ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 8, 2024
Dear Chief Acosta,
Ang aking mga magulang ay hindi kasal at kasalukuyang hindi na nagsasama. Nais ng aking ama na gamitin ko ang kanyang apelyido sa lahat ng mga legal na dokumento. Sa sertipiko ng aking kapanganakan ay nakapirma naman ang aking ama na kinikilala niya ako na kanyang anak, ngunit ang nakatala pa rin na aking apelyido ay ang sa aking ina. Maaari bang ipilit ng aking ama na palitan at gamitin ko ang kanyang apelyido? — Kate
Dear Kate,
Una, kung ang iyong mga magulang ay hindi kasal nang ikaw ay ipinanganak, ikaw ay maituturing na isang hindi lehitimong anak (illegitimate child). Sang-ayon sa Article 176 ng Executive Order No. 209, s. 1985 o mas kilala bilang “Family Code of the Philippines” na inamyendahan ng Republic Act 9255, hindi maaaring ipilit ng iyong ama ang paggamit ng kanyang apelyido:
“Art. 176. Illegitimate children shall use the surname and shall be under the parental authority of their mother, and shall be entitled to support in conformity with this Code. However, illegitimate children may use the surname of their father if their filiation has been expressly recognized by their father through the record of birth appearing in the civil register, or when an admission in a public document or private handwritten instrument is made by the father. xxx”
Ang probisyong ito ay ipinaliwanag ng ating Kataas-taasang Hukuman sa kaso na, In re: Petition for Cancellation of Certificates of Live Births of Yuhares Jan Barcelota Tinitigan and Avee Kynna Noelle Barcelote Tinitigan Jonna Karla Baguio Barcelote vs. Republic of the Philippines (G.R. No. 222095, August 7, 2017), sa pamamagitan ni Honorable Associate Justice Antonio T. Carpio:
“The use of the word ‘may’ in Article 176 of the Family Code, as amended by RA 9255 readily shows that an acknowledged illegitimate child is under no compulsion to use the surname of his illegitimate father. The word ‘may’ is permissive and operates to confer discretion upon the illegitimate children.
“The law is clear that illegitimate children shall use the surname and shall be under the parental authority of their mother. The use of the word "shall" underscore its mandatory character. The discretion on the part of the illegitimate child to use the surname of the father is conditional upon proof of compliance with RA 9255 and its IRR.”
Maliwanag mula sa mga nabanggit na ang paggamit ng apelyido ng ama ng isang hindi lehitimong anak ay hindi isang obligasyon na dapat gawin sa ayaw at sa gusto nito, kundi isang karapatan na boluntaryong maaari lamang ipatupad kung nanaisin ng isang hindi lehitimong anak na kinikilala ng kanyang ama. Kung kaya, sa iyong sitwasyon ay hindi maaaring igiit ng iyong ama ang pagbabago o paggamit ng kanyang apelyido.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.