ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | June 4 - July 4, 2024
STORY — JUNE 4, 2024
“TEKA, saan ka pupunta?” Pag-aalalang habol ni Cecil kay Anthony.
Huminto ito at sabay sabing, “Sa opisina.”
Kahit naman kasi may pinagdaraanan si Anthony, hindi pa rin dapat huminto ang buhay nito.
“Eh, baka naman may mangyari sa’yo.”
Napangisi siya sa sinabi nito. Nakaramdam siya muli nang pagkagulat kaya nakapagsabi siya ng bad words.
“Hindi mo kailangan magsalita ng ganyan. Maaari ka namang magpaluto. Huwag ka na magalit, nakaka-stress kasi.” Marahang saway niya rito. Sa ngayon, kalmado na ang kanyang kalooban, ngunit ‘di mawala ang kaba na kanyang nararamdaman.
“Okey, sorry. Ngunit, hindi pa rin ako papayag na umalis kang mag-isa.”
“Okey lang naman ako, eh.”
“Hindi sa lahat ng pagkakataon ay magiging okey ka. Gusto kong samahan kita saan ka man magpunta,” buong diin niyang sabi.
Tiningnan pa niya ito sa mga mata para sabihin ang mga salitang iyon dahil gusto niyang iparamdam ang kanyang kaseryosohan.
“Seryoso ako.”
“Seryoso rin naman ako sa’yo.”
“Magtigil ka nga!”
“Hindi ako titigil hangga’t hindi mo nararamdaman ang pagmamahal na ipinapakita ko sa iyo.”
Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan, “Okey, sige, panalo ka na.”
“Papayag ka na sa pag-alis ko?” Disappointed na tanong nito.
Para tuloy gusto niyang humalakhak sa hitsura nitong parang natalo sa sugal.
“Hindi iyon ang gusto kong sabihin,” wika niyang nakatitig sa mga mata nito.
“Eh, ano?” Pagtatanong nito.
“Mahal kita,” buong diing sabi niya rito.
Gusto niya sanang yakapin at halikan ito, pero hindi niya nagawa. Para kasing mayroong humadlang sa kanya na gawin iyon, at hindi niya alam kung bakit siya nakaramdam ng takot.
Itutuloy…
STORY — JUNE 5, 2024
“HINDI mo ako puwedeng halikan,” mariing sabi sa kanya ni Anthony.
Hindi nakuhang magalit ni Cecil. Agad niya kasing naunawaan ang dahilan kung bakit pinigilan ni Anthony ang kanyang balikat.
Pero, ramdam niya na bukod kay Anthony, mayroon pa na pumipigil sa kanya. Hindi lang niya maibahagi iyon kay Anthony dahil hindi pa siya nakakasiguro.
“May sumpa pa na ibinigay sa akin si Eliza,” wika nito na parang hirap na hirap din.
“Ayoko na maulit ang nangyari sa’yo noong una,” dagdag pa nito.
Napabuntong hininga tuloy siya. Sa tingin niya ay parang gusto pang umiyak ni Anthony, ngunit wala naman siyang magawa. Talaga naman kasing hindi ordinaryong babae ang nagkagusto sa kanya.
Gayunman, sinabi niya sa kanyang sarili na hindi niya hahayaang maagaw ng ibang babae si Anthony.
Kailan nga lang sila nito nagkita at nagkasama, pero pinaramdam naman sa kanya ng binata ang kanyang pagmamahal. Ibig din niya siyempreng makakita ng taong mamahalin siya.
“Kailangan na mawala ang sumpa mo,” buong diin niyang sabi. Pinagkadiinan niya ang bawat katagang kanyang sinabi dahil desidido siyang hanapin na ang babaeng iyon.
“Isa lang daw ang paraan upang mawala ang sumpa, at ‘yun ay ang pakasalan siya,” mahinang sabi nito.
“No way! Huwag kang papayag sa gusto niyang mangyari!”
“Hindi niya siguro ako isusumpa kung pumayag lang agad ako sa gusto niyang mangyari.”
Marahan siyang tumango. Alam naman niya iyon pero nakalimutan niya. Basta ang alam niya ay may takot siyang nararamdaman. Ayaw niya na rin kasing mawala sa buhay niya si Anthony.
“Ikaw ang gusto mong pakasalan,” wika nito.
“Talaga?” Gulat niyang sabi.
“Magpakasal na tayo. Baka ito na ang paraan upang ang sumpa na ibinigay ni Eliza ay mawala.”
Itutuloy…
STORY — JUNE 6, 2024
“HUWAG kang ma-guilty,” buong diing sabi ni Anthony sa kanyang sarili.
Minsan hindi naman masama ang maging makasarili lalo na kung gusto mo lang talagang iligtas ang iyong sarili sa kapahamakan.
Alright, gusto niya si Cecil pero hindi siya nakakasigurado kung talaga nga bang pagmamahal ang nararamdaman niya para rito. Basta ang alam niya, gusto na niyang maging normal ang kanyang buhay. Ang hirap naman kasing gawin iyon kung papalit-palit ang kanyang anyo.
“Sweet ka talaga,” wika niya kay Cecil. Talagang hindi ito pumayag na ‘di siya samahan sa opisina.
“Nais ko lang masigurado na hindi ka mapapahamak.”
“Talagang hindi ko hahayaang mangyari iyon. Ipaglalaban kita kahit kanino,” wika nitong pinapungay pa ang mga mata.
Napabuntong hininga siya, at para bang gusto na niyang ikulong ito sa kanyang bisig at angkinin ang labi nito.
“Magtigil ka nga!” Pigil niya sa kanyang sarili.
Paano naman kasi niya gagawin iyon kung alam niyang mapapahamak din ito. Tama na sa kanyang ang nagawa niyang pag-angkin sa labi nito. Iyon bang tipong naiparamdam na niya rito na kung gaano niya ito pagnasahan.
“Iyon lang ba talaga?”
“Nope.”
Nasisiyahan din kasi siya sa tuwing magkasama sila.
“Good morning,” nakangising sabi sa kanyang ng mga taong kanyang nakakasalubong.
“Nakakainis sila,” wika ni Cecil.
“Bakit naman?” Tanong niya.
“Nakakainis ang tingin nila sa’yo.”
“Hindi kasi nila nakikita kung anong hitsura ko..”
“Mabuti naman. Ayaw din naman kitang ipakita sa iba. Mahirap na, baka mawala ka pa sa akin.”
Marahang tawa ang kanyang pinawalan. “Kaya, maigi pang ‘di ka na lang nila makita.” nakasimangot na sabi nito.
Itutuloy…
STORY — JUNE 7, 2024
HINDI pumayag si Cecil sa gustong gawin ni Anthony sa kanilang kasal.
Ang gusto kasi ng binata ay engrandeng kasal, ngunit simpleng kasal lang ang gusto ni Cecil.
