ni MC @Sports | July 1, 2024
Umangat sa Division A ng FIBA U18 Women's Asia Cup ang Gilas Pilipinas Women Under-18 basketball team. Nakuha ng Filipinas ang promosyon matapos dominahin at muling talunin ang Lebanon, 95-64 sa kanilang bakbakan sa Division B Finals kahapon sa Futian Sports Park sa China.
Pinangunahan ni Alyssa Rodriguez sa gabay ni coach Julie Amos ang squad sa bisa ng 22 points, 18 ang mula sa 6-of-10 shooting ng three-point line kasama ang three steals, assist, block, at rebound.
Pumoste si Alicia Villanueva ng 15 markers habang si Naomi Panginiban ay may 13 points, four assists, three steals, at two rebounds, habang si team captain Ava Fajardo at Sophia Canindo ay may tig-10 puntos.
Nakakamada rin sila ng 15 three-pointers sa 39 na tangka (38.5%) at ipinakita ang impresibong laro sa depensa kaya nagresulta sa 31 turnovers ng Lebanon at pinahirapan sa 21 steals.
Pumatas sa 20 puntos sa kaagahan ng laro nang bumanat si El Ghali ng three-points, ginanahan agad ang Gilas at umalagwa ng 17 puntos na hindi nasagot ng kabilang team mula sa tres ni Rodriguez, Panginiban at 15-foot-line shot nina Fajardo at Villanueva.
Ang mainit na kamay ni Panginiban ay nagpatuloy hanggang sa final canto para itarak ng Gilas ang 89-48 na pananambak para makasampa sila sa Division A.
Ito ang ikaapat na diretsong panalo ng Gilas girls nang unang gapiin ang Maldives at Lebanon sa group stage at ang Samoa sa semifinals.
Sa kabilang banda, namuno si El Ghali ng Lebanon sa 31 markers habang nag-ambag si Maygen Naassan ng 19 points. Samantala, pinakapos ng Samoa ang Iran sa Battle for Third Place game, 64-59.