ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 23, 2025

Ang isang tao ay itinuturing na isang absentee kapag siya’y biglang nawala at, sa kabila ng masigasig at masusing paghahanap, ay hindi na matunton ang kanyang kinaroroonan.
Sang-ayon sa batas, may pagpapalagay na ang isang tao ay patay na sa mga sumusunod na pagkakataon:
Kapag ito ay nawala at hindi naringgan ng anumang balita sa loob ng apat na taon mula nang siya ay sumakay sa isang eroplano o barko na nawala sa paglipad o paglayag nito;
Kapag siya ay kabahagi ng hukbong sandatahan na nakasama sa isang digmaan at siya ay nawawala na ng apat na taon;
Kapag siya ay nasa panganib ng kamatayan sa ibang sirkumstansiya at ang kanyang kinaroroonan ay hindi malaman sa loob ng apat na taon mula nang siya ay nalagay sa ganoong kalagayan. (Article 393, Civil Code of the Philippines)
Dahil sa ganitong pagpapalagay, ang mga naiwanang kapamilya na may interes sa pagkawala ng isang tao ay binibigyang karapatan para makahingi ng remedyo sa hukuman. Nakasaad sa Rule 107 ng Rules of Court na kapag ang isang tao na biglang nawala mula sa kanyang tirahan, ang kanyang kinaroroonan ay hindi na malaman, at siya ay walang iniwanang tagapamahala ng kanyang mga ari-arian, sinuman na may interes sa kanyang pagkawala ay maaaring maghain ng petisyon sa husgado upang magtalaga ang husgado ng taong mamamahala at magiging kinatawan niya, pansamantala o habang siya ay hindi pa nagpapakita. Ang mga maaaring magsagawa ng petisyon ay alinman sa mga sumusunod:
Spouse present (asawa);
The heirs instituted in a will, who may present an authentic copy of the same (mga tagapagmana na nakatalaga sa isang huling habilin na kinakailangang magpakita ng kopya nito bilang katibayan);
The relatives who would succeed by the law of intestacy (mga kaanak na maaaring tagapagmana sa ilalim ng batas);
Those who have over the property of the absentee some right subordinated to the condition of his death (mga taong may karapatan sa ari-arian ng nawawalang tao).
Ang nasabing petisyon ay magsasaad ng mga pangalan ng mga tagapagmana na nakatalaga sa isang huling habilin, kung meron man, pangalan at address ng mga pinagkakautangan o ng iba pang tao na may interes sa mga ari-arian ng absentee, at maging ang halaga, lokasyon, karakter, o kinaroroonan ng mga ari-arian ng absentee.
Matapos makapaghain ng petisyon ay ipa-publish o ilalathala ang nasabing petisyon isang beses kada linggo sa loob ng tatlong magkasunud-sunod na linggo sa isang diyaryo na nasa sirkulasyon (general circulation) sa lugar kung saan nakatira ang absentee.