ni Mharose Almirañez | December 1, 2022
Bakit kung ano pa ‘yung dapat mong tandaan, ‘yun pa ang madalas mong makalimutan? Samantalang, kung ano ang gusto mong kalimutan, ‘yun pa ang palagi mong naaalala?
Akala mo ba ay normal ‘yan? Paano kung napapadalas na ang pagiging makakalimutin mo? Bago pa tuluyang lumala ang iyong karamdaman, mainam na magpakonsulta ka na agad sa doktor upang mapayuhan ka nila sa mga dapat mong gawin. Baka kasi, signs na ‘yan ng “younger onset” o “early onset” Alzheimer’s disease.
Ayon sa research, ang Alzheimer’s disease ay progressive form ng dementia. Early signs ng Alzheimer’s ang pagkalimot sa recent conversations. As the disease progresses, ang taong mayroon nito ay unti-unting nakakaranas ng severe memory impairment at kawalan ng kakayahan para makagawa ng everyday tasks. Karaniwang nakakaramdam nito ang mga nasa edad 65 pataas. Bagama’t walang cure sa sakit na ito, napakarami namang treatment na puwedeng gawin upang mapigilan ang pag-develop nito sa ‘ting murang edad.
1. Moral support mula sa mga taong nakapaligid sa iyo. ‘Yung tipong, imo-motivate ka nila para gumaling at hindi sila magsasawang paalalahanan ka kahit paulit-ulit mong nakakalimutan ang mga paalala nila.
2. Isulat mo sa papel ang mahahalagang pangyayari at importanteng tao sa buhay mo. Basahin mo ‘yun nang paulit-ulit para ma-memorize. Puwede ka ring gumawa ng diary na maaaring makapagpaalala sa ‘yo sa nakaraan.
3. Mag-crossword puzzle ka dahil paraan ito para maging pamilyar ka sa mga salita. Inirerekomenda ring maglaro ng board games kung saan natsa-challenge ang utak para mag-isip. Pero siyempre, i-limit lang para hindi masyadong mapuwersa ang utak.
4. Ayon kay Dr. Gad Marshall, associate medical director of clinical trials at the Center for Alzheimer Research and Treatment at Harvard-affiliated Brigham and Women's Hospital, nakakatulong ang physical exercise para mapigilan ang development ng Alzheimer's o mapabagal ang progression ng mga sintomas nito. Mainam gawin ang 30 minutong pag-eehersisyo, three to four days per week.
5. May mga gamot na inirereseta para mabawasan ang pagiging makakalimutin at iba pang side effects nito, kaya mainam talagang kumonsulta sa doktor para maagapan ang paglala ng naturang sakit. Gayunman, paulit-ulit na ipinaaalalang hindi nito garantisadong mapipigilan at magagamot ang Alzheimer’s.
Samantala, may ilang causes and risk factors kung bakit nagkakaroon ng Alzheimer’s disease ang isang tao. Halimbawa na lamang kung may kamag-anak ka na may ganito ring sakit, genetics o hereditary din ang sakit na ito kaya puwede itong mapasa, at ang karaniwang dahilan ang pagtanda.
Sa mga nakakaranas nito ay inirerekomendang kumain ng berries, fish, and leafy green vegetables upang malabanan ang memory loss. Mainam din ang pagkakaroon ng sapat na tulog upang hindi ma-trigger ang ating utak.
Hindi biro ang Alzheimer’s disease, kaya sa halip pagtawanan ang mga taong nakakaranas nito, marapat lamang na unawain sila, bigyan ng suporta at pang-unawa.
Okie?