ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 29, 2024
Dear Chief Acosta,
Nagpunta kami ng girlfriend ko sa isang restaurant sa hotel. Dahil mahuhuli na kami sa aming restaurant reservation, nag-avail ako ng valet parking service ng hotel. Habang naghahapunan kami ay biglang tumawag ang aking kapatid. Nakita niya diumano ang aking sasakyan sa isang drive thru ng isang kainan. Iniulat ko ang nangyari sa namamahala ng hotel. Napag-alaman namin na nag-joyride ang valet attendant gamit ang aking sasakyan upang makipag-date. Nais kong sampahan ng kasong carnapping ang nasabing valet attendant. Ginigiit naman ng hotel na dahil wala namang intensyon ang valet attendant na magnakaw at dahil ibinalik naman ang aking sasakyan ng nasa maayos na kondisyon ay wala diumanong carnapping na naganap. Maaari bang makasuhan ng carnapping ang valet attendant na nagbiyahe ng kotse ko nang wala akong pahintulot?
— Noe
Dear Noe,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Section 3 ng Republic Act (R.A.) No. 10883, o mas kilala bilang “New Anti-Carnapping Act of 2016,” na nagbibigay ng depinisyon at parusa sa krimen ng carnapping:
SEC. 3. Carnapping; Penalties. – Carnapping is the taking, with intent to gain, of a motor vehicle belonging to another without the latter’s consent, or by means of violence against or intimidation of persons, or by using force upon things.Any person who is found guilty of carnapping shall, regardless of the value of the motor vehicle taken, be punished by imprisonment for not less than twenty (20) years and one (1) day but not more than thirty (30) years, when the carnapping is committed without violence against or intimidation of persons, or force upon things; and by imprisonment for not less than thirty (30) years and one (1) day but not more than forty (40) years, when the carnapping is committed by means of violence against or intimidation of persons, or force upon things; and the penalty of life imprisonment shall be imposed when the owner, driver, or occupant of the carnapped motor vehicle is killed or raped in the commission of the carnapping.Any person charged with carnapping or when the crime of carnapping is committed by criminal groups, gangs or syndicates or by means of violence or intimidation of any person or persons or forced upon things; or when the owner, driver, passenger or occupant of the carnapped vehicle is killed or raped in the course of the carnapping shall be denied bail when the evidence of guilt is strong.
Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang carnapping ay ang pagkuha, na may layuning makinabang ng isang sasakyang de-motor na pagmamay-ari ng iba na walang pahintulot ng may-ari nito, o sa pamamagitan ng karahasan laban o pananakot sa mga tao, o sa pamamagitan ng paggamit ng dahas. Sa iyong kaso, ang paggamit ng valet attendant sa iyong sasakyan upang makipag-date nang walang pahintulot mo ay maaaring pumasok sa kasong carnapping.
Ayon sa kasong Jewel Villacorta vs. The Insurance Commission and Empire Insurance Company (G.R. No. L-54171, October 28, 1980), sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Claudio S. Teehankee, kahit pa ang pakinabang na makukuha ay pansamantala lamang, ito pa rin ay maaaring makonsiderang intent to gain sapagkat wala pa rin itong pahintulot mula sa may-ari ng sasakyan. Ipinaliwanag ng Korte Suprema na:
“Assuming, despite the totally inadequate evidence, that the taking was “temporary” and for a “joy ride”, the Court sustains as the better view that which holds that when a person, either with the object of going to a certain place, or learning how to drive, or enjoying a free ride, takes possession of a vehicle belonging to another, without the consent of its owner, he is guilty of theft because by taking possession of the personal property belonging to another and using it, his intent to gain is evident since he derives therefrom utility, satisfaction, enjoyment and pleasure. Justice Ramon C. Aquino cites in his work Groizard who holds that the use of a thing constitutes gain and Cuello Calon who calls it “hurt de uso.”
Sang-ayon sa nasabing kaso, ang iyong inireklamong valet attendant ay maaaring managot sa kasong carnapping sapagkat sa ganitong klaseng kaso, hindi kinakailangan na permanente niyang kinuha ang iyong sasakyan. Sapat nang kinuha niya ang iyong sasakyan, na mayroong layunin na magmaneho patungo sa isang lugar, nang walang pahintulot mula sa iyo.
Ayon sa Korte Suprema, hindi kinakailangan na may intensyong kumita, basta’t mayroong nakuhang silbi, kasiyahan, o pakinabang sa pagkuha at paggamit sa sasakyan ng iba nang walang pahintulot ng may-ari. Kung kaya’t sa iyong kaso, hindi dahil sa walang intensyong magnakaw ang iyong inireklamong valet attendant, ay hindi na siya maaaring makasuhan ng carnapping sapagkat napakinabangan naman niya ang iyong sasakyan, nang walang pahintulot mula sa iyo upang gamitin niya ito sa pagbili ng pagkain sa kanyang date. Gayundin, dahil na-consummate na ang krimeng carnapping, hindi porke’t ibinalik ng valet attendant ang iyong sasakyan nang nasa maayos na kondisyon ay maaabsuwelto na siya sa kasong carnapping.
Bilang isang valet attendant, responsibilidad niya na maiparada ang iyong sasakyan nang maayos. Upang magampanan niya ang responsibilidad na ito, kinakailangan niya ang iyong permiso upang maimaneho ito patungo sa opisyal na lugar kung saan ito maipaparada nang maayos. Ngunit, bilang isang propesyonal, hindi kasama sa pahintulot na maimaneho ang iyong sasakyan na gamitin ito sa pagbili ng pagkain o sa pakikipag-date.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.