ni Twincle Esquierdo | September 20, 2020
Sa pagbubukas ng Tagaytay City, inaasahan na unti-unti nang makakabangon ang ekonomiya matapos humina ang mga negosyo sa nasabing lugar dahil sa Covid-19.
Maraming motorcycle riders at turista na ang nagpupunta sa Tagaytay ngunit kakaunti pa lamang ito kumpara noong walang pandemya. Ayon kay Tagaytay Mayor Agnes Tolentino, kahit papaano ay makakabangon ang kanilang lugar kahit kaunti lamang ang pumupunta rito ngayon.
Magandang pahiwatig naman ito para sa mga maliliit na negosyante sa Tagaytay.
"Medyo naka-recover nang kaunti kasi tuluy-tuloy na ang pasok ng tao," sabi ni JC Lorenzo, may-ari ng bulalohan.
"Bumabalik na ang kita. Kumikita na kami at nakakaahon na," sabi naman ni Teodoro Rodi na tindero ng bulaklak.
"Malaking bagay po na naibalik na, nabuksan na uli ang Tagaytay. Magkakaroon na po uli kami ng magandang pag-asa na makabangon uli," sabi ni Maricel Ferrer, tindera ng prutas.
Nagpaalala naman si Joint Task Force COVID Shield Commander Guillermo Eleazar na dapat ay may travel authority ang mga turistang pupunta sa Tagaytay.
Magsasagawa rin sila ng ramdom checkpoint sa iba't ibang kalsada sa papasok at palabas ng Tagaytay upang matiyak kung awtorisadong turista lamang ang mga nakakapunta roon at pinaigting din ang police visibility upang masunod ang physical distancing, pagsusuot ng facemask at faceshield.