ni Lester Bautista (OJT) @Life & Style | Mar. 7, 2025
Graphic: Si Alice Galang Eduardo, ang founder, president at chief executive officer (CEO) ng Sta. Elena Construction and Development Corporation, builder ng mga malalaking gusali.
Minsan ka na bang namangha sa mga magagandang gusali sa Metro Manila? ‘Yung mga naglalakihan at matatayog na istruktura gaya ng Mall of Asia, City of Dreams, Solaire Resort, Okada Manila at Resorts World Hotel and Casino.
Ikagugulat mo kaya kung malalaman mong babae pala ang nasa likod ng mga matataas na gusaling ito? And how did she crack a man’s world? Siya ang babaeng walang hindi kayang gawin…
Kilala sa mundo ng konstruksyon si Alice Galang Eduardo, ang founder, president at chief executive officer (CEO) ng Sta. Elena Construction and Development Corporation, builder ng mga malalaking gusali sa ating bansa.
Hindi agad naging matayog tulad ng isang gusali ang kuwento ng buhay ni Alice. Nagdaan siya sa maraming pagsubok at sakripisyo bago nakilala at tinaguriang “Woman of Steel”.
Bata pa lamang, malinaw na para kay Alice kung ano ang kanyang gusto at ito ay maging isang engineer. Subalit, may ibang pangarap ang kanyang ina para sa kanya — nais nitong mag-aral siya ng nursing o kaya ay medisina.
Sa kabila ng hindi nila pagkakasundong mag-ina, hindi sumuko si Alice. Sa halip din na maghinanakit, nag-aral na lamang siya ng kursong Management at sabay na tinutulungan ang pamilya sa kanilang negosyo — rice milling, trading at clothing export.
Dalawampu’t walong taon nang magsimula si Alice sa industriya ng konstruksyon. Isang simpleng pangarap at kuryosidad lang niya ito na magtagumpay sa mundo na pinaniniwalaang dominado ng mga kalalakihan. Siguro, ito ay dahil ang kanyang mantra sa buhay, “walang hindi kayang gawin.”
Tadhana na marahil, nakatagpo siya isang araw ng kliyente at nag-alok sa kanya kung interesado siyang maging supplier ng steel splice. Sa halip na mag-atubili, positibong tinugon ito ni Alice ng, “Lahat puwedeng gawin,” kahit na hindi pa siya sigurado at wala pang higit na kaalaman tungkol dito.
Ang kanyang kasagutan na may kasamang tapang at determinasyon ay naging susi sa pagpasok niya sa industriya ng konstruksyon. At ang kanyang puhunan? Sinseridad, passion at aggressiveness o pagiging agresibo.
Para kay Alice, mahalaga na maipakita sa lahat na may lakas at tapang na taglay upang magtagumpay. Dahil kapag nabatid nilang ikaw ay determinado, magtitiwala ang marami sa iyo. Sa bawat pagkakataon, pinatutunayan ni Alice na kaya niyang makipagsabayan at maging mahusay sa isang larangan na karaniwang para lamang sa mga kalalakihan.
Bukod sa katangiang ito, si Alice ay maituturing ding isang bilyonaryo. Alam n’yo bang kahit noong bata pa siya ay nakahiligan na niyang mag-ipon? Natutunan niyang magtanim at maghintay upang umani ng mga benepisyo sa pamamagitan ng sipag at tiyaga. Kung susuriin ang kanyang kuwento, isang teknik ito ng tagumpay na hindi lang batay sa suwerte kundi binubuo ng determinasyon at matalinong pagpaplano.
Ngunit, ang istorya ng buhay ni Alice ay higit pa sa pagiging isang matagumpay na negosyante. Isa rin siyang ina na pinili ang magpatuloy at magpursige sa kabila ng mga pagsubok at personal na hamon sa kanyang buhay.
Si Alice ay isang single mother sa tatlong anak — sina Jacqueline, Jameson at Jessica. Isang bahagi rin ng kanyang kuwento ay nang magdesisyon siyang wakasan ang kanyang kasal. Mas naging hamon pa para kay Alice nang ma-diagnose ang bunsong anak na mayroong autism. Subalit sa kabila ng lahat, natutunan pa rin niyang yakapin ang karunungan ng Diyos sa sitwasyon ng kanyang anak. Para kay Alice, “Siya pala ang magiging kasama ko every day, every night, sa lahat ng struggles ko siya. Siya ang mag-i-inspire din talaga sa akin.”
Totoong pinatunayan ni Alice na hindi lang siya isang “Woman of Steel” sa larangan ng konstruksyon, kundi isang tunay na superman ng ‘Pinas — isang ina na may pusong matatag gaya ng bakal at tapang na hindi matitinag.
Sa kabila ng lahat ng mga narating ni Alice, isang mensahe ang nais niyang ibahagi sa mga kababaihan: Ang pagiging babae ay hindi hadlang sa tagumpay.
Tulad ng kantang “It’s A Man’s Man’s Man’s World,” ay may isang babae na nagpapatunay na ang galing, tapang at kakayahan ay hindi nakasalalay sa kasarian. At ang istorya ng buhay ni Alice ay isang halimbawa ng babae na nagagawang makipagsabayan sa larangang pinaniniwalaang panlalaki lamang, kung saan nagsasabing hindi kailanman “babae lang” ang mga babae.
Ngayong Women’s Month, ating bigyang pagpapahalaga ang mensahe ng kanyang buhay — na walang limitasyon ang mga babae sa pag-abot ng kanyang mga pangarap. Ang tagumpay ni Alice Eduardo ay patunay na ang mga kababaihan ay hindi lamang bahagi ng isang kuwento, kundi sila mismo ang sumusulat at bumubuo nito.