Wala naman daw kasi itong kapamilya na maa-attend. Sa tingin naman ni Anthony ay nagsasabi ito ng totoo.
Sa ilang araw na magkasama sila, wala siyang nakitang kamag-anak na pumunta sa bahay nito at wala rin naman itong pinupuntahan, umaalis lang ito kapag mamimili.
“Ang lakas naman ng ulan,” nagrereklamong sabi niya.
“Ayaw yata tayong patuluyin,” wika naman ni Cecil.
Akala niya ay nagbibiro lamang ito, pero nang lingunin niya ito, nakita niya ang labis na pag-aalala sa maganda nitong mukha.
Kinabahan tuloy siya, ang una kasing pumasok sa kanyang utak ay baka biglang magbago ang isip nito.
“Hindi maaari!” Sigaw niya sa kanyang sarili.
“Mayroon yatang bagyo eh,” wika niya. Iyon lang ang naisip niyang dahilan kaya walang tigil ang pagbuhos ng ulan.
“Pero, walang ulan sa ibang lugar,” wika nito.
Nangunot ang noo niya sa sinabi nito, “Imposible naman yata iyon.”
“Posible,” matabang nitong sabi.
Hindi man tunay na pag-ibig ang nararamdaman niya para kay Cecil, ‘di pa rin niya gustong nasasaktan ito.
Ang nais nga niyang gawin ay protektahan ito palagi.
“Sinasabi mo bang hinahadlangan tayo ni Eliza?” Napapantastikuhan niyang sabi.
“Malaki ang posibilidad na oo ang sagot.”
“Hindi niya tayo maaawat.”
“Talaga bang mahal mo ako?” Tanong nito.
Mabilis niya itong sinagot ng, “Mahal na mahal kita.”
Hindi niya tuloy napigilan ang mapasinghap sa mga salitang sinabi niya, ang mga binitiwan niya kasi ay nagmula sa kanyang puso.
“So, kung sapat ang pagmamahalan natin, matutuloy ang kasal natin ngayon.”
“Ano?”
Hindi na nasagot ni Cecil ang nalilito niyang katanungan dahil may biglang bumusina sa harap nila na para bang inip na inip.
Itutuloy…
STORY — JUNE 8, 2024
BIGLANG kinabahan si Cecil nang makita niya kung sino ang naghihintay sa kanila. Isa itong matandang lalaki na pamilyar sa kanya, pero hindi niya maalala kung sino ito.
“Baha sa dadaanan natin,” wika niya pagkaraan.
Ipinilig niya ang kanyang ulo para itaboy sa isip niya ang mga katanungan.
Paano nakarating ang sasakyan sa kanyang bahay gayung napakalakas ng ulan at lahat yata ng daraanan ay baha? Pero, hindi rin niya maiwasan ang magtaka kung bakit parang ordinaryo lang sa paningin niya ang mahabang sasakyan na parang spaceship?
“Ang importante ay makarating tayo sa pupuntahan natin.”
Nang maalala niyang ikakasal nga pala siya ngayon, bigla siyang nag-panic. Nawalan na kasi siya ng pag-asa na matutuloy pa ang kanilang kasal. Subalit, sa tingin ni Cecil talagang gagawin ni Anthony ang lahat upang matuloy lamang ang kanilang kasal.
“Really, matutuloy talaga ang kasal?”
Gusto niyang maniwala na mahal na mahal siya ni Anthony, kaya naman pinilig ang kanyang ulo nang maisip niyang baka naman nais lang nitong takasan si Eliza.
Alam niya kasing sa mga pag-aasikaso na ginagawa sa kanya ni Anthony ay naroroon ang pagmamahal.
“Saan mo ba siya nakilala?” Tanong niya kay Anthony.
“Ang dami kong binook na sasakyan, ngunit siya lang ang dumating kaya huwag mo na pansinin kung weird man itong sasakyan o driver. Ang importante ay matuloy ang kasal natin.”
“Kunsabagay,” wika niya.
Dapat sana ay makampante na ang kanyang kalooban, ngunit hirap na hirap siyang gawin iyon. Para kasing may kakaibang mangyayari.
Abut-abot ang kaba niya na baka biglang may tumutol sa kanilang kasal, ngunit hindi naman siguro mangyayari iyon. Gayunman, parang may kung ano’ng sumabog sa iba’t ibang panig ng lugar pagkaraang masabi ang katagang ‘I pronounce you as husband and wife.”
Itutuloy…
STORY — JUNE 9, 2024
“HINDI!” Sigaw ni Eliza.
Biglang nag-flash sa isipan niya ang tagpo, kung saan ikinakasal na si Anthony. Napahawak tuloy siya sa kanyang dibdib. Para kasing mababasag ang kanyang rib cage dahil sa pira-piraso niyang puso ngayon.
Mahal niya si Anthony, at tunay ang pag-ibig na nararamdaman niya para rito. Iyon nga lang, wala itong pag-ibig sa kanya, kaya kinailangan pa niya itong isumpa para mapilitan itong magpakasal sa kanya. Gayunman, hindi pa rin iyon nangyari.
“Huwag mong sabihing magpapatalo ka ha?”
Agad siyang napatayo nang marinig niya ang boses ng matandang mangkukulam.
“Bakit ka narito?” Asar niyang tanong.
Gusto sana niyang mapag-isa dahil nasasaktan siya, pero kailangan niya rin ng taong susuporta sa kanya.
“Para bigyan ka ng payo,” walang anumang sabi nito.
Ngumisi pa ito na para bang enjoy na enjoy na nakikita siyang nahihirapan at nasasaktan.
“Ano’ng payo?”
“Tigilan mo ang pagluha mo.”
Kumunot ang noo niya sa buong diin nitong pagbigkas sa mga katagang iyon.
“Huwag mong sayangin ang luha mo dahil may paraan pa para mapaghiwalay mo sila.”
Dapat sana ay masiyahan siya sa narinig niya, pero hindi niya iyon magawa. Ang matandang mangkukulam din naman kasi ang nagsabi na magpapakasal si Anthony at ang kanyang pinsan.
“Niloloko mo ba ako?”
“Hindi pa ito ang nakatakdang panahon para sa pagmamahalan nila. Ibig sabihin, hindi tunay ang pag-ibig na nararamdaman nila sa isa’t isa, lahat ng damdamin na hindi tunay ay maaari pang mapigilan. Alalahanin mo na ang sumpang binigay mo kay Anthony ay mawawala lamang kapag may babaeng tunay na nagmahal sa kanya. At ang pag-ibig ay hindi lang para sa iisang tao. Dapat pareho silang makaramdam nito, dahil kung hindi, para itong gusali na guguho.”
Itutuloy…
STORY — JUNE 10, 2024
“WALA na ang sumpa,” excited na sabi ni Cecil.
