ni Madel Moratillo | June 23, 2020
Abot sa mahigit 3 milyong pisong halaga ng kush marijuana ang nasabat ng Bureau of Customs mula sa isang parcel na ipinadala sa pamamagitan ng Central Mail Exchange Center. Ayon sa BOC, ang mga nasabing parcel ay mula sa California, USA at idineklara bilang tsokolate, green at black tea at shirts.
Pero matapos isailalim sa physical examination ng mga examiner ng BOC-NAIA ang package, 4 na pakete pala ng kush marijuana ang laman nito.
Hindi naman tinukoy ng Customs ang pagkakakilanlan ng padadalhan ng package pero ito ay taga-Marikina City umano.
Ang kush marijuana ay ikinukonsidera pa ring ilegal sa bansa at ang importasyon nito ay may katapat na parusang habambuhay na pagkabilanggo.
Ang mga nakumpiskang kush marijuana ay itinurnover naman sa Philippine Drug Enforcement Agency para sa karagdagang profiling at case buildup.
Tiniyak naman ng BOC ang kanilang pinaigting na pagsala sa lahat ng dumarating na parcel at cargo sa bansa upang matiyak na walang makakalusot na ilegal na kontrabando.