ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 13, 2024
Dear Chief Acosta,
Kami ng mga kaibigan ko ay naanyayahan na mag-invest sa isang kumpanya. Sa kasamaang-palad ay nalaman namin na peke pala ang nasabing kumpanya at ang aming pera ay itinakbo. Nais sana naming maghabla na lamang ng kasong sibil upang mabawi ang aming pera. Subalit nalaman namin na hindi totoo ang nasabing kumpanya at peke ang mga rehistro na pinakita nila sa amin. Maaari ba naming gamitin ang pinirmahan naming kontrata na nakapangalan sa kumpanya kahit na peke pala ang rehistro nito? — Ceej
Dear Ceej,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Section 15, Rule 3 ng A.M. No. 19-10-20-SC, o mas kilala bilang 2019 Amendments to the 1997 Rules of Civil Procedure. Sang-ayon sa nasabing probisyon:
“Sec, 15. Entity without juridical personality as defendant. – When two or more persons not organized as an entity with juridical personality enter into a transaction, they may be sued under the name by which they are generally or commonly known.
In the answer of such defendant, the names and addresses of the persons composing said entity must all be revealed.”
Sang-ayon sa nasabing probisyon, maaaring kasuhan sa pangalan ng pinapakilalang kumpanya ang isang partido kahit na ito ay walang lehitimong rehistro. Gaya sa iyong kaso, sila ay gumawa ng kontrata sa pangalan ng kanilang ipinakilalang kumpanya, kaya maaari mo silang ihabla gamit ang pangalan ng nasabing pekeng kumpanya.
Ito ay proteksyon na ipinagkakaloob ng batas para sa mga nakikipagtransaksyon sa mga nasabing entity. Ang isang indibidwal o grupo ng mga indibidwal, na nakikipagtranskasyon sa mga nagpapakilalang kumpanya ay pinapaboran ng batas. Hindi maaaring gawing dahilan na hindi lehitimo o rehistrado ang nasabing negosyo upang masabi ng mga nasa likod nito na hindi sila maaaring kasuhan. Ang mga biktima ay maaaring maghabla gamit ang nasabing pangalan na kanilang kilala o ka-transaksyon at ang mga ito ang may responsibilidad na ilahad kung sino ang mga taong nasa likod nito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.