ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 29, 2024
Dear Chief Acosta,
Namatay ang kapatid ko na si Gil noong 2023. Wala silang anak ng kanyang asawa na si Stephanie, at wala ring huling habilin ang aking kapatid. Gusto kong malaman kung magkakaroon ba kami ng mana mula sa naiwan ng aking kapatid? Kung oo, kami lang ba ang magiging tagapagmana niya, o kasama naming magmamana ang kanyang asawa?
— Hannah
Dear Hannah,
Kadalasan, ang mga tinatawag na kompulsaryong tagapagmana ng isang tao ay ang kanyang lehitimong mga anak, mga apo at susunod pang lahi sa kanyang mga apo, ang kanyang asawa, at kung mayroon siyang ilehitimong anak. Kung wala namang lehitimong anak o lehitimong apo ang isang namayapa, ang kanyang mga magulang ay kabilang sa kanyang kompulsaryong tagapagmana.
Ang mga kapatid ay maaari lang magmana kung walang lehitimong anak, lehitimong apo, ilehitimong anak, o namatay na ang magulang ng namayapa. Nakasaad sa Article 1001 ng New Civil Code of the Philippines na:
“ARTICLE 1001. Should brothers and sisters or their children survive with the widow or widower, the latter shall be entitled to one-half of the inheritance and the brothers and sisters or their children to the other half.”
Samakatuwid, kung ang naiwang kamag-anak ng isang tao ay ang kanyang asawa at ang kanyang mga kapatid, mamanahin ng kanyang asawa ang kalahati ng kanyang ari-arian at ang kalahati naman ay paghahati-hatian ng kanyang mga kapatid.
Kaya naman, maaari kayong magkaroon ng mana mula sa iyong namayapang kapatid. Ang kanyang asawang si Stephanie ay magkakaroon din ng mana sa naiwanang ari-arian ng iyong kapatid. Gaya ng nakasaad sa New Civil Code of the Philippines, ang kalahati ng kanyang ari-arian ay mapupunta kay Stephanie at ang kalahati naman ay paghahati-hatian ninyong magkakapatid.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.