ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | June 22, 2021
Inaasahang lalabas ngayong linggo ang memorandum ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa paggamit ng face shield.
Ayon kay Cabinet Secretary Nograles, habang wala pa ang memorandum, mananatili ang umiiral na regulasyon sa pagsusuot ng face shield sa pampublikong lugar.
Kamakailan, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na pumayag ang Pangulo na isuot lamang ang face shield sa mga ospital.
Kasunod nito, inirekomenda ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19 sa Pangulo na kailangang isuot ang face shield sa mga enclosed/indoor spaces ng ospital, eskuwelahan, lugar ng paggawa, commercial establishment, PUV at place of worship.
Matatandaang, marami ang naguluhan kung ano ang patakaran ng gobyerno sa pagsusuot ng face shield. Makalipas ang ilang oras nang kumpirmahin ng Palasyo na ang pahayag ng Pangulo, binawi rin ito at sinabing mananatili ang mandatory wearing of face shield dahil umapela ang IATF na isuot pa rin ito sa lahat ng nasa indoor spaces.
Tutal, sa Pangulo na manggagaling ang ilalabas na memorandum, hangad nating maging malinaw ang lahat. Ang hirap kasi kung laban-bawi tayo sa regulasyon, tapos hindi alam ng taumbayan kung kanino makikinig o susunod.
Kumbaga, bago tayo magbaba ng kautusan o patakaran, dapat lahat ng kinauukulan na kailangang magdesisyon ay nakapag-usap-usap at nagkasundo.
Bukod sa tinitiyak nating magiging ligtas ang hakbang na ito laban sa pagkalat ng virus, dapat ding masiguradong maiiwasan ang kalituhan.
Bagama’t nananatiling hati ang opinyon ng publiko sa paggamit ng face shield, panawagan natin sa lahat na patuloy na sumunod sa mga umiiral na patakaran.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com