ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 26, 2021
Kamakailan, dinig na dinig natin ang daing ng mga ordinaryong mamamayan dahil sa patuloy na pagtaas ng bilihin.
Matatandaang humirit pa nga ng taas-sahod ang ilang grupo dahil kung magpapatuloy nga naman ang pagtaas ng bilihin at mananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa, ano pang mabibili ng kakarampot na perang ito?
Bukod pa rito, taas-presyo na rin ang lutong ulam sa mga karinderya dahil giit ng mga nagtitinda, rekado pa lang, umaabot na sa libo ang kanilang pamalengke. ‘Yung iba naman, hindi na nagbebenta ng putaheng may baboy o baka dahil baka hindi rin maibenta ‘pag mataas ang presyo.
Dahil dito, pinag-uusapan na ng mga alkalde ng National Capital Region (NCR) ang mga gagawing hakbang para makontrol ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin sa mga palengke, ayon kay Metro Manila mayors’ council chairman Edwin Olivarez.
Dagdag pa ng opisyal, kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) para makontrol ang mga mega-market at nagbabagsak ng mga bilihin.
Sa totoo lang, kailangang-kailangan nang masolusyunan ang nagtataasang presyo ng bilihin dahil kawawa ang taumbayan.
‘Yung tipong, pinipilit nilang makaraos sa araw-araw, pero pahirap nang pahirap ang buhay.
Oras na magkaroon ng kasunduan sa pagkontrol ng presyo ng bilihin, kasunod na hamon nito ay ang pagmomonitor kung talagang nasusunod ang tamang presyo.
Kaya panawagan din sa mga kinauukulan, tiyaking may plano tayo para matiyak na mapapanatili ang presyo at hindi ito maaabuso.
Hangad nating masolusyunan ito sa lalong madaling panahon. Sobrang dami nang problema na kinahaharap ng bansa, lalo na ang mga ordinaryong mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com