ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 5, 2025
Maraming mga Pilipino ang nagtatrabaho sa industriya ng telebisyon at pelikula. Kaya naman isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 11966, o ang tinaguriang “Eddie Garcia Law”. Dito inihayag ang patakaran ng Estado na magbigay ng ganap na proteksyon sa paggawa at itaguyod ang ganap na trabaho at pagkakapantay-pantay ng mga oportunidad sa trabaho para sa lahat.
Kinikilala ng Estado ang mga kontribusyong pang-ekonomiya, panlipunan, at pangkultura sa pagbuo ng bansa ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon. Para sa layuning ito, dapat itaguyod at palakasin ng Estado ang pagtalima ng disenteng trabaho, komprehensibong saklaw ng proteksyong panlipunan sa lahat ng sektor ng industriya, kabilang ang mga self-employed, ang malayang paggamit ng karapatan sa sariling organisasyon at kolektibong makipagkasundo, ang pag-unlad at pagiging mapagkumpitensya ng industriya, at pag-angat ng mga kasanayan sa lahat ng sektor ng industriya.
Alinsunod sa patakarang ito ay kailangang regular na repasuhin ang mga kondisyon ng pagtatrabaho sa industriya upang matiyak na ang mga manggagawa ay mabibigyan ng mga pagkakataon para sa kumikitang trabaho o pakikipag-ugnayan sa trabaho at disenteng kita, at protektado mula sa pang-aabuso, panliligalig, mapanganib na mga kondisyon sa pagtatrabaho, at pagsasamantala sa ekonomiya.
Sakop ng “Eddie Garcia Law” ang lahat ng manggagawang nakikibahagi sa industriya ng pelikula at telebisyon anuman ang mga tungkulin, posisyon, o katayuan. Sa Seksyon 5 ng naturang batas ay nakapaloob ang mga sumusunod:
“Section 5. Protection of Workers. - The worker shall be protected by their employers or principal in the workplace, and shall implement the hours of work, wages and other wage-related benefits, social security, and welfare benefits, basic necessity, health and safety, working conditions and standards, and insurance, as provided in this Act, Presidential Decree No. 442, or the “Labor Code of the Philippines”, as amended, Republic Act No. 11058, entitled “An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof”, and other applicable laws.”
Makikita natin sa probisyon ng batas na mayroong karapatan ang mga manggagawang nakikibahagi sa industriya ng pelikula at telebisyon na magkaroon ng employment contract na naglalaman ng mga sumusunod na detalye katulad ng:
(a) Job position and status;
(b) Job description;
(c) Period of employment or engagement;
(d) Details of compensation and other workers' benefits including rate, method, and schedule of payment which shall be paid at intervals not exceeding sixteen (16) days, unless otherwise agreed upon by the parties;
(e) Authorized deduction, if any;
(f) Hours of work; and
(g) Grievance mechanism.
Dahilan sa kasama sa kontrata ang tungkol sa mga oras ng trabaho, nakasaad sa nabanggit na batas na ang mga ito ay dapat ibabatay sa mga alituntunin at kondisyon na itinakda sa kasunduan o kontrata sa pagtatrabaho at iba pang mga takda na nilagdaan ng employer o ng principal.
Pagdating naman sa sahod, ang pinakamababang sahod ng isang manggagawa ay hindi dapat mas mababa sa naaangkop na minimum na sahod sa rehiyon kung saan ang manggagawa ay tinanggap at ang sahod ay dapat bayaran sa oras, gaya ng napagkasunduan sa kontrata, nang direkta sa manggagawa.
Kapag ang mga manggagawa ay menor-de-edad, ang employer ay inaatasan ng batas na marapat na mahigpit na sumunod sa mga probisyon ng Republic Act No. (R.A.) 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act) na inamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 9231 (An Act Providing for the Elimination of the Worst Forms of Child Labor and Affording Stronger Protection for the Working Child), patungkol sa pagtatrabaho ng mga menor-de-edad. Ang lahat ng manggagawa ay dapat ding saklawin at karapat-dapat sa mga benepisyong ibinibigay ng Social Security System (SSS), ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund, at ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Nakasaad din sa batas na upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa, ipinag-uutos sa employer o principal na mahigpit na sumunod sa occupational safety at health standards na nakasaad sa Republic Act (R.A.) No. 11058 at Section 25 ng Republic Act (R.A.) No. 11036.
Anumang paglabag sa mga probisyon ng batas ay may kaparusahan. Ang mga lalabag sa alinmang probisyon ng batas ay pagmumultahin ng hanggang P100,000.00 para sa unang paglabag; hanggang P200,000.00 para sa ikalawang paglabag; at hanggang P500,000.00 para sa ikatlo at mga sumunod na paglabag. Kung ang paglabag ay ginawa ng isang korporasyon, trust o firm, partnership, association o anumang iba pang entity, ang mga multa ay ipapataw sa mga responsableng opisyal ng entidad, kabilang ang, ngunit hindi limitado sa, executive producer, producer, production manager, at business unit manager. Ang mga multa na ito ay walang pagtatangi sa pagpapataw ng iba pang mga parusa sa ilalim ng ibang mga batas.