ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 29, 2021
Doble-facemask.
Ito ang pag-aaralan ng Department of Health (DOH) para mas epektibong makaiwas sa COVID-19, lalo na ngayong mayroon nang bagong variant nito sa bansa.
Sa rekomendasyon ng Estados Unidos, pagsusuot ng dobleng facemask ang nakikitang paraan upang magkaroon ng dagdag na takip sa mukha upang hindi makadaan ang ‘respiratory droplets’.
Gayunman, giit ni Health Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire, dobleng proteksiyon na ang ginagawa ng mga Pilipino sa pagsusuot ng facemask at face shield.
Pero kung talagang nararapat ang pagsusuot ng dobleng facemask, kakailanganin ng ahesiya ng sapat na ebidensiya na mas mabisa ito.
Matatandaang sa Amerika, hindi inirerekomenda ang pagsusuot ng faceshield sa kanilang mamamayan at marami pa rin ang tumatangging magsuot ng facemask sa pampublikong lugar.
Kung dagdag-proteksiyon ang pag-uusapan, ayos lang naman magdoble ng ginagamit na facemask, pero ang siste ay dagdag-gastos at kalat na naman.
Kamakailan, naitalang tumaas ng 280 tonelada kada araw ang medical waste sa Metro Manila dahil sa COVID-19 pandemic.
At base sa report ng Asian Development Bank at United Nations, umaabot ng 3.5 kilo ang medical waste ng bawat tao sa isang health care facility dahil sa pandemya.
Gayundin, facemask umano ang madalas nilang nakikita dahil walang malinaw na tapunan ang publiko.
Kaya panawagan natin sa ahensiya, pag-aralang mabuti kung karapat-dapat ipatupad ang hakbang na ito. Baka kasi akala natin, karagdagang proteksiyon ito pero hindi pala.
Isa pa, panibagong gastos ito at tiyak na kawawa na naman ang ordinaryong mamamayan.
Tulad ng paulit-ulit nating pakiusap sa kinauukulan, tiyaking talagang makatutulong kontra COVID-19 ang mga ipatutupad o ginagawa nating hakbang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com