ni Melba Llanera @Insider | August 22, 2024
Tulad ng naging pahayag sa amin ni Congw. Richelle Singson, representative ng Ilokano party-list at anak ni ex-Gov. Chavit Singson, ang kahalagahan ng pagmamahal at pag-unawa sa isang pamilya ay paulit-ulit na ipinapayo at ipinapaalala sa kanila ng ama.
Kaya’t hindi na dapat pagtakhan na ang hininging kondisyon ng dating pulitiko ay ang pagkakabati-bati muna ng pamilya Yulo bago niya ipagkaloob ang ipinangako niyang limang milyong pisong pabuya.
Ayon pa kay Chavit, kung anuman ang nagawang pagkakamali ng pamilya ni Caloy,
dapat ay patawarin na ito ng two-time gold Olympic medalist at ayusin kung anuman ang nagiging problema.
Ibinahagi pa ni Chavit na tanging ang pamilya ni Caloy ang nakausap niya at ikinuwento sa kanya na hindi pa sila kinokontak ng anak.
Hiling ni Chavit na magkaayos na ang pamilya Yulo, lalo’t hindi rin maganda sa imahe ni Caloy, lalo’t sa kultura nating mga Pilipino ay labis na pinahahalagahan ang pagmamahalan ng isang pamilya.
Nahingan din namin ng reaksiyon si Chavit sa nag-trending na video sa social media, kung saan pinipilit na gisingin ang isang leon sa Baluarte Zoo sa Vigan para makapagpa-picture ang mga turista.
Ayon kay Chavit, inalis na nila sa trabaho ang naturang zookeeper. Ipinaliwanag din ng businessman na hindi naman daw sinampal ng zookeeper ang leon kundi ginising lang dahil natural sa mga leon ang gising sa gabi at tulog sa umaga.
Pero sa kabila ng paliwanag na ito, minabuti na lang nilang alisin ito sa trabaho.
Sa ngayon, bukod sa iba't ibang negosyo ni Chavit, palago nang palago rin ang BBQ Chicken na may 12 branches na sa bansa. Ang pinakabago ngang branch ay nasa Festival Mall sa Alabang.
Masarap at authentic talaga ang lasa, nag-originate pala ang BBQ Chicken sa Korea.
Tuluy-tuloy din ang training ng mga tauhan nila kaya masasabi na kopyang-kopya nila ang bawat putahe na inihahain nila rito sa atin.
SA kabila ng kanyang katayuan sa showbiz bilang Star for All Seasons, kuwento sa amin ni Vilma Santos na isa pa rin siyang maybahay pagdating sa kanilang tahanan.
Proud na sabi ng aktres na ibinibigay pa rin sa kanya ng asawang si Sec. Ralph Recto ang budget para sa mga bayarin at gastusin sa bahay nila at hands-on siya sa pagpapalakad ng kanilang tahanan.
Ayon nga sa Star for All Seasons, alam niya kapag wala na ang mga supplies nila sa bahay gaya ng sabon, pang-mop, at alam niya kung sino ang mga dapat maglinis sa bahay, ang mga papasuwelduhin, pati na rin ang groceries. Alam din niya kapag tumataas ang mga bilihin, kuryente at tubig at sinasabi niya sa asawa na kailangang dagdagan nito ang budget nila.
Pagdating naman sa pamilya niya, gaya ng mga kapatid, hindi niya ito ipinapaako sa asawa at kung anumang kailanganin ng mga ito ay nanggagaling sa sarili niyang bulsa.
Nasulat dati na isa sa mga nakaugalian ni Vilma ay maglinis tuwing madaling-araw kung kailan tulog na ang lahat ng tao sa bahay nila.
Pag-amin ni Ate Vi, hindi na niya nagagawa ito ngayon pero pagmamalaki niya na pinalaki silang magkakapatid ng mga magulang nila na marunong sa mga gawaing bahay tulad ng paghuhugas ng pinggan, pagwawalis, at iba pa.
Sa kabilang banda, masayang-masaya naman si Vilma sa Vilma Night na ginanap sa Archivo 1984 kung saan naka-display ang mga memorabilia, posters, at mga larawan ng lahat ng mga pelikulang ginawa niya sa loob ng animnapung taon niya sa showbiz.
Labis ang pasasalamat ni Vilma kay Dr. Martin Magsanoc in partnership with SOPHIA sa sama-samang effort para maging matagumpay ang nasabing exhibit na tumagal ng dalawang linggo.