ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 8, 2025
Dear Chief Acosta,
Natanggap ako bilang staff sa isang accounting office at sinabi nila sa akin na kailangan ko munang dumaan sa tinatawag na probationary period bago nila ako i-regular. Ayon sa kanila, oobserbahan nila muna ako sa loob ng apat na buwan, ngunit nagsimula na akong magtrabaho, ay hindi pa rin nila ipinaliliwanag sa akin ang mga batayan kung paano nila susuriin ang aking trabaho. Ano ang maaaring maging epekto nito sa estado ng aking trabaho? — Kenzo
Dear Kenzo,
Ayon sa Article 296 ng Labor Code of the Philippines, ang mga basehan o pamantayang gagamitin sa pagsusuri kung karapat-dapat ang isang probationary employee na maging isang regular employee ay kailangang ipaliwanag sa kanya sa pagsisimula ng kanyang trabaho. Ito rin ay sinabi sa Section 6(d), Rule I, Book VI ng Omnibus Rules Implementing the Labor Code:
“SECTION 6. Probationary employment. — xxx
(d) In all cases involving employees engaged on probationary basis, the employer shall make known to the employee the standards under which he will qualify as a regular employee at the time of his engagement.”
Ang isang empleyado na tinanggap bilang isang probationary employee ay dumadaan sa pagsusuri sa panahong napag-usapan, na hindi lalagpas ng anim na buwan. Sa panahong ito, titingnan ng employer kung ang kanyang trabaho ay papasa bilang isang regular na empleyado.
Kaugnay nito, kinakailangang maipaliwanag sa empleyado ang mga pamantayang gagamitin ng employer upang suriin at siyasatin ang kanyang gawa sa pagsisimula pa lamang ng kanyang trabaho. Ito ay marapat lamang upang malaman ng empleyado, kung ano ang mga pamantayan na kailangan niyang abutin.
Kung ang mga pamantayang ito ay hindi naipaliwanag sa empleyado sa pagsisimula ng kanyang trabaho ay maaari na siyang maituring na isang regular na empleyado. Ito ang ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Myra M. Moral vs. Momentum Properties Management Corporation, G.R. No. 226240, March 06, 2019, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Antonio T. Carpio:
“Moreover, it is indispensable in probationary employment that the employer informs the employee of the reasonable standards that will be used as basis for his or her regularization at the time of his or her engagement. In the event that the employer fails to comply with the aforementioned, then the employee is considered a regular employee.”
Base sa iyong isinalaysay, maaari ka nang maituring bilang isang regular na empleyado, sapagkat hindi naipaliwanag sa iyo, sa pagsisimula ng iyong trabaho, ang mga pamantayang gagamitin ng iyong employer upang siyasatin kung ikaw ay pumasa bilang isang regular na empleyado.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.