ni Madel Moratillo | March 16, 2023
Pinagpapaliwanag ng House Committee on Ethics si Negros Oriental Cong. Arnie Teves sa patuloy na kabiguang bumalik sa trabaho.
Limang araw ang ibinigay ng komite kay Teves para magpaliwanag kung bakit hindi pa rin ito bumabalik gayung paso na ang kanyang travel authority.
Ang travel authority ng mambabatas para sa kanyang biyahe sa Estados Unidos ay mula Pebrero 28 hanggang Marso 9 para magpa-stem cell.
Una rito, nagpasabi si Teves na hindi ito makauwi ng bansa dahil natatakot siya sa kanyang seguridad.
Sinabi ni House Committee on Ethics and Privileges Chairman Felimon Espares na kailangang magpaliwanag ni Teves lalo na’t may defiance ito sa kautusan ng Kamara.
Maaari umanong matanggal sa puwesto si Teves bilang disciplinary action kung hindi ito susunod.
Si Teves ay nadawit sa pamamaslang kay Gov. Roel Degamo.