Gusto niyang magtatatalon ng mga sandaling iyon. Hindi na kasi nagbago ang hitsura ni Anthony.
“Wala na nga ba?” Dudang tanong ni Anthony.
Hindi agad siya nakakibo dahil mula nang ikasal sila ay parang ang supla-suplado na nito.
Hindi rin nito gustong magtalik sila dahil natatakot daw ito na iba ang maging epekto sa kanya. Gusto sana niyang kontrahin ang paniniwala ng kanyang asawa dahil sa palagay niya ay mas makakatulong iyon para masolusyunan ang problema nito.
“Pero, hindi na muling nagbago ang anyo mo.” Nahagilap niyang sabi.
“Hindi pa ba sapat na patunay iyon upang masabing okey at magaling ka na?” Dagdag nito.
“Iba ang pakiramdam ko.”
Kumunot ang kanyang noo. Hindi niya maintindihan kung bakit ganu'n ang takot na nararamdaman ni Anthony.
“Masyado kang kinakabahan,” aniyang pinilit pinapasigla ang kanyang boses.
Sa katunayan, may kaba rin siyang nararamdaman, at para bang pahina nang pahina ang tibok ng kanyang puso.
“Cecil…?”
Gusto sana niyang magsabi na okey lang siya, pero hindi niya magawa, bigla kasing umikot ang paningin niya.
Sa isang saglit nagbago ang kapaligiran, ang ganda at namumukadkad ang mga bulaklak sa paligid. Nasaan nga ba siya?
“Hello, anak…”
Gilalas siyang napatingin sa babaeng pagkaganda-ganda. Malaki ang pagkakahawig niya rito, pero hindi ito ang kanyang ina. Subalit, natigilan siya nang biglang pumasok sa kanyang isipan na hindi nga pala sila magkamukha ng kanyang ina, o mas tamang sabihin na ina na kanyang nakasama sa mahabang panahon.
“Hindi ikaw ang nanay ko.”
“Ako ang tunay mong ina.”
Kumunot ang kanyang noo at sabay sabing, “Paano nangyari iyon?”
Hindi niya alam kung bakit wala siyang pagdududang nararamdaman. Basta sobra siyang namangha nang magsimula itong magkuwento.
Itutuloy…
STORY — JUNE 11, 2024
“UMIBIG ako sa hindi ko kauri,” wika ng kanyang ina.
Kahit na malungkot ang boses nito, kitang-kita niya pa rin ang kasiyahan sa mga mata nito. Pilit mang paghiwalayin ang kanyang magulang, mas pinili pa rin nila ang kanilang pagmamahalan.
“Hindi naman talaga natin mapipili kung sino ang ating iibigin.”
Kahit may boses na nagsasabi kay Cecil na panaginip lang ang lahat, ang lakas pa rin ng tibok ng kanyang puso.
Nakakasiguro kasi siya na ang babaeng nakakausap niya sa kanyang panaginip ay ang kanyang ina.
Yes, ‘yun ang sabi ng kanyang puso. Ramdam niya ang lukso ng dugo, kahit hindi siya lumaki sa pangangalaga nito.
“Pinarusahan ako, at pinatawan ng kamatayan. Yes, dahil umibig ako sa engkanto. Ang engkanto at mangkukulam ay hindi raw maaaring magkaroon ng happy ending.”
“Grabe naman,” mangha niyang sabi.
“Kaya dapat tamang tao rin ang piliin mo.”Gilalas siyang napatingin sa sinasabi nito, kinabahan siya at doon niya naalala na katatapos lang ng kasal niya.
“Si Anthony lang ang tamang lalaki para sa akin,” matigas niyang sabi.
Napapikit siya dahil parang may naririnig siyang humalakhak. Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan, dahil kung magpapatalo siya sa takot na kanyang nararamdaman, wala ring mangyayari.
“Sigurado na ako.”
“Kilala mo ba talaga ang asawa mo? Alalahanin mo, sumulpot lang iyan sa harap mo dahil walang…”
“Mahal ko siya.”
“Mapapahamak ka.”
“Hindi ko na iniisip ang mga bagay na iyan. Basta ang alam ko, mahal ko si Anthony.”
“Basta mag-iingat ka,” buong diing sabi nito.
Ngumisi muna siya bago nagsalita, “Huwag ho kayong mag-alala sa akin. Kaya kong malaman kung sino at ano ang magpapasaya sa akin. At iyon ay walang iba kundi si Anthony.”
Itutuloy…
STORY — JUNE 12, 2024
MALALIM na buntong hininga ang pinawalan ni Cecil. Pansin niya kasing hindi pa rin sapat ang ginagawa niyang pagsisilbi bilang asawa kay Anthony. Ang nais niya ay mapasaya ito, pero paano?
“Wala na nga ang sumpa sa’yo,” wika niya dahil talagang ‘di na siya nakatiis.
Agad niya itong hinarap, alam kasi niyang nasa likod lang niya ito at pinagmamasdan siya.
Nagtangkang tumulong si Anthony upang ligpitin ang kanilang pinagkainan, ngunit tumanggi ito. Hindi rin naman ito nagpumilit, kaya hindi niya alam kung bukal ba talaga sa loob nito ang tumulong o may iniisip lang ito.
“Nais ba nitong yakapin ko siya?” Tanong niya sa sarili.
Titig na titig sa kanya si Anthony nang ibulalas niya ang mga salitang iyon, kaya parang bigla siyang nagkaroon ng amnesia.
“Hindi na nagbabago ang anyo mo, kaya paniguradong wala na ang sumpa.”
“Hindi ba dapat makausap ko muna si Eliza?” Tanong pa nito. “No way!” Matigas niyang sabi.
Naningkit ang kanyang mga mata. Ang puso niya kasi ay napuno ng selos, at hindi niya gustong mapalapit pa ito sa kanyang asawa dahil baka mabigyan pa niya ito ng pagkakataon na maagaw si Anthony.
“Mahal mo talaga ako, ‘no?” Tanong sa kanya ni Anthony.
“Pakakasalan ba kita kung hindi kita mahal?”
Bigla namang ngumiti si Anthony sa isinagot ni Cecil.
“Ako, mahal mo ba talaga ako?”
“Ano’ng klaseng tanong ‘yan?” Gulat na reaksyon ni Anthony.
Napakunot ang noo ni Cecil sa isinagot ng kanyang asawa.
“Siyempre, mahal kita.” Pahabol na sagot nito.
Bigla tuloy naalis ang kanyang pagdaramdam at hindi na niya napigilan ang sarili na halikan ito. Tila nawala rin sa sarili si Anthony kaya tinugon niya ang halik ng kanyang asawa.
Hindi na nila napigilan ang kanilang sarili, at hindi na rin nila namalayan na may nilalang na nagdiriwang sa kanilang ginagawa.
