ni Madel Moratillo @News | August 24, 2023
Paparusahan ng pamunuan ng Pambansang Pulisya ang mga pulis na masasangkot sa iregularidad.
Ayon kay Lt. Gen. Rhodel Sermonia, Deputy Chief for Administration ng Philippine National Police, iipitin ang sahod ng mga pulis na masasangkot sa iregularidad, katiwalian o pang-aabuso.
Ang pahayag ay ginawa ni Sermonia sa gitna ng pagdinig ng Senado sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar kung saan sangkot ang 6 na Navotas police.
Ito ay para hindi na aniya pamarisan pa ang mga ito ng ibang pulis.
Rerepasuhin din umano ang kaso ng mga pulis na na-dismiss at muling nakabalik sa puwesto.
Aalamin aniya kung sino ang dapat na managot dito.
Nakakahiya aniya na kahit lumaki na ang sahod ng mga pulis ay mayroon pa ring nasasangkot sa iregularidad.