ni Melba Llanera @Insider | Jan. 25, 2025
Taliwas ang mga pahayag nina Nina at Nyoy Volante sa tanong kung natuldukan at maayos na ba ang samahan nila pagkatapos ng hiwalayan nila noong 2007.
Hindi naging maganda ang breakup ng dalawa na may kaugnayan sa usaping pera. In fact, nauwi pa nga ito sa demandahan noong 2009.
Sa huli ay iniurong din ni Nina ang demanda laban sa ex-boyfriend kung saan nagkaroon sila ng agreed compromise.
Sa mga nakaraang interbyu kay Nina, nabanggit nito na ayaw na niyang makasama uli sa isang trabaho si Nyoy.
Sa nakaraang interview namin kay Nyoy sa presscon ng Love: Sessionistas The Pre-Valentine Concert na magaganap sa darating na Pebrero 8 sa The Theater ng Solaire Resort and Casino, natanong ang singer kung baka siya ang dahilan kaya hindi sumama si Nina sa reunion concert ng Sessionistas.
Paliwanag naman ni Nyoy, dapat ay kasama ang ex-girlfriend. Pero dahil mga singers sila na ang repertoire ay love songs, mabiling-mabili sila kapag ganitong panahon kung saan may Valentine concert din si Nina ng Pebrero 7, ang Love Matters (LM) na gaganapin naman sa New Frontier Theater.
Ayon pa kay Nyoy, nagbabatian sila ni Nina ‘pag nagkikita at wala nang dapat pag-usapan pa dahil matagal na itong isyu.
Tinanong din namin kung bukas ba siyang makasama sa isang show o concert si Nina, at agad naman kaming sinagot ni Nyoy na walang problema sa kanya pero dahil may kani-kanya silang career, mas maganda na i-explore kung sino pa ang puwede niyang makatrabaho.
Sa panayam naman kay Nina sa Showbiz Update (SU) nina Kuya Ogie Diaz, Mama Loi, at Ate Mrena, tahasang sinabi ng singer na hindi pa sila okey ni Nyoy at hindi pa siya bukas na makatrabaho ang isang tao na hindi man pangalanan ay alam na kung sino ang pinatutungkulan niya.
Ayon pa kay Nina, napatawad na niya ito pero bilang bahagi na ng nakaraan niya, ayaw na niyang maging parte pa ng buhay niya ang ex-BF.
Tinanong din ang Soul Siren kung ano ang ginagawa niya ‘pag nagkikita sila. Ani Nina,
nag-iiwasan sila.
Inaalam din ng manager niya kung sino ang makakasama niya sa isang show at depende sa manager niya kung sino ang gusto nitong makasama niya.
Sa ngayon ay maligaya na si Nyoy sa piling ng kanyang asawa na si Mikkee Bradshaw, samantalang si Nina naman ay masaya na rin sa asawa niyang businessman na si Enrico Enriquez at may isa na silang anak na babae.
Dahil sa magkaibang pahayag nina Nyoy at Nina, tama bang isipin na hindi pa rin pala sila okay talaga?
SA ganda at husay ng pagkakagawa at sa full-house cast ng Incognito mula kina Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Kaila Estrada, Anthony Jennings, Baron Geisler at Daniel Padilla, hindi kataka-taka na bukod sa mataas na ratings ng serye ay No. 1 show ito sa Netflix pagkatapos ng premiere nito noong Enero 17.
Punumpuno ng aksiyon ang Incognito. Bilang isang private military company na lumalaban sa mga kriminal, kahanga-hanga ang mga hindi birong stunts na ipinapakita ng bawat cast.
Sa panayam nga namin sa direktor ng Incognito na si Direk Lester Pimentel-Ong, bilib na bilib siya sa professionalism at pagiging game ng buong cast sa training na ginawa nila para sa mga delikadong stunts.
Puring-puri rin ng Incognito director ang lahat dahil sa taping nila sa ibang bansa ay walang primadonna. Dito ay makikita mo na tumutulong magbuhat ang ilang cast ng mga gamit sa taping at walang feeling superstar sa mga ito.
Nakakatuwa lang na kahit walang franchise ay patuloy ang Kapamilya Network sa paggawa ng mga de-kalidad na serye na talagang tinututukan ng mga manonood.