ni MC @Sports | June 19, 2024
Patuloy na umaasang buhay ang dugo ng Southeast Asian Games champ na si Kristina Knott lalo na sa pagsabak niya sa 2024 Paris Olympics makaraang masungkit ang gold medal sa women's 100-meter dash sa 2024 Harry Jerome Track Classic sa Burnaby, Canada.
Tinapos ni Knott ang takbo sa 11.64 segundo para manguna sa karera.
Tumapos namang silver si Canadian Victoria McIntyre nang maorasan ng 11.94s, habang si Zion Corrales Nelson ang naka-bronze medal sa oras na 11.94s.
Samantala sa 200m category, naging mabagal ang Filipina American nang malagay lamang si Knott sa third place finish sa timing na 23.42s.
Dinomina ng dalawang pambato ng Canada ang karera: sina Zoe Sharar (23.14s) at Jacqueline Madogo (23.20s) ang kapwa naka-gold at silver medals, ayon sa pagkakasunod.
Kailangan ni Knott na magkuwalipika sa Olympic standard na 22.57s sa 200m run para matiyak na magkatiket sa Paris.
Sa ilang araw na nalalapit bago ang Olympics, tinutumbok ni Knott na makatipon ng mas marami pang puntos para magkaroon ng slot sa women's 200m category.
Kilala si Knott sa pagwawasak ng records makaraang tumapos sa 11.2 seconds sa 100m dash sa ICTSI Philippine Athletics Championships 2024.
Naitatak niya ang kanyang tikas sa Drake Blue Oval Showcase sa USA nang magtala ng national record na 11.27s noong Agosto 2020.