Itutuloy…
STORY — JUNE 13, 2024
HINANG-HINA si Cecil nang imulat niya ang kanyang mga mata.
“Good morning,” wika ni Anthony
Kahit na masama ang kanyang pakiramdam, napangiti pa rin siya. Isa pa, nagawa na rin kasi niyang ipagkaloob ang sarili niya rito. Mahal na mahal niya si Anthony kaya hindi siya nagdalawang isip na ibigay ang sarili niya sa kanyang asawa.
Dapat sana ay makaramdam siya ng kasiyahan at kasiglahan, ngunit hindi niya iyon magawa, dahil may kakaiba siyang nararamdaman.
“Good morning,” tugon niya.
“Bakit parang ang tamlay mo?”
“Masama lang ang pakiramdam ko.”
Agad na hinipo ni Anthony ang kanyang noo, at pagkaraan ay nanlaki ang mga mata nito, “Mainit ka.”
“Nilalagnat ako?”
“Sabi ko na nga ba eh!” May pagsisising sabi nito.
Siya naman ay biglang natigilan. Alam niya kasi kung ano ba ang tinutukoy nito. Pero kahit na ganu’n, hindi niya iyon pinagsisihan.
“Dapat talaga hinarap ko muna si Eliza.”
“Gusto mo lang yata siyang makita,” wika niya pagkaraan.
“What?”
Hindi siya nakakibo agad. Tiyak niya kasing napikon ito sa kanya. Hindi naman kasi niya talaga ito pinagdududahan. Ayaw lang niya makita nitong may sakit at sinisisi ang sarili.
“Inlab ka na rin yata sa kanya?”
“Hindi magandang biro ‘yan.”
Humugot na lang siya ng malalim na buntong hininga at sabay sabing, “Sorry.”
“Nag-aalala ako sa iyo.”
“Huwag kang mag-alala. Kaya ko ang sarili ko.”
“Hindi ordinaryong nilalang si Eliza.”
Gusto rin sana niyang sabihin na ‘di rin naman siya ordinaryong tao. Sa bawat segundo na lumilipas, pasama nang pasama ang kanyang pakiramdam.
Hanggang sa naramdaman na lang niyang umiikot ang kanyang paligid. Mabuti na lamang at nasalo siya ni Anthony bago siya mawalan ng malay. Ngunit bago niya maipikit ang mga mata niya, may nakita siyang isang babae na ngising-ngisi habang nakatingin sa kanya.
Itutuloy…
STORY — JUNE 14, 2024
NGISING-NGISI si Eliza dahil alam niyang kumapit na ang sumpang ibinigay niya sa asawa ni Anthony.
Higit pa siyang nagdiwang dahil ang biktima pa mismo ay ang babaeng kanyang kinamumuhian, at wala siyang pakialam kung iisang dugo lang ang nananalaytay sa kanila.
Bata pa lang siya, pangarap na niyang maging reyna ng kanilang angkan, at tiyak na mangyayari naman iyon dahil ang ina niya ang kasalukuyang reyna ngayon.
Ngunit, ang posisyon nila ay pansamantala lamang dahil ang dapat na mamuno sa kanila ay panganay na kapatid na babae ng kanyang ina.
Matriarchal, ang tawag sa mga babaeng namumuno sa kanilang pamilya o angkan.
Kaya kahit nagsilang ng lalaki ang kanyang ina hindi pa rin ito magkakaroon ng pagkakataon na pamunuan ang kanilang lahi. Dahil sa lahi ng mga mangkukulam, ang mga kababaihan ang higit na makapangyarihan.
Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan dahil alam niyang higit pa ring makapangyarihan ang babaeng iyon. Biruin mo ba naman 2 in 1 ang kapangyarihan nito. May kapangyarihan na siyang mangkukulam, may lahi pang engkantada.
Hindi niya niya alam kung alam ba nito ang kapangyarihang tinataglay niya.
Marahil hindi pa, dahil kung alam na kasi nito ang lahat ng kakayahan na mayroon siya, baka nagawa na nitong pigilan lahat ng sumpang ibinigay niya kay Anthony.
Pero, dahil hindi nito sakop ang damdamin ni Anthony, hindi nito tuluyang nabura ang sumpang ipinataw niya.
Ang sabi niya kasi kay Anthony, mawawala lamang ang sumpa kung may babaeng makakatanggap sa kanya. Pero, dahil mandaraya siya, ibinulong niya sa hangin ang karugtong ng kanyang sumpa na, “Mawawala sa iyo ang babaeng ipapalit mo sa akin lalo na kung hindi naman tunay at wagas ang pag-ibig mo para sa kanya.”
Itutuloy…
STORY — JUNE 15, 2024
KABADUNG-KABADO si Anthony habang nakatingin kay Cecil. Ilang araw na ang lumipas ngunit hindi pa rin ito gumagaling.
Gusto na sana niya itong dalhin sa ospital pero ayaw ni Cecil. Hindi raw nito kailangan ng doktor, at kaya niya raw ang sarili niya.
Kuwento nga ni Cecil sa kanya, kahit kailan daw ay hindi ito nagpunta sa ospital. Pahinga lang umano ang ginagawa nito. Sa tingin naman niya ay hindi talaga kailangan ni Cecil ang ospital.
Pero, bigla niyang naalala si Eliza. Alam niyang may kinalaman ito sa nangyayari ngayon kay Cecil. Dahil pinakialaman niya si Cecil gayung hindi pa niya natitiyak kung tuluyan na bang naglaho ang sumpang ibinigay sa kanya ni Eliza.
Sa palagay niya hindi pa, problemado ngayon si Anthony, at ramdam niyang mayroong kakaiba sa kanyang kaloob-looban.
“Saan ka pupunta?” Tanong sa kanya ni Cecil.
“May importante lang akong pupuntahan,” nahagilap niyang sabi.
“Iiwan mo ako?” Hindi makapaniwalang tanong nito.
“Kailangan mo kasing gumaling.”“Hindi ko kailangan ng doktor!”
“Hindi naman ako roon pupunta,” mariin niyang sabi.
“No.”
“Ha?” Lito niyang tanong.
Hindi niya kasi maunawaan kung bakit iyon ang ibinulalas ni Cecil.
“Paniguradong pupuntahan mo ang babaeng iyon,” buong diin nitong sabi sa kanya.
“Dahil siya ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan!”
“Kaya ko ang sarili ko. Huwag ka na pumunta sa kanya.”
“Bilang asawa mo, kailangan kong siguraduhin ang kaligtasan mo.”
“Tapos ano? Ikaw naman ang mapapahamak kapag nagpunta ka roon? Ayoko dahil baka kunin ka niya sa akin!”
“Hindi mangyayari iyan,” mariin niyang sabi.
