ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 11, 2021
Iba’t iba ang naging reaksiyon ng publiko hinggil sa Traslacion 2021.
Maraming deboto ang natuwa dahil kahit walang prusisyon at iba pang tradisyon, nakagawa ng paraan ang simbahan para maitaguyod ang Pista ng Itim na Nazareno. Habang marami rin ang nadismaya dahil sa pagdagsa ng mga deboto na nauwi sa siksikan.
Dahil dito, umani ng batikos mula sa social media ang okasyon dahil ipinagpatuloy ito, kaya giit ng ilang netizens, masasabing mass gathering ang nangyari at dapat ay naging online na lang muna ang selebrasyon.
Gayunman, iginiit ng Manila Police District (MPD) at lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila na naging matagumpay ang selebrasyon ng Traslacion 2021.
Sa huling misa ng Traslacion, sinabi ng rector ng Quiapo Church na si Msgr. Hernando Coronel na hindi talaga maiiwasan ang mga tao na pumunta mismo sa simbahan sa kabila ng pakiusap na ‘wag nang pumunta at makinig na lang sa online mass.
Dagdag pa ng opisyal, marami silang hakbang para masiguro ang kaligtasan ng mga tao, kaya naisipan nilang misa lang ang gagawin at wala nang iba, ngunit nagulat umano siya sa pagdagsa ng maraming deboto.
Samantala, nagpaalala ang DOH sa lahat ng mga pumunta sa Traslacion na obserbahan ang sarili kung magkakaroon ng mga sintomas gaya ng lagnat, ubo, sipon, pagkawala ng panlasa at pang-amoy.
Siguro nga, ‘di talaga maiiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa ganitong klase ng okasyon dahil parte na ito ng kanilang buhay, lalo pa ngayong maraming dapat ipagdasal gayung nahaharap sa problema ang ilan sa ating mga kababayan.
Ngunit ‘ika nga, tapos na ang selebrasyon at wala na tayong magagawa. Pero sana, magsilbing aral ito na sa susunod pang mga okasyon, pag-isipang mabuti kung puwede itong ipagdiwang online o ‘wag na lang muna.
Baka kasi sa halip na alternatibong paraan ito para makapagdiwang, eh maging mitsa pa ng panibagong hawaan. Ibig sabihin, bagong problema, hindi lang sa mga mahahawa kundi maging sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com