ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 26, 2025

Ayon sa batas, ang mga magulang ang pangunahing tagapangalaga sa katauhan at ari-arian ng kanilang mga anak na wala pa sa tamang gulang. Hindi na kinakailangan ng pagtatalaga ng hukuman para rito dahil batas na mismo ang nagtakda nito.
Subalit, may mga pagkakataon kung saan ang parehong ama at ina ng isang bata ay hindi makaganap sa kanilang mga tungkuling pangalagaan ang katauhan at mga ari-arian ng kanilang mga anak.
Sa pagkakataong ito, ang sinuman na kamag-anak ng isang bata o ng nasabing bata mismo, kung siya ay 14 na taong gulang na, ay maaaring maghain sa korte ng isang petisyon na matalaga ng isang guardian. Maaaring ihain ang nasabing petisyon sa korte na gumaganap bilang family court sa lugar kung saan nakatira ang bata, o sa lugar kung saan matatagpuan ang alinman sa kanyang mga ari-arian, kung siya ay nakatira sa ibang bansa.
Sa ilalim ng A.M. No. 03-02-05-SC (Rule on Guardianship of Minors) na inilabas ng Korte Suprema noong Mayo 1, 2003, maaaring magtalaga ang husgado ng legal na tagapangalaga ng isang batang wala pa sa tamang gulang (minor) sa mga sumusunod na sitwasyon:
Death, continued absence or incapacity of his parents;
Suspension, deprivation or termination of parental authority;
Re-marriage of his surviving parent, if the latter is found unsuitable to exercise parental authority; or
When the best interest of the minor so requires (Section 4, A.M. No. 03-02-05-SC).
Matapos maihain ang petisyon para sa pagtatalaga ng isang guardian, magkakaroon ng pagdinig sa nasabing petisyon at magsasagawa ang isang social worker ng case study. Sinuman ang nais magbigay ng kanyang pagsalungat sa petisyon ay maaaring maghain ng kanyang basehan sa hukuman.
Sa pagtatalaga ng legal na tagapangalaga sa katauhan at ari-arian ng isang bata, kailangang matiyak na ang hihirangin o itatalaga na legal na tagapangalaga o tagapangasiwa ay karapat-dapat sa tungkulin. Ikokonsidera ng husgado ang kanyang magandang karakter, pag-iisip, pisikal at sikolohikal na kondisyon, pinansyal na kakayahan, kakayahang pangasiwaan ang mga ari-arian, at maging ng kanyang relasyon sa batang kanyang pangangalagaan.
Ang legal na tagapangalaga ay may obligasyong pangalagaan ang katauhan o ang mga ari-arian ng nasabing bata. Bukod sa pangkalahatang pangangalaga, ang isang legal na tagapangalaga o legal guardian ay may mga obligasyong katulad ng:
Pagbabayad sa utang ng bata mula sa personal nitong ari-arian o sa mga kita ng kanyang mga real properties;
Paniningil sa mga pautang ng ward;
Pangangalaga sa mga ari-arian ng kanyang ward; at
Pagsusumite ng imbentaryo ng mga ari-arian ng kanyang ward sa loob ng tatlong buwan mula nang siya ay nahirang na legal na tagapangalaga at kada taong susunod dito.
Kapag mayroong usapin ukol sa mga ari-arian ng bata, may obligasyon ang legal na tagapangalaga na ipagtanggol ang bata at magsilbing kinatawan ng bata sa nasabing usapin. Ang legal na pangangalaga at pangangasiwa ay matatapos sa sandaling ang bata ay tumuntong na sa tamang edad, kung ang nasabing bata ay namatay, o kaya naman ay umalis ang kanyang tagapangalaga.