ni Mharose Almirañez | November 17, 2022
Inflation here, inflation there, inflation everywhere! Ngayong nagtataasan ang presyo ng mga bilihin at papalapit na ang Pasko, paano nga ba makakatipid sa mga pangdekorasyon, pangregalo at panghanda nang hindi nagmumukhang pobre? Don’t worry, beshie, I got you!
Bilang budgetarian, narito ang ilang paraan upang makatipid sa darating na Pasko:
1. MAGING CREATIVE. Sa halip na mag-hire ng designer na magki-Christmas decorate para sa ‘yo ay napakaraming DIY o do-it-yourself tutorial na maaari mong gayahin sa pagde-decorate ng inyong bahay. Maaari ka ring gumawa ng improvised Christmas tree sa pamamagitan lamang ng garland. Siguraduhin mo lamang na hindi mag-o-overheat at magdidikit-dikit ang wiring ng Christmas lights upang maiwasan ang sunog.
2. MAGING RESOURCEFUL. Puwede mong i-reuse ang mga nagamit na dekorasyon last year, partikular na ang Christmas Tree, Christmas Lights, Christmas balls, artificial poinsettias, garlands, parol at iba pa. Mararamdaman mo nga naman ang presence ng Pasko sa tuwing nakikita mo ang mga kumukuti-kutitap na dekorasyon sa paligid ng Christmas tree, kaya naman huwag mong itapon ang mga ginamit dahil magagamit mo pa ‘yan yearly. Bukod sa nakatipid ka na, maaalala mo pa ang sayang dala ng Pasko noong mga nakaraang taon.
3. MAG-EARLY SHOPPING. Mamili ka na ng Noche Buena package hangga’t maaga dahil paniguradong mas tataas pa ang presyo ng mga ito habang papalapit ang Pasko. Siguraduhin lamang na malayo pa ang expiration date ng mga bibilhing produkto upang maiwasan ang aberya. Makakatulong din ang early shopping para makaiwas sa pakikipagsiksikan tuwing rush hour.
4. PUMUNTA SA DIVISORIA. Kilala ang Divisoria, Quiapo, Baclaran at Taytay Market bilang bagsakan ng mga mumurahing bilihin. Iba’t iba ang mga makikita mo ritong produkto, kaya hindi ka mauubusan ng pagpipilian. Mag-ingat na lamang sa mga mandurukot dahil hindi ‘yan sasagutin ng management kapag nadukutan ka.
5. ‘WAG UBOS BIYAYA, BUKAS TUNGANGA. Hindi porke nakatanggap ka na ng 13th month pay, Christmas bonus at sahod ay sunod-sunod na rin ang paggastos mo na parang wala nang bukas. Matuto kang mag-budget ng pera at maglista ng mga binili upang hindi ka mawindang kung saan napunta ang iyong pinagpaguran sa oras na maubos na ang iyong cash. Alalahanin mo na mayroon pang New Year. Mahirap naman kung sasalubungin mo ang 2023 na walang laman ang iyong bulsa, ‘di ba?
Ang Pasko ay araw ng kapanganakan ng Diyos, kaya marapat lamang itong ipagdiwang. Gayunman, dapat mo rin isipin ang pagiging praktikal dahil sa hirap ng buhay. Afterall, hindi naman pabonggahan ang Pasko. Ang mahalaga ay alam mo kung paano ka magiging thankful kay God at kung paano mo maa-appreciate ang presence ng iyong pamilya.
Give thanks and give love. Okie?