ni Madel Moratillo | December 30, 2021
Ibinasura ng Makati City Regional Trial Court ang illegal drug case laban kay “self-
confessed” drug distributor Kerwin Espinosa.
Sa desisyon ng Makati RTC Branch 64, mas pinaboran nito ang inihaing demurrer to evidence ng kampo ni Espinosa.
Ito ay dahil sa kakulangan umano ng sapat na ebidensiya laban dito. Maliban kay Espinosa, kinatigan din ng korte ang demurrer to evidence ng mga kapwa akusado ni Espinosa na sina Lovely Impal, Wu Tuan Yuan, at Marcelo Adorco o ang tinatawag na Espinosa Group.
Sinabi ng korte na bigo rin umano ang prosekusyon na maglabas o magdadag ng katibayan na magpapatunay na guilty beyond reasonable doubt ang mga akusado.
Si Espinosa at iba pa ay nahaharap sa kasong illegal drug trafficking. Paliwanag ng korte, batay sa jurisprudence, dapat na mapatunayan na ang akusado ay umakto bilang broker o kaya ay pinag-ugnay nito ang buyer at seller ng droga gamit ang electronic devices.
Nakabatay lang umano ang prosekusyon sa sinumpaang salaysay ni Adorco na idineklarang inadmissible dahil wala itong kasamang abogado nang gawin ang kanyang testimonya.
Kahit pa tanggapin umano ng korte ang testimonya ni Adorco ay hindi ito sapat dahil ito ay inconsistent, may mga errors at binawi rin ni Adorco.
Una rito, kinasuhan ng Department of Justice sina Espinosa kaugnay sa umano’y illegal drug trade sa Eastern Visayas.
Si Espinosa ay anak ni dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr., na nasawi sa loob ng kulungan noong 2016 matapos umanong manlaban sa mga pulis. Kasama ang nakatatandang Espinosa sa mga lokal na opisyal na nasa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot umano sa ilegal na droga.
Naaresto ang nakababatang Espinosa sa Abu Dhabi noong Nobyembre 2016, at sinasabi ng PNP-AIDG na umamin umano ito sa pagkakasangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.