ni Mharose Almirañez | October 14, 2022
Pambansang sakit ng mga writer ang ‘writer’s block’ kung saan tila name-mental block sila’t hindi makapag-isip ng isusulat. Kumbaga, nasasaid ang utak nila, kaya kahit magdamag pa silang tumunganga sa harap ng papel, laptop o computer ay napakahirap para sa kanilang makapag-construct ng isang makabuluhang paragraph.
Ayon sa research, kabilang sa mga kilalang manunulat na nakaranas ng writer’s block ay sina F. Scott Fitzgerald, Joseph Mitchell, atbp. I wonder kung nakaranas din nito sina Dr. Jose Rizal at Francisco Baltazar. Char!
Sabi naman ng ilan, hindi raw totoong nag-e-exist ang ‘writer’s block’ sapagkat palusot lamang ‘yun dahil tinatamad silang magkalkal ng mga salita o creative juices. Posible ring distracted sila between personal life and writing career. So ano nga ba ang totoo?
Bilang manunulat, narito ang ilang tips na puwede kong ibahagi sa tuwing tinatamad akong magsulat o nakakaranas ng writer’s block:
1. MAG-SET NG SARILING DEADLINE. Ang pagsusulat ng nobela ay hindi kasing bilis ng one-night stand na puwede kang makabuo sa isang gabi lang. It takes years and endless nights. Nangangailangan din ito ng ilang baldeng kape, paulit-ulit na revisions at walang katapusang writer’s block. Siyempre, hindi mo naman puwedeng ipilit ang pagsusulat kung wala ka sa mood dahil magmumukhang chaka ang iyong piyesa. Ayaw mo naman siguro magmukhang ni-rush ang iyong manuscript para lamang makaabot sa deadline, ‘di ba? That’s why, ikaw na ang mag-set sa mas maagang deadline. Unahan mo na ‘yung deadline ng boss mo. Upang magawa ‘yun, kailangan mong mag-concentrate. Huwag kang magpa-distract. Eh, paano naman ‘yung mga may deadline ng alas-5:00 ng hapon araw-araw? Simple lang ‘yan, mag-focus ka at basahin ang mga susunod pang tips.
2. MAG-SCROLL SA SOCIAL MEDIA. Isa ito sa dahilan kaya nadi-distract ang karamihan, pero knows mo bang nakakatulong din ang social media upang makakuha ng mga bagong kaalaman na maaari mong magamit sa iyong manuscript o article? Halimbawa, puwede mong gamitin ‘yung tips sa mga napapanood mong TikTok content. Puwede mo rin gawing basehan ‘yung mga advice at opinyon na naririnig mo sa podcast.
3. MAGLAKWATSA. Away from keyboard ka muna kung talagang wala nang mapiga sa ‘yong utak. Subukan mong mag-akyat-baba sa hagdan, maglakad sa hallway o tumambay sa coffee shop. Puwede ka ring bumiyahe sa unfamiliar places para maligaw ka man, at least mayroon kang bagong kuwento o adventure na puwedeng isulat. I-draft mo lang muna ‘yun, saka mo balikan kapag overflowing na ang sentences at ideas sa ‘yong utak.
4. MAG-OBSERVE. Nasaang lugar ka man, ugaliin mong magmatyag sa mga taong nakapaligid sa ‘yo dahil puwede mo itong gamitin upang makabuo ng sentences kalaunan. Hindi naman sa pagiging ‘Marites’, pero tingnan mong maiigi ang bawat galaw ng mga kamay nila at maging ang paraan kung paano sila magbutones ng damit. Kilatisin mo ang model o unit ng hawak nilang selpon. Gaano ba sila kalakas magsalita? Kung novel ang iyong isinusulat, puwede mo na gamiting description ang mga nabanggit bilang establishing ng iyong scene. I-bullets mo muna ‘yung bawat keywords na na-observe mo, pagkatapos ay puwede mo na ‘yun lagyan ng supporting details. Kung article naman, humanap ka ng magandang anggulo at doon ka mag-focus.
5. MAKIPAGPALITAN NG IMPORMASYON. Halimbawa, tsika-tsikahin mo lang ‘yung friend mo... A typical conversation, without you guys knowing na kung anu-ano na ang naging topic n’yo— na puwede mo rin palang magamit para sa iyong next article. Kung half Chinese siya, eh ‘di, puwede mo siya interbyuhin tungkol sa Chinese culture. Mga ganu’ng atake, beshie. Make sure na isa-cite mo rin siya at the end of your article para hindi sumama ang loob niya sa ‘yo.
6. MAGMUNI-MUNI. Tumulala ka lang at hayaan mong dalhin ka ng iyong imagination kung saan. Mag-overthink ka lang. Malaking factor din ang ambience para ganahan kang magsulat. Sey ng ilan, masarap magmuni-muni tuwing madaling-araw, habang hawak ang baso ng mainit na kape. Idagdag mo na rin ang mga patak ng ulan sa inyong bubong at ang magandang himig ng musika. ‘Yung tipong, kada bitaw ng lyrics ay word-by-word ka nang nakakapag-construct ng sentences, hanggang tuluyan ka nang makabuo ng isang paragraph, isang chapter, manuscript at nobela.
Huwag mong gawing dahilan ang writer’s block para huminto sa pagsusulat dahil ang totoong manunulat ay hindi nauubusan ng mga dahilan para sumulat. Lapis at papel ang una nilang naging puhunan sa kanilang pangarap, kaya tamarin man silang magsulat o ma-distract man pansamantala, hahanap at hahanap sila ng paraan upang makabalik sa pagsusulat.
Gets mo?