ni MC @Sports | August 12, 2024
Itinakda sa Miyerkules, Agosto 14 ang heroes' parade ng Filipino athletes na lumahok sa 2024 Paris Olympics ayon sa Office of the Presidential Protocol kahapon.
Ayon kay Reichel Quiñones, Chief of Presidential Protocol and Presidential Assistant on Foreign Affairs, darating si two-time Olympic champion Carlos Yulo at iba pang Filipino Olympians sa bansa ng 6 pm ngayong Martes.
Sasalubungin sila ng First Family ng Malacañang at matapos iyan ay isang awarding ceremony at dinner reception ang idaraos. Ayon sa Presidential Communications Office igagawad na rin sa Olympians ang kanilang cash incentives.
''The President will be announcing a cash incentive upon the welcome honors for the Olympians,''ayon kay Presidential Communications Office Assistant Secretary Dale de Vera sa isang Palace press briefing. Ang motorcade ayon kay Quiñones ay magsisimula sa Pasay.
''The following day [Wednesday], the athletes will be picked up from their [places of accommodation] and be brought to Aliw Theater where a motorcade will be held, from Aliw Theater to the Rizal Memorial Sports Complex,'' saad pa ni Quiñones sa isang Palace press briefing.
Ang 7.7-kilometer motorcade ay magsisimula sa Aliw Theater iikot sa Roxas Boulevard, kakanan sa P. Burgos at didiretso sa Finance Road. Pagdating sa Taft Avenue, kakanan sa Quirino Avenue patungo sa Adriatico Street at magtatapos sa Rizal Memorial Sports Complex.