Itutuloy…
STORY — JUNE 16, 2024
HINDI man sabihin ni Anthony ang totoo, ramdam ni Cecil ang pinaplano nitong pagpunta kay Eliza.
Kahit na alam niyang mahal siya ni Anthony at nagtitiwala siya rito, hindi pa rin niya maiwasan ang mag-alala. Ordinaryong tao lamang ito kaya maaari itong masaktan at ‘yun ang ayaw niyang mangyari.
Mahal na mahal niya si Anthony kaya ayaw niya itong mapahamak. Ibinuka niya ang kanyang bibig upang tawagin at awatin ito sa pag-alis ngunit hindi niya magawa. Parang may nakabara sa kanyang lalamunan at naaapektuhan ang kanyang vocal cord.
“Huwag mo na pilitin ang sarili mo,” wika ng maliit na boses.
“Malambing…?” Tawag niya sa kanyang pusa.
“Naririnig mo na ako?”
Kumunot ang kanyang noo, hindi dahil sa tanong na narinig kundi dahil nagmistulang tao ang kanyang mga alaga.
“Mali ka riyan,” wika naman ng aso niyang si Zacky.
“Dati na niya tayong naiintindihan pero ngayon niya lang tayo narinig.” dagdag pa nito.
“We love you, Nanay Cecil,” sabay-sabay na sabi ng trio kuting na sina Loki, Monster at Blue.
Gusto sana niyang sumagot ng I love you too sa mga ito kundi lang niya naalala ang pinoproblema niya.
“Kailangan ko na umalis.”
“Saan ka pupunta? Iiwanan n’yo kami?”
“Babalik din ako.”
“Pero, nakaalis na si Anthony,” wika ni Zacky.
“Kaya mo namang hanapin ang amoy niya hindi ba?”
“Hindi ka makakaalis hanggang ‘di ka pa lumalakas.”
“Pero…”
“Maniwala at magtiwala ka kay Anthony.”
“May tiwala ako kay Anthony, pero sa babaeng ‘yun, wala!”
“Kaya nga kailangan mong magpalakas upang may maibatbat ka kapag nagkaharap na kayo ni Eliza.”
“Kilala mo iyon?” Hindi makapaniwalang tanong niya kay Malambing.
“Sila ang dahilan kaya nasa ordinaryong pamilya ka ngayon.”
“Ano?” Manghang bulalas niya.
Hindi niya alam ang eksaktong sinasabi ni Malambing, ngunit bigla siyang kinabahan sa ‘di niya malamang dahilan.
Itutuloy…
STORY — JUNE 17, 2024
“AMPON lang ako?” Hindi makapaniwalang tanong niya.
Sobrang sakit ng nararamdaman niya ngayon, at para bang nilalapirot ang kanyang puso. Gusto sana niyang umiyak, ngunit hindi niya magawa. Kailanman kasi ay hindi niya naramdamang iba siya.
“Ikaw ang aming reyna,” wika nito.
Kumunot ang noo niya sa sinabi ni Malambing.
Pagkaraan ay natawa siya, pakiramdam niya kasi ay lumuluwag na ang turnilyo sa kanyang utak dahil kung anu-ano na ang kanyang naririnig.
“Walang nakakatawa,” wika nito.
“Paanong hindi ako matatawa kung ganito ang mga naririnig ko?”
“Ito na ang tamang panahon upang harapin mo ang katotohanan.”
Kumunot ang kanyang noo. Talagang hindi siya makapaniwala sa kanyang mga naririnig. Seryoso kasi ang mukha nito ngayon, bahagya din siyang napasinghap dahil kakaiba ang nakikita niya sa mga mata nito gayung nang mapulot niya ito dati, para itong takot na takot.
“Nade-depress na ba ako?” Naiinis na tanong niya sa sarili.
Dati, hindi niya alintana kung wala siyang mga taong nakakasalamuha, dahil kasama naman niya ang kanyang magulang, ngunit ngayon ay kakaiba ang kanyang nararamdaman.
“Bahagya ka rin kasing naapektuhan ng sumpa. Kung ibang babae lang ang nakatagpo ni Anthony, paniguradong patay na ‘yun ngayon, dahil tiyak na hindi niya makakayanan ang sumpa na sa tingin ko ay may lason.”
“At ano’ng klaseng nilalang ba ako?” naiinis niyang tanong dito.
“Pinaghalong mangkukulam at engkantada,” walang anumang sabi nito.
“What?”
Gusto sana niyang sumagot pa ito at magpaliwanag, ngunit biglang umusok at magbago ang hitsura nito.
Nanlaki ang mga mata niya nang maging isa itong nilalang na may malaking tenga.
Gayunman, normal naman ang taas nito kung ikukumpara sa tao.
“Sa wakas!” Sabi pa nito.
Siya naman ay umiling. Talaga kasing mahirap paniwalaan ang sinasabi nito.
“So, hindi ako tao?” Ipinilig niya ang ulo. “Tao pa rin naman ang mangkukulam. Iyon nga lang, engkantada ka rin.”
Itutuloy…
STORY — JUNE 18, 2024
MARAHAS na buntong hininga ang pinawalan ni Anthony dahil nakaramdam siya ng takot.
Pagkaraan ay umiling siya, hindi naman kasi niya dapat maramdaman iyon. Kailangan niyang maging okey at labanan ang takot na kanyang nararamdaman.
Muli siyang napabuntong hininga, alam niyang magagawa niyang pawalan ang mga negatibong damdamin kung haharapin niya si Eliza.
“Bumalik na ang aking boss,” wika ni Eliza.
“Hindi ka pa rin umaalis?”
“Paano ako aalis kung hindi mo pa nga ako sinasahuran?” Tanong nito sabay halakhak.
“Babayaran na kita, at puwede bang umalis ka?”
“Ayoko, remember ako ang nakatakda mong…”
“May asawa na ako,” mayabang niyang sabi rito.
“Sa palagay mo ba tatagal ang buhay niya?” Tanong nito habang nanlilisik ang mga mata.
Hindi niya napigilang murahin ang kanyang sarili dahil nakaramdam siya ng takot.
Paano ba naman kasi niya hindi mararamdaman ang takot na iyon kung nasa boses at pagsasalita nito ang pagbabanta.
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Mamamatay siya.”
Lahat yata ng mura ay kumawala na sa kanyang bibig, ngunit kahit ganu’n hindi pa rin sumagi sa kanyang isip na saktan ang kanyang kaharap.
“Napakasama mo.”
“Ikaw ang rason kaya mamamatay siya,” wika nito.
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“May nangyari sa inyo kahit nasa ilalim ka pa ng aking sumpa. Ibig sabihin, nabigyan mo siya ng rabies. Pusa ka, remember?”
“Hindi pa ba naglalaho ang sumpa mo sa akin?” Hindi makapaniwalang tanong niya.
