ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 29, 2025

Dear Chief Acosta,
May live-in partner ako na siya ring ama ng aking dalawang anak. Sinasaktan niya ako tuwing siya ay nakainom, at naging pangkaraniwan na lang ang pagmumura niya sa akin. Alam kong mali ito, ngunit dahil may mga anak kami, nag-aalangan pa rin akong magsampa ng kaso laban sa kanya. Maaari pa ba akong mag-apply ng barangay protection order (BPO) kaugnay ng Violence Against Women and their Children (VAWC) kahit na walang nakabinbin na kasong kriminal laban sa aking live-in partner? -- Dana
Dear Dana,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa ilalim ng Sections 14 at 21 ng Republic Act (R.A.) No. 9262, o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004,” kung saan nakasaad na:
“SECTION 14. Barangay Protection Orders (BPOs); Who May Issue and How. - Barangay Protection Orders (BPOs) refer to the protection order issued by the Punong Barangay ordering the perpetrator to desist from committing acts under Section 5 (a) and (b) of this Act. A Punong Barangay who receives applications for a BPO shall issue the protection order to the applicant on the date of filing after ex parte determination of the basis of the application. If the Punong Barangay is unavailable to act on the application for a BPO, the application shall be acted upon by any available Barangay Kagawad. If the BPO is issued by a Barangay Kagawad, the order must be accompanied by an attestation by the Barangay Kagawad that the Punong Barangay was unavailable at the time for the issuance of the BPO. BPOs shall be effective for fifteen (15) days. Immediately after the issuance of an ex parte BPO, the Punong Barangay or Barangay Kagawad shall personally serve a copy of the same on the respondent, or direct any barangay official to effect its personal service.
“The parties may be accompanied by a non-lawyer advocate in any proceeding before the Punong Barangay.”
Sang-ayon sa nabanggit, ang BPO ay karaniwang iginagawad ng punong barangay, at kung wala siya, ito ay ibinibigay ng barangay kagawad. Ito ay nag-uutos sa inirereklamo na tumigil sa kanyang ginagawang pananakit o pagbabanta sa kaligtasan ng biktima. Ang BPO ay epektibo lamang sa loob ng 15 araw.
Nangangahulugan na kahit sa barangay pa lamang ay maaari nang humingi ng tulong ang biktima upang maproteksyunan ang kanyang kaligtasan, bago pa man siya magsampa ng reklamo sa korte, kung kanyang nanaisin.
Kaakibat nito, ang hindi pagsunod sa inilabas na BPO ay may karampatang parusa sa batas, at ang kasong kriminal na naaangkop dito ay maaaring ipagpatuloy. Ayon sa Section 21 ng parehong batas:
“SECTION 21. Violation of Protection Orders. – A complaint for a violation of a BPO issued under this Act must be filed directly with any municipal trial court, metropolitan trial court, or municipal circuit trial court that has territorial jurisdiction over the barangay that issued the BPO. Violation of a BPO shall be punishable by imprisonment of thirty (30) days without prejudice to any other criminal or civil action that the offended party may file for any of the acts committed. xxx”
Maaaring magsampa ng reklamo ukol sa paglabag ng BPO sa municipal trial court, metropolitan trial court, o municipal circuit trial court na nakasasakop sa barangay na naglabas ng BPO. Ang paglabag sa BPO ay pinarurusahan ng pagkakakulong ng 30 araw, at maaari ring magsampa ng kasong kriminal o sibil ang biktima.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.