ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 17, 2021
Dahil sa umano’y paglabag ng City Garden Hotel sa Makati City kung saan natagpuang walang buhay ang flight attendant na si Christine Dacera noong Enero 1, iniimbestigahan na ng Department of Tourism (DOT) ang ilang mga hotel na lumalabag umano sa mga health at quarantine protocols ng bansa.
Ito ay kasunod ng imbestigasyon sa naturang hotel hinggil sa pagtanggap umano ng mga staycation guest.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, may iba pa silang mga hotel na iniimbestigahan, gayundin, naghain na ng show cause order sa ibang establisimyento sa paglabag sa protocols.
Giit pa ng kalihim, hindi umano nagkulang ang ahensiya sa pagpapaalala at kasuwapangan na umano kung pagsasamahin ang mga staycation guest at mga naka-quarantine.
Dahil dito, nagdesisyon ang DOT na tanggalin ang certificate to operate ng City Garden Grand Hotel habang may quarantine at sinuspinde ng 6 buwan ang accreditation nito.
Gayundin, mas mahigpit na ang DOT ngayon, lalo na’t may bagong strain ng COVID-19 sa Pilipinas na sinasabing mas madaling makahawa, sa kabila ng layuning pataasin ang domestic tourism sa bansa dahil matatandaang, bumagsak ng 84% ang foreign tourism arrivals sa bansa dahil sa mga travel restriction.
Sa totoo lang, nakadidismaya dahil hanggang ngayon, napakarami pa ring lumalabag sa iba’t ibang kautusan kontra COVID-19. Ang masaklap pa, mga negosyante ang lumalabag at tila wa’ paki kung magkaroon ng hawaan sa kanilang establisimyento.
Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, patuloy na imbestigahan at sampolan ang mga hotel na dedma sa umiiral na protocols.
At paalala sa mga negosyante riyan, kapag binigyan kayo ng pagkakataong kumita, sana ay sumunod naman kayo sa mga kautusan. Hindi kasi puwedeng kumikita nga kayo at nakakabawi sa pagkalugi, pero inilalagay n’yo naman sa panganib ang kaligtasan ng inyong mga kostumer.
‘Ika nga, ‘wag pera-pera. Magpakita naman kayo ng malasakit sa ating mga kababayan at ‘wag puro sa sarili.
Sa panahon ng pandemya, lahat tayo ay dapat maging bahagi ng solusyon at hindi maging ugat ng panibagong problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com