ni Madel Moratillo @News | September 10, 2023
Planong ilagay ng Commission on Elections (Comelec) sa ilalim ng kanilang kontrol ang ilang lugar sa Luzon at Mindanao para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan polls.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang Malabang, Lanao del Sur ay tiyak nang mailalagay sa Comelec control.
Mismong siya ay hihikayatin aniya ang kanyang mga kasamahan para suportahan ang pagsasailalim nito sa kanilang pamamahala.
Matatandaang noong Agosto 31, nagpaputok ng baril ang ilang lalaki para mapigilan ang paghahain ng Certificate of Candidacy.
Ayon kay Garcia, sumuko na ang dalawa sa nagpaputok ng baril na nakuhanan ng video, habang binigyan na rin ng show cause order ang alkalde ng Malabang para magpaliwanag sa pangyayari.
Ayon sa Comelec chief, pag-aaralan din nilang isailalim sa control ang Albay, 2 lugar sa BARMM at mayroon din sa Northern Luzon.
Sa susunod na linggo posibleng mailabas na ang listahan ng mga lugar na isasailalim sa areas of concern kaugnay ng BSKE.