ni Madel Moratillo | July 3, 2020
May mga nakitang positibong resulta sa ilang covid patient na binibigyan ng gamot na Remdesivir.
Ito ang kinumpirma ni Health Usec. Ma Rosario Vergeire sa isang virtual press conference.
Ang Remdesivir ay gamot para sa ebola virus pero, nakitang epektibo rin ito sa paggamot sa covid-19.
Ayon kay Vergeire, batay sa mga feedback na ipinarating sa kanila mula sa ginagawang clinical trial ay nabawasan ang mga oras na naka-admit sa critical care ang isang covid patient.
Pero paglilinaw ni Vergeire bagama’t may mga positibong resulta na nakikita sa mga pasyenteng nabigyan ng Remdesivir ay hindi pa ito pinal hanggang hindi nakukumpleto ang trial.
Sa Singapore at Japan ay inaprubahan na ang Remdesivir bilang panggamot sa covid-19.
Maliban sa Remdesivir, ilan pa sa mga gamot na kabilang sa solidarity trial ng WHO ay ang antimalarial drug na hyrdroxychloroquine, at antiretroviral drugs na Lopinavir at Ritonavir.