“Akala mo lang, ngunit hindi. Dahil ang gusto ko talaga ay masaktan nang husto ang babaeng iyon. Kailangan niyang mawala sa mundong ito. Hindi ako papayag na lahat ng akin ay mapupunta sa kanya. Ako ang magiging asawa mo, at ako ang dapat mo maging reyna.”
“Reyna?” Manghang bulalas niya. Kasabay noon ay nasabi niya sa sarili na baka may sayad na ito.
Itutuloy…
STORY — JUNE 19, 2024
NAPANGISI si Eliza, dahil miss na miss na niya si Anthony.
Kaya naman ngayong kaharap na niya ito, ang bilis ng tibok ng kanyang puso. Para itong drum na tinatambol dahil sa sobrang kasiyahan na kanyang nararamdaman, dahil nakikita na naman niya ang kagwapuhan nito na nagiging dahilan upang gumanda ang kanyang mood.
Napabuntong hininga siya dahil sa galit na nakikita niya sa mga mata nito.
Sumama ang kanyang loob dahil alam niyang ibang babae ang tinitibok ng puso nito, ikinukunsidera pa niya na ang babaeng iyon ang mortal niyang kaaway. “Hindi mo siya makukuha sa akin,” wika ni Anthony.
Bahagya siyang napangiti. Para kasing gusto niyang bumilib sa klase ng pagmamahal nito sa kanyang pinsan.
“Pagmamahal?” Sarkastikong tanong niya sa sarili.
Hindi kasi niya iyon kayang paniwalaan o pagkatiwalaan. Kung talaga kasing pag-ibig ang nararamdaman nito, wala si Anthony sa kanyang harapan.
“Hindi ako ang kukuha sa kanya, kundi si Kamatayan.”
“Hindi mangyayari iyan.”
“May magagawa ka ba?”
“Nakikiusap ako sa’yo.”
“Ano?” Mangha niyang tanong.
Hindi niya kasi inaasahan na parang lalambot ang hitsura ni Anthony.
“Alisin mo na ang sumpa sa kanya, ako naman ang isinumpa mo ‘di ba? Bakit pilit mo dinadamay si Cecil?”
Kahit na naguguluhan siya sa sinasabi nito, nakuha pa rin niyang itaboy ang mga negatibong isipan.
“Pero, ikaw ang dahilan kaya siya nariyan sa ganyang sitwasyon, dahil hindi mo naman talaga siya tunay na mahal.”
“Mahal ko si Cecil.”
“Kung mahal mo talaga siya, hindi siya manghihina,” alanganin niyang sabi.
Ang alam niya kasi ay kamatayan ang kakaharapin ng kanyang pinsan. Pero, hindi rin siya nakakasiguro kung makakatulong pa rin ba rito ang pagiging mangkukulam at engkantada.
“Gagawin ko ang lahat, basta ipangako mo lang sa akin na pagagalingin mo siya,” matigas nitong sabi.
Bigla tuloy siyang napahalakhak. Ang ibig kasing sabihin noon ay tuluyan na niyang maangkin si Anthony.
Itutuloy…
STORY — JUNE 20, 2024
“HIWALAYAN mo siya,” nakangising sabi ni Eliza.
Hindi man siya nakaharap ngayon sa salamin, alam niyang nagniningning nang sobra ang kanyang mga mata. Ibig sabihin kasi nu’n ay mapapasakanya na ang lalaking pinakamamahal niya.
“At pagkatapos?” Tanong nito.
Nakakunot man ang noo ni Anthony, hindi pa rin nabawasan ang kaguwapuhan nito.
Para ngang mas lalo pa itong nadagdagan.
“Magpapakasal tayo,” kunwa'y walang anumang sabi niya. Ngiting-ngiti siya dahil para sa kanya, isa iyong tagumpay.
“Sigurado ka bang kapag pinakasalan kita magiging okey na si Cecil?” Duda nitong tanong.
“Panigurado iyon.”
“Sige.”
“Hiwalayan mo muna si Cecil,” wika nito.
“Pero, walang divorce rito.”
“Patayin mo siya,” buong panggigigil niyang sabi.
Naningkit bigla ang mga mata nito, “Kung mawawala rin pala siya sa mundong ito, hindi ko na lang isasakripisyo ang pagmamahalan namin,” buong panggigigil nitong tugon.
Sa narinig ni Eliza, parang nilapirot nang husto ang kanyang puso sa sobrang sakit.
Pakiramdam niya kasi ay magagawa lang niyang paghiwalayin sina Anthony at Cecil, ngunit hindi niya magagawang pasukin ang damdamin ni Anthony.
Pero bigla niyang naisip, kung tunay ang damdamin ni Anthony kay Cecil, hindi dapat tablan ng kanyang sumpa si Cecil dahil mas makapangyarihan ito kaysa sa kanya.
“Hindi mo siya mahal.”
“Paano ka nakakasiguro?”
“Dahil tinablan siya ng sumpa ko. Kaya tiyak na ang damdamin mo sa kanya ay peke lang.
Mawawala siya kapag hindi mo siya hiniwalayan at iniwan.”
“At d’yan ka nagkakamali,” wika ng boses.
Nanlaki ang mga mata niya nang marinig niya ang isang tinig ng babae. Gayunman agad niya itong nilingon at sobra siyang nanggilalas nang makita niya si Cecil.
Itutuloy…
STORY — JUNE 21, 2024
NAGBAGO ang timpla ng katawan ni Cecil, pero hindi dahil sa sumpang ibinigay ni Eliza.
Buong pag-aakala niya ang pagsama ng kanyang pakiramdam ay dahil sa sumpang ipinataw nito, pero hindi pala iyon dahil doon, dahil ang tunay na dahilan pala ay ang paghahalo ng pagiging tao at engkanto niya.
“Buhay ka?” Hindi makapaniwalang tanong sa kanya ni Eliza.
“Buhay na buhay,” nagmamalaking sabi niya.
“At kaya ako narito dahil kukunin ko na ang akin. Hindi ako iiwanan ni Anthony, dahil lang sa panlilinlang mo. Kami ang nagmamahalan, kaya kami ang magsasama habambuhay.”
“Hindi ako papayag!”
“Wala ka nang magagawa,” wika niya sabay takbo palapit sa kanyang asawa.
Mahirap na siyempre at baka maunahan pa siya ni Eliza na kunin ang kanyang pinakamamahal.
Sa sobrang kasabikan niya kay Anthony, niyakap pa niya ito nang sobrang higpit. Mahal na mahal niya ito kaya hindi siya papayag na mawala ito sa kanyang piling. Bahagya lang siyang humiwalay kay Anthony dahil ramdam niya ang matalim na titig ng babae.
“Kahit ano pa ang gawin mo, wala ka nang magagawa.”
“Hindi pa tayo tapos,” wika nito.
