ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | June 15, 2024
NAapanood ni katotong Ronnie Carrasco ang vlog ni Alex Gonzaga nang dumalaw ito sa house nina Lucy Torres at Richard Gomez sa Ormoc at nakapag-dialogue tuloy si friendship Ronnie kay Alex that goes..... “Wala talagang ka-finesse-finesse si Alex Gonzaga!”
Ayon sa kuwento ng aming katoto, winelkam naman ni Lucy si Alex at ipinasyal pa sa kanilang bahay.
Ikinamangha ni Alex ang mga vintage furniture pieces sa loob ng tahanan ng mag-asawang Gomez, na sabi ni Lucy, ang ibang muwebles doon ay galing sa kanyang tiyahin at ang ibang pieces ay galing naman sa kanyang ancestral home.
Dahil nagustuhan niya nga ang mga kasangkapang ‘yun ay umurot si Alex kay Lucy na baka naman maaari siya nitong ipakilala sa kanyang tiyahin. Manghihingi rin daw si Alex lalo’t nagpapagawa sila ng bahay ng mister na si Mikee Morada.
Sey pa ni Ronnie, “Umoo naman si Lucy, o sinakyan na lang niya ang trip ni Alex na aakalain mong hindi milyun-milyon ang kinikita sa vlogging, pero walang pambili ng lalamanin sa bahay?! Isn’t that ridiculous?
“Anyway, ang obyus na hindi kinaya ni Lucy ay ang comment ni Alex sa isinerve na macapuno sa kanya. Nagdayalog ba naman kasi ito na parang “uhog” ‘yun. Napatalikod na lang si Lucy sa tinuran ng kanyang bisita, obyus na na-turn-off ito!
“As always naman ay ganyan si Alex, walang pinipiling taong kaharap makapagbitiw lang ng akala niya’y nakakaaliw na joke. Hindi ba’t tungkulin ni Mikee na rendahan ang pagiging taklesa ng kanyang misis? Sa totoo lang, minus points ‘yun sa political career ni Mikee sa Batangas!”
Dagdag pa nito, “Umayos ka, Alex… hindi ka na nakakatuwa!”
Well, may point naman ang aming katoto-friendship na si Ronnie, pero ganu'n na talaga si Alex, naturalesa na niya 'yun kaya mahirap nang baguhin lalo't 'di na siya bata.
Sabi nga, love her or hate her?
IPINAGDIRIWANG ng Cinema One ang 30 taong paghahatid ng iba’t ibang pelikulang Pilipino sa mga manonood sa paglulunsad ng Laging Kasama music video na tampok si Piolo Pascual.
Inilabas ang music video sa Cinema One Facebook page at YouTube channel kung saan makikitang umaawit si Piolo habang ipinapakita ang ilan sa mga hindi malilimutang Filipino films. Ipinalabas din ang music video sa ABS-CBN channels nitong Miyerkules.
Bukod sa kanilang anniversary theme song, ihahandog din ng cable channel ang iba’t ibang blockbuster at classic Pinoy films na libreng mapapanood sa YouTube simula Hunyo 12 hanggang 30.