top of page
Search

ni Ambet Nabus @Let's See | May 19, 2024



Showbiz Photo
File photo: Dulce

Grabe pala ang tinaguriang Asia's Timeless Diva na si Dulce, ang lupeeet!

First time kaming nakapanood ng concert ng veteran singer kung saan talaga namang kinarir niya ang may anim o pitong kanta yata o baka mahigit pa ru'n sa ginanap na fundraising concert sa pangunguna ng tinagurian namang Charity Diva na si Tita Token Lizares sa Music Museum last Friday night.


Finale number si Ms. Dulce at talaga namang binuhay niya ang dugo at mga inaantok nang manonood (dahil 10 PM na 'yun) sa kanyang mga awitin na birit kung birit to the highest level tulad ng Love Story, Maalaala Mo Kaya, Ako Ang Nagwagi, Usahay, Dandansoy at marami pang iba na hindi na namin alam ang mga title.


Imagine, at her age now na 62, ganu'n pa rin ka-powerful ang boses niya? Ibaaa!

At buti na lang talaga, tama ang naging desisyon niya na 'wag ipabago o iparetoke ang kanyang ilong kesehodang "pango-lo" o "dapa-long" pa ito dahil pag-amin nga niya, talagang nag-alala siya at natakot na baka 'pag ipinaretoke niya ito, mawala o maapektuhan ang kanyang golden voice na God's gift nga naman sa kanya.


Kaya kesehodang chakaness daw ang mga publicity photos niya nu'ng nagsisimula pa siya at tinutulungan ng mga press na tulad ni Tita Mercy "The Great" Lejarde, dedma na lang siya at tinanggap na ang purpose niya sa mundo ay kumanta at hindi maging beauty queen o artista.


Oh, eh, tingnan n'yo naman, kahit sabihin pang 'di nga pang-Movie Queen ang byuti ni Ms. Dulce, siya naman ang tinaguriang Asia's Timeless Diva at hanggang ngayon nga ay mabenta pa rin sa mga shows and concerts.


Samantala, 'di rin naman nagpahuli kay Ms. Dulce si Tita Token Lizares na 101% performance rin ang ibinigay sa kanyang fundraising concert na ang kikitain ay mapupunta sa mga projects ng mga madre ng St. Paul.


Nanood din at naki-join sa kantahan at sayawan ang mga kaibigang artista ni Tita Token tulad nina Ms. Patricia Javier, Alma Concepcion, Liz Alindogan, Glenda Garcia, Melissa Mendez at marami pang iba.


Congrats sa isang successful fundraising show, Tita Token Lizares a.k.a. Charity Diva!

 
 

ni Maeng Santos @News | October 1, 2023




Umabot sa 220 solo parents ang nakatanggap ng P2,000 cash tulong mula sa Pamahalaang Lungsod ng Navotas.


“Solo parents face many challenges in raising their children on their own. We want to ensure that they will have a means to provide for their families especially during trying times,” ani Mayor John Rey Tiangco.


Ito ay sa pamamagitan ng Saya All, Angat All Tulong Pinansyal para sa mga Solo Parents bilang bahagi ng serye ng mga programa ng pamahalaang lungsod sa pandemic recovery.


Hinihikayat ni Tiangco ang Navoteño solong parents na magparehistro sa tanggapan ng social welfare para maging kuwalipikado sa programa.


Ang pamahalaang lungsod, sa pamamagitan ng City Ordinance No. 2019-17, ay nagbibigay din sa mga indigent solo parents ng P1,000 educational assistance kada school year.



 
 

ni Maeng Santos @News | September 20, 2023




Tinatayang milyong halaga ng mga produkto ang naabo matapos sumiklab ang dalawang magkasunod na sunog sa magkahiwalay na lugar sa Malabon at Valenzuela Cities.


Unang tinupok ng apoy ang bodega ng medyas at tuwalya sa Gov. Pascual Avenue, Bgy. Catmon, Malabon City matapos mapuna ng nagrorondang guwardiya na umaapoy na ang dulong bahagi ng bodega, alas-9:58 ng gabi.


Kinailangan pang wasakin ng mga bumbero ang pader ng bodega, pati na ang paggamit ng heavy equipment upang maalis ang bumagsak na bubong para mapadali ang pag-apula sa apoy.


Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago ideklarang under control alas-11:30 ng gabi hanggang sa tuluyang maapula ng alas-6:03 ng umaga, you araw ng Martes.


Alas-3:35 naman ng madaling-araw nang sumiklab ang sunog sa Leo Tire Manufacturing Corp. na isang pabrikang pagawaan ng gulong sa Master Road, Bgy. Lingunan, Valenzuela City.


Naging pahirapan ang pag-apula sa apoy na nagsimula sa gilingan ng gulong na unang proseso sa paglikha ng gulong kaya’t kinailangan pang gumamit ng isang uri ng kemikal ang mga bumbero dahil gawa sa goma ang mga nasusunog na materyales.


Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago idineklarang under control alas-5:35 ng madaling-araw habang wala namang nadamay na mga katabing bodega ang dalawang magkahiwalay na sunog at wala ring naiulat na nasawi o nasugatan.


Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang pinagmulan ng dalawang magkahiwalay na sunog habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng napinsalang mga produkto.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page