top of page
Search

ni Lolet Abania | Pebrero 12, 2023




Iniimbestigahan ngayon ng Department of Education (DepEd) ang umano’y pamamahiya sa dalawang high school students sa Cebu City, kung saan inakusahan ng isang guro ng pandaraya sa periodical exam.


Batay sa report ng GMA News, isang guro sa Tisa National High School ang umano’y kumuha ng isang video habang pinapagalitan niya ang mga estudyante at ipinost ito online. Isa sa mga estudyante ay itinangging nandaya siya sa test. At dahil sa takot na ma-bully, nagpasya na lamang itong manatili sa bahay.


“Hindi mabuti ang kanyang ginawa, sir. Ipinahiya kami, sir. Hindi ako nakatulog,” pahayag ng estudyante na itinago sa pangalang “Dodong.” Sinabi pa ng estudyante na wala siyang kamalay-malay na may kumukuha na pala ng video sa insidente.


“Nalungkot ako, nagalit kung bakit in-upload niya, na pwede namang ipatawag niya ang aming mga magulang,” ani “Dodong”. Sang-ayon din ang ina ng estudyante na mas maganda sana aniya, kung ang mga magulang ng mga bata ay ipinatawag sa paaralan.


Sinabi pa ng ina ng bata na makikipag-usap naman sila at susunod sa magiging desisyon ng school principal patungkol sa naturang usapin. Pinuntahan at hiningan na rin ng komento ng GMA News ang naturang paaralan kaugnay dito, subalit sinabi ng pamunuan ng eskwelahan na ang gurong sangkot ay hindi pa nagpakita o pumasok nitong huling dalawang araw.


Gayunman, nakipag-usap din ang principal ng paaralan na si Roy Genares na ayon dito, “Gusto lang sana niyang ipaalam na bad talaga ang cheating. Ngunit mali pa rin ang paraan na ginagamit ni teacher.”


Ipinahayag naman ni DepEd-7 Regional Director Dr. Salustiano Jimenez, “I-observe lang natin ang mga policy ng DepEd, ang batas na nag-protect the learners in the child protection policy.” Giit pa ni Jimenez, “the professionalism policies recently issued by Vice President and Education Secretary Sara Duterte needed to be followed as well.”


 
 

ni Lolet Abania | Pebrero 11, 2023




Dumoble na ang mga presyo ng ilang bulaklak sa Dangwa sa Sampaloc, Manila, tatlong araw pa bago ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.


Batay sa report ng GMA News, isa sa mga pinakamabentang bulaklak, ang tulips ay halagang P150 kada piraso na mula sa dating presyo nito na P130.


Ang Indian roses ay tumaas ng P1,500 kada 12-piraso mula sa dating P1,000 halaga at red roses na nasa P600 hanggang P700 per dozen mula sa dating presyo na P300.


Mayroon ding mga dried flowers na halagang P700 hanggang P750, depende pa sa klase at arrangement nito.


Bukod sa mga flower bouquets, marami ring kakaibang bouquets na pagpipilian gaya ng vegetable bouquet, money bouquet, chocolate bouquet, at ‘alak pa more’ o liquor bouquet. Habang isang flower shop din sa Dangwa ang nagbebenta ng sibuyas bouquet at bawang bouquet.


Samantala, sa Koronadal City, nagmahal na rin ang mga bulaklak. Ang mga presyo ng bouquets ng imported flowers ay nagkakahalaga ng P1,500 hanggang P2,500 mula sa dating P750 hanggang P1,200.


Ang mga locally grown flowers naman ay nasa P500 mula sa dating P300 hanggang P350 ang halaga.

 
 

ni Lolet Abania | Pebrero 11, 2023




Nagpositibo ang ilang bahagi ng coastal waters ng Masbate at anim na iba pang lalawigan sa Visayas at Mindanao sa toxic red tide, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).


Batay sa BFAR, ang mga shellfish na nakokolekta sa mga sumusunod na lugar ay nagpositibo sa test para sa paralytic shellfish poison (PSP) o toxic red tide na lagpas sa regulatory limit:


• coastal waters ng Milagros sa Masbate

• coastal waters ng Panay, President Roxas, at Pilar sa Capiz

• coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol

• San Pedro Bay sa Samar

• Cancabato Bay, Tacloban City sa Leyte

• Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur

• Lianga Bay in Surigao del Sur


“All types of shellfish and Acetes sp. or alamang gathered from the areas shown are NOT SAFE for human consumption,” saad ng BFAR.


Gayunman, sinabi ng kagawaran na ang mga isda, pusit, hipon at crabs na makukuha sa mga naturang lugar ay ligtas na kainin basta ito ay sariwa, hinugasan at nilinis na mabuti bago lutuin.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page