Kumunot ang kanyang noo. Kakaibang galit kasi ang nakikita niya sa mga mata nito. Punumpuno iyon ng pagkamuhi at paniguradong hindi lang iyon dahil kay Anthony.
“Marami pa tayong pagdaraanan, kaya kailangan mong humanda sa aking bagsik,” inis nitong sabi sa kanya.
“Mag-asawa na kami ni Anthony.”
“Hindi na tungkol kay Anthony ang tinutukoy ko. Hindi tayo close para mag-chikahan, basta kailangan mong maging handa sa pagbabalik ko. Ayan, sinasabi ko na sa’yo ang maaaring mangyari para naman kahit papaano ay maging fair ako sa’yo bilang pinsan mo.”
“Ano?” Mangha niyang sabi sa rebelasyong sinabi nito.
Sobra tuloy siyang nangilabot dahil parang narinig niya ang boses ng kanyang ina na nagsabing, “Hindi lahat ng kadugo ay dapat pagkatiwalaan. Kung minsan, sila pa ang magpapahamak sa’yo.”
Itutuloy…
STORY — JUNE 22, 2024
HINDI alam ni Cecil kung paano nag-iba ang timpla ng kanyang katawan, para kasing may na-trap na dugo sa kanyang kalamnan. Kung haharap siya sa salamin, paniguradong ang pula-pula na ng kanyang mukha.
“Hindi pa tayo tapos,” wika ni Eliza.
Kumunot ang kanyang noo. Hindi niya kasi inaasahan na bigla itong aatras. Ang inaasahan niya kasi ay lalaban ito sa kanya ng harapan. Ngunit tulad nga ng sinabi nito, hindi pa sila tapos kaya naman mas lalo siyang kinabahan.
Gayunman, hindi siya nakaramdam ng takot, dahil kasama naman niya si Anthony.
“Huwag mo na siyang intindihin. Natatakot ka ba sa kanya?” Biglang tanong nito.
“No,” mariing sabi niya.
“Mas natatakot akong mawala ka sa buhay ko.”
Nang yakapin siya nito nang mahigpit na mahigpit, nakaramdam siya ng pagkabigla, pero napangiti pa rin naman siya.
“Hindi mangyayari iyon. Kapag may humadlang sa atin, sisiguraduhin kong hindi sila magtatagumpay,” wika nito habang nagniningning ang mga mata.
Gusto niya tuloy maiyak ngayon, kasi nangyari na may nagmahal sa kanya. Siyempre, hindi na kabilang ang kanyang mga magulang dahil natural lang na mahalin siya ng mga ito. Ngunit, dahil nalaman niya ang tunay niyang pagkatao, naisip niyang dakila ang pagmamahal ng mga ito sa kanya.
“Mahal kita.”
“Mahal din kita.”
“Kaya mo ba akong iwan at sumama sa babaeng iyon?” Tanong niya.
“Basta para sa kaligtasan mo, lahat ay gagawin ko.”
Muli niya na naman itong niyakap. Pakiramdam niya walang katapusan ang kanyang kaligayahan, ngunit alam niyang hindi iyon maaari lalo na nag-flash sa kanya ang mukha ni Eliza.
Itutuloy…
STORY — JUNE 23, 2024
KAHIT maraming pagsubok ang dumating sa buhay nina Anthony at Cecil, wala sa plano nila ang pagsuko.
Ang nais nila ay lampasan ang mga ito. Naisip kasi nila na lahat naman ng magkarelasyon at nagmamahalan ay dumaraan sa matitinding pagsubok, kaya bakit sila susuko? Saka, sa panahon ngayon ay hindi na nila nararamdaman pa ang presensiya ni Eliza.
Gayunman, hindi sila naniniwala na titigil na ito sa plano na agawin sa kanya si Anthony at paghiwalayin sila. Pero, wala na silang pakialam sa banta nito, dahil handa nilang ipaglaban ang kanilang pag-iibigan.
“Kahit ba isa rin akong mangkukulam, iibigin mo pa rin ako?” Kunwa'y seryosong tanong niya kay Anthony.
“Napakaganda mo namang mangkukulam.”
Kinilig siya sa sinabi nito, pero ibig pa rin niyang marinig ang sagot ni Anthony.
“So? Ano’ng sagot mo?”
“Kahit sino ka pa, mamahalin kita.”
Nang magkatitigan sila ay awtomatikong lumapit ang mga labi nila sa isa't isa. Wala silang pakialam sa paligid, kaya parang hindi nila naririnig ang banta na, “Hindi pa kayo puwedeng magkaanak hanggang nasa ilalim pa ng sumpa si Anthony.”
Marahang itinulak ni Cecil si Anthony.
“Bakit?” Takang tanong ni Anthony.
“Bakit ganyan ang amoy mo?” Inis na tanong ni Cecil.
“Ang baho!” Dagdag pa nito.
Inamoy agad ni Anthony ang kanyang sarili, pero tiyak niyang hindi naman siya mabaho, kaya nagtaka siya sa sinabi ni Cecil, gayung noong nakaraang araw ay gustung-gusto nito ang kanyang amoy.
“Ano bang nangyayari sa'yo?” Nagtatakang tanong ni Anthony sa naiirita pa rin niyang asawa.
“Naligo na ako! Isa pa, wala akong body odor saka may pabango ako,” dagdag ni Anthony.
“So, sinasabi mong sinungaling ako?” Naiiyak na tanong ni Cecil.
Nahugot yata ni Anthony ang pinakamalalim niyang hininga. Ayaw niya kasing nakikitang nasasaktan si Cecil.
“Wala naman akong…” Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil biglang tumayo si Cecil at tumakbo sa cr upang sumuka.
Pagkaraan ay nanggilalas siya dahil biglang nagpatay-sindi ang ilaw na para bang may nagbabadyang panganib.
Itutuloy…
STORY — JUNE 24, 2024
“BUNTIS nga ako!” Hiyaw ni Cecil sa kanyang isipan.
Dapat sana ay kasiyahan ang kanyang maramdaman, ngunit hindi niya maiwasang magtaka sa kakaibang gawi ng kanyang mga alaga. Para kasing hindi nagustuhan ng mga ito ang resulta ng kanyang pregnancy test.
Hindi man ito magsalita, tiyak niyang naroon ang takot at kalungkutan ng mga ito. Para tuloy mayroon siyang matinding problema na kakaharapin. Gayung sa tingin niya ang dapat lang niyang isipin ay ang kasiyahang nararamdaman.
Masyado siyang na-excite nu’ng nagsuka siya at nag-iinarte sa amoy ni Anthony, kaya agad niya itong inutusan na bumili ng pregnancy kit. Agad naman itong sumunod, at kita rin sa mukha nito ang excitement.
“Bakit?” Nagtatakang tanong sa kanya ni Anthony.
