ni Justine Daguno - @Life and Style | November 25, 2021
Mahalaga ang balanse sa buhay dahil kung meron tayo nito, mas nagiging makabuluhan ang lahat. At isa sa mga bagay na mahirap timbangin, pero kailangan ay ang trabaho at personal nating buhay. ‘Ika nga, hindi maganda kapag sobra o kulang sa mga ‘to — kapag nasobrahan sa trabaho, sure na hindi lang katawan ang pagod, kundi ang mental na aspeto, at kapag masyado namang nag-focus sa personal na buhay, walang growth o minsan ay “nganga”, kaya para maging saktuhan, dapat balance lang. Kaya naman, narito ang ating tips para ma-balance ang work at life:
1. MAGKAROON NG PLANO. Sa lahat naman yata ng aspeto ng buhay, mahalagang magkaroon ng plano, dahil kung wala nito, malamang ay magkakalabo-labo tayo. Madaling mababalanse ang buhay kung nagagamit nang maayos ang oras, at nagagawa ito kapag organisado, kaya’t gumawa ng plano at sikaping sundin ito.
2.DAPAT MAY SAPAT NA TULOG. Mahirap mag-isip kapag kulang ang tulog. Lahat ay apektado at halos hindi rin tayo makapag-function nang maayos. Importanteng magkaroon ng sapat na tulog upang ang trabaho ay magagawa nang tama, at sa kabilang banda ay hindi rin naman napapabayaan ang sarili.
3.MAGPAHINGA. Sabi nga nila, ‘wag puro trabaho. Kailangang may oras din para sa ibang bagay o sa mga taong nakapaligid sa atin. Hindi lamang materyal na bagay ang kailangan ng bawat isa, mahalaga na may aruga o pag-aalaga sa sarili. Naimbento ang “rest day” dahil hindi robot ang tao na walang kapaguran. Tandaan, mas madaling mababalanse ang trabaho at personal na buhay ‘pag sapat ang pahinga.
4.BAWASAN ANG PAGGAMIT NG GADGET. Isa sa mga dahilan kung bakit nako-compromise ang panahon ay dahil sa matinding distraction na dulot ng paggamit ng gadgets. Wala namang masama sa paggamit nito, pero ang lahat ng sobra ay hindi maganda. ‘Wag hayaang mapunta sa gadget ang panahon na dapat inilalaan sa trabaho o sa sarili.
‘Ika nga, “work-life balance is the key” para maging happy. Bilang adult na may kani-kanyang responsibilidad, mahalagang sa kapaki-pakinabang na bagay natin nailalaan ang ating panahon nang sa gayun ay worth it ang pagod. Okay!