ni Madel Moratillo @News | September 3, 2023
Pumalo na sa 233 ang bilang ng nasawi dahil sa leptospirosis sa Pilipinas sa unang 7 buwan ng taon.
Sa datos ng Department of Health, ito ay mula sa 2,168 kaso ng leptospirosis na naitala sa bansa.
Ang bilang na ito ay mas mataas ng 52% sa 1,423 kasong naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Noong nakaraang taon, nasa 201 naman ang nasawi dahil sa leptospirosis.
Pinakamataas na kaso ng sakit ay naitala sa Region 9, sinundan ng MIMAROPA, at Cordillera Administrative Region. Ayon sa DOH, inaasahang mas tataas pa ang mga kaso ng sakit dahil sa epekto ng mga Bagyong Egay, Falcon, Goring at Habagat.
Paalala ng DOH, kung lumusong sa baha, hugasan ito gamit ang malinis na tubig at sabon. Pinapayuhan ding magpunta sa health center lalo kung matagal na lumusong sa baha at may sugat para mabigyan ng prophylaxis.