ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | July 7, 2024
Noong dinala ni yours truly si Kristel Moreno kay Boss Vic del Rosario ay medyo bagets pa ito at bagay na bagay sa kanya ang mahabang buhok.
Nagustuhan naman siya ni Boss Vic at inalok siyang maging Viva artist, lalo na sa Vivamax, pero hindi feel na gumawa ng sexy or bold films ni Kristel, hindi tulad ng kanyang tiyahin na si Alma Moreno na naging sexy star noon sa ilang pelikulang nagawa nito nu’ng kanyang kabataan.
Medyo matagal-tagal ding nawala sa showbiz world si Kristel dahil nagtayo ito ng ilang negosyo at pati nga pagpo-produce sana niya ng mga pelikula, tipong naudlot, kaya gusto niyang magbalik-pelikula uli.
Pero this time, gusto niyang maging action star at ang hiling niya, sana raw ay masama siya sa pelikula ni Robin Padilla sa Borracho Films ni Atty. Ferdie Topacio titled Gringo: The Greg Honasan Story. Sana rin daw ay kunin siya ng Dreamscape Productions para makasama si Coco Martin sa TV series nitong Batang Quiapo.
Kunsabagay, sa age at looks now ni Kristel ay puwedeng-puwede siyang maging action star 'coz she’s now 33 years old at nagpakalbo, nawala ang magandang mahabang buhok niya.
Bakit? Anyare?
“Nagkaroon kasi ng cancer of the breast si Mama ko at dahil sa Chemotherapy n’ya ay nakalbo siya, iyak ako nang iyak. Hindi ko malaman ang gagawin ko.
“Tapos, nagpakalbo rin ako dahil sa awa ko sa mama ko, pero mabilis namang tumubo uli ang buhok ko. ‘Yun nga lang, manipis na s’ya, kaya hindi na ako bagay sa mga pa-sweet roles. Ang dream ko ngayon ay maging action star hangga’t buhay pa si Mama ko.
“Masakit para sa ‘kin ang pagkakaroon ng breast cancer ng mama ko. Mahal na mahal ko s’ya at hangad ko na gumaling na s’ya agad. Hindi ko kakayanin kung mawawala s’ya sa buhay naming magkakapatid. Mahal na mahal namin ang mama ko,” ang medyo teary-eyed na mahabang pahayag sa amin ni Kristel.
Kunsabagay, 64 years old pa lang ang mama niya na si Tita Annabelle Valdez na naging close rin kay yours truly kaya kami man ng dyunak kong si Camille ay affected much at maluha-luha nang muli kaming magkita-kita kamakailan lamang.
Ipagdasal na lang nating lahat na harinawa ay gumaling ang breast cancer ng mommy dearest ni Kristel Moreno sooner than soon.