ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 2, 2020
Kung noon ay hindi gaanong close ang loob ng bawat pamilya sa isa't isa dahil abala sila sa kung anu-anong bagay o busy sa trabaho, pag-aaral at negosyo, ngayong may pandemya ay bigyan ng halaga na magkalapit ang damdamin ng isang pamilya sa pamamagitan ng family spiritual retreat.
1. PAANO GAWIN ANG FAMILY SPIRITUAL RETREAT? Naalala ni Jessica noon ang dalampasigan na dati ay naglalaro lang siya ng buhangin at gumagawa ng kastilyo, ngayong kapiling na niya ang pamilya sa lugar na ‘yun ay mapalalaganap na niya bilang director ng family retreat center ang tiwala, pananampalataya at paglalapit ng loob ng bawat pamilya upang mas mapalakas pa ang pagdarasal ngayong may pandemya. Hinihikayat aniya sa retreat ang mga magulang na maipadama ang kanilang spiritual values sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng mga aktibidad nilang itinuturo.
Kahit na iba pa ang iyong relihiyon, puwedeng gumawa ng family retreat. Lahat ng kailangan tulad ng pagbubukas ng loob sa Diyos ang kahandaan niya na maikonekta ang bawat isa sa Itaas ay layon ng retreat na ito.
Tulad ng binuong kastilyong buhangin, samahan ng lakas upang tumatag ito. Ito na ang tamang oras na kasama ang buong pamilya, kapwa mapag-usapan nang malaliman ang kanilang mga damdamin at paniniwala hinggil sa Diyos na bagama’t dati ay hectic ang schedule, ngayon ay kahit sa loob ng bahay o bakuran ay maaari nang maidaos ang retreat. Nakatutulong ang retreat upang mapatatag ang samahan ng pamilya, natututo ang isa’t isa na makipagtulungan sa pamayanan at maibahagi ang spiritual values. Dalawang beses sa isang linggo ay sabay-sabay na magdarasal ang bawat pamilya, nagkakantahan, may mga quiz o games upang umibayo ang komunikasyon. Mas madaling mapatatag ang pagpapatawad at patuloy sa kanilang commitment.
2. ANG PAMILYA SA PANAHON NG KRISIS. Ang family retreat ay hindi lamang nagpapatatag sa samahan ng buong pamilya, ito rin ang nagpapagamot sa anumang sugat na hatid ng mapapait na problema at karanasan sa buhay. Nu’ng minsan na nasa retreat ay natumbahan ng ihaw-ihaw na nagbabaga ang anak ni Maly na isang single parent na ni minsan ay hindi man lang nakapagsisimba. Nagising na lang siya isang araw na nagdarasal nang mataimtim at abot langit ang kanyang dasal. Unti-unting gumagaling ang sunog sa balat ng kanyang anak. Dito mas lalong umigting ang kanyang naisin na dalasan ang retreat.
“Napakasarap ng pakiramdam na hindi ko akalain na lulukob sa akin ang kapangyarihan ng Diyos sa pagpapagaling sa aking anak.” Naging taglay nilang mag-ina ang espiritwal na kalakasan, tunay na pananampalataya at pagharap sa tunay na mga kapamilya.
Ang anak niyang si Eden na ngayon ay 15-anyos na ay palaging nagpapaabot ng mensahe sa kanyang mga kaibigan tungkol sa kapangyarihan at milagro ng Panginoon.
3. BAKIT UMUUBRA ANG RETREAT? Nag-iiwan ng positibong pananaw sa buhay ng isang tao ang family retreat, ayon kay Father Thomas Hoar, director ng Sr. Edmunds Retreat Centers sa Ender's Island. Hinihikayat nito na mapalago ang pagiging madasalin ng bata at kahalagahan sa espiritwal niyang pagiging aktibo mula sa tatlong bagay.
Una ay ang pagbibigay ng pagkakataon na magkakasama ang bawat pamilya kung saan may pagkakataon na makita ng mga bata ang kanilang mga magulang na aktibo sa relihiyon at nasisiyahan na gawin ang paglilingkod sa Diyos.
Ikalawa ay makasama ang kanilang mga kapatid na nagbabahagi ng kanilang espirituwal na kahalagahan. Ang ikatlo ay makita rin ng bawat pamilya ang isa’t isa kung paano pahalagahan ang pananampalataya at maisapamuhay ito.