nag-Araneta na ako, wala pa naman akong love team. I’m used to it. There’s nothing new about it. I started out, nag-take-off lang talaga nu’ng nag-love team kami ni Liza (Soberano), but even before Liza, I was the King of the Gil, right?”
Ito ang naging sagot sa amin ni Enrique Gil nang tanungin namin siya kung hindi ba siya nakakaramdam ng takot o pangamba na ngayong buwag na ang tambalang LizQuen ay ipu-push na siya bilang isang solo actor.
Marami ang nasaktan at nainis para sa aktor sa mga nakaraang interviews kay Liza kung saan sinabi nito na itinali siya sa konsepto ng love team at ‘di siya nabigyan ng freedom na makipagtambal sa iba at mag-grow bilang aktres.
Para rin sa iba ay walang utang na loob si Liza dahil kung anuman ang tagumpay na tinamasa nito ay malaking bahagi ang LizQuen love team nila ni Enrique, na naging boyfriend niya rin.
Nang tanungin naman namin si Enrique kung sino sa mga aktres natin ang napipisil niya na maging susunod na kapareha para sa mga upcoming projects na kanyang gagawin, agad kaming sinagot ni Enrique na kahit na sino ay wala namang problema sa kanya at ‘di siya namimili.
Ang mahalaga para kay Enrique ay babagay sa makakaparehang aktres ang ibibigay na role rito. Bukod doon, hindi rin niya gusto na isama ang isang artista sa cast dahil lang sikat o may pangalan na ito sa industriya.
Sa ngayon ay nakalinyang gawin ni Enrique ang comedy movie na I Am Not Big Bird na co-production ng ABS-CBN, Black Sheep at Anima Studios. Balita na sa daming inalok na mga pelikula sa aktor, ang I Am Not Big Bird ang napusuan nito kung saan sa istorya ay napagkamalan siyang sikat na porn star sa Thailand dahil sa laki ng kanilang pagkakahawig.
Sa nakikita namin ay mukhang gusto na ring kumawala ni Quen (Enrique) sa mga wholesome roles na kadalasang tema ng mga proyekto nila noon ni Liza at ngayon ay gusto na nitong sumubok ng mga kakaiba at ‘di nakakahong mga roles na nakasanayan niya.
Bukod sa pag-aartista ay may sarili na ring itinatag na production company si Enrique at siya ang tumatayong Chief Marketing Officer ng Ticket2Me. Ang naturang production company ay isang ticketing company at organizer ng mga events.
Ikinuwento ni Enrique na nu’ng manood siya ng concert ng BTS (K-Pop boy band) sa Hong Kong ay naranasan niya ang hirap mula sa pagbili ng tickets, hanggang sa pagpasok sa mismong venue.
Sa pamamagitan ng Ticket2Me na digital, pupunta ka lang sa website nito upang makabili ng tickets, ‘di mo na kailangang pick-up-in pa dahil pagdating ng mga viewers sa venue ay ii-scan na lang nila ito sa kani-kanilang smart phones.