“Hindi nila nagustuhan ang pagbubuntis ko. Ayaw n’yo ba?” Tanong niya sa kanyang mga alaga.
“Nagseselos lang sila.”
“Hindi kami ganu’n kababaw,” wika ng isang boses.
Hahanapin pa sana niya kung sino ang nagsalita, pero bigla itong sumulpot sa kanyang harapan. Isa itong makisig na lalaki kaya namilog ang kanyang mga mata. Ang guwapo nito at para bang gusto niyang kurutin ang pisngi.
“Prinsesa…” wika nito.
Natigilan siya nang mapatitig siya sa mga mata nito, at sabay sabing, “Malambing…”
“Tama na nga ‘yan,” wika ni Anthony sa kanyang likuran.
Kahit na nakaramdam ng takot si Anthony sa bigla nitong pagsulpot, mas nanaig pa rin sa kanya ang selos.
“Hindi ho kami nagdadalawang isip, ang iniisip lang namin ay ang sanggol na nasa sinapupunan mo. Nasa ilalim pa kayo ng sumpa. Kailangan bago n’yo maipanganak ang prinsipe, wala na ang sumpa sa inyo ni Anthony.”
Kumunot ang kanyang noo. “Bakit naging kami?”
“Mag-asawa na kayo kaya iisa na lang kayo.” Buong diing sabi nito.
Si Cecil naman ay biglang kinabahan. Hindi niya kasi mapigilang isipin na madadamay ang anak nila ni Anthony.
Itutuloy…
STORY — JUNE 25, 2024
“ANO’NG gagawin natin?” Tanong ni Cecil kay Anthony.
Pero, hindi siya sa mister nakatingin, kundi sa kanyang tiyan. Alam niyang sa mga susunod na linggo at buwan ay lulobo na rin ito. Marahas na paghinga ang kanyang pinawalan. Dapat ay kasiyahan lamang ang kanyang madarama, pero hindi iyon ang nangyayari. Ang nararamdaman kasi niya ngayon ay takot.
“Gusto kong sabihin sa’yo na ipaglaban natin ang ating pamilya, pero hindi ko rin alam kung sapat na ba ang mga salitang ‘yun upang maging okey ang lahat. Dapat bang gawin ko na lang ang gusto ni Eliza para makatiyak tayo na magiging ligtas kayo?” Malungkot na tanong ni Anthony.
Ramdam ni Cecil ang sakit sa mga salitang binibitawan ni Anthony, kaya parang dinudurog din ang kanyang puso. Pakiramdam niya ay may dambuhalang kamay na pumipiga sa kanyang puso.
“Ano’ng sinasabi mo?” Manghang bulalas niya pagkaraan.
Hindi ito kumibo, wari’y hindi rin alam kung paano ipapaliwanag ang mga salitang ibinulalas.
“Iiwan mo kami para pakasalan ang babaeng iyon?” Gilalas niyang tanong pagkaraan.
“Ikaw lang ang pakakasalan ko dahil ikaw lang ang mahal ko. Ang gusto ko lang ay maligtas kayo.”
“Hindi! Pamilya tayo kaya dapat nating ipaglaban ang pamilya natin. Ipaglaban mo kami, at ipaglalaban din kita.”
Kahit na lalaki si Anthony, parang gusto niyang umiyak. Ganu’n pagmamahal kasi ang hinahanap niya, ‘yun bang tipong hindi siya pababayaan at kailanman ay hindi tatalikuran.
“Iwanan mo lang kami kapag hindi mo na kami mahal,” wika ni Cecil.
“Hindi mangyayari iyon! Mahal kita, at kailanman hindi ka mawawala sa puso ko.”
Itutuloy…
STORY — JUNE 26, 2024
KAHIT na wala pang masamang nangyayari, hindi pa rin makampante si Cecil. Aware kasi siya na anumang sandali ay maaaring may sumulpot na panganib.
Ramdam din niya na hindi mapakali ang kanyang mga alaga, kahit pa sabihing kinokontrol nila ang kanilang emosyon, dahil ayaw ng mga ito na makaramdam siya ng takot.
Kunsabagay, ganundin naman ang ginagawa niya. Ayaw niyang matakot ang kanyang asawa kaya pilit niyang pinaparamdam dito na okey lang ang lahat.
“Kausapin n’yo nga ako,” wika niya.
Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Kahit kasi nasanay siyang mag-isa, hindi niya gugustuhing walang makausap ngayon.
“Kung hindi n’yo ako kakausapin, paparusahan ko kayo.” Mariin niyang wika.
Ibig niyang ipakita sa mga ito na nagtatampo siya, pero parang higit pa roon ang nararamdaman ng mga ito. Nang ibaling ng mga ito ang tingin sa kanya, bigla itong nag-anyong tao.
“Ang cute,” hindi niya napigilang sabihin.
Ang tinutukoy niya ay ang anak ni Malambing na tatlong maliliit na bata na naglalaro.
Para tuloy may humaplos na malaking kamay sa kanyang puso, at na-imagine niya na darating din ang sandali na magkakaroon sila ng anak ni Anthony.
Kapag nangyari ‘yun, ibibigay niya sa kanyang pamilya ang buo niyang pagmamahal kaya dapat lang na nagkasundo sila ni Anthony na ipaglaban ang kanilang pagmamahalan.
“Darating din ang panahon na magkakaanak ka, Prinsesa.”
“Excited na ako,” wika niya.
Masayang-masaya siya, pero bigla siyang natigilan. May malaking kamay kasi na parang biglang kumuha ng kanyang puso.
Itutuloy…
STORY — JUNE 27, 2024
“HINDI ako papayag!” Gigil na sabi ni Eliza.
Hindi siya makapaniwala na mababahag ang buntot niya sa unang pagkikita nila ni Cecil. Hanggang ngayon ay ang bilis pa rin ng tibok ng puso niya. Hindi niya dapat iyon ginawa, at hindi dapat siya umatras. Pero wala na rin siyang magagawa dahil nangyari na.
“Huwag kang mag-alala.”
Mag-isa lang siya sa bahay ni Anthony kaya nagulat siya nang makarinig siya ng boses, at mas lalo pa siyang nagulat nang makita niya ang matandang mangkukulam.
“Paano ka nakapasok?” Gilalas niyang sabi.
“Huwag kang mag-alala, isa lang akong ilusyon. Wala talaga ako rito dahil nasa isip mo lang ako kaya mo ako nakikita.”
Hindi niya gustong paniwalaan ang sinasabi nito kaya naman lumapit pa siya at tinangka itong hawakan. Gusto niya siyempreng makatiyak na totoo ang sinasabi nito.
“Ano’ng kailangan mo?” Tanong niya.
“Ang bigyan ka ng lakas ng loob.”
Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. Hindi niya kasi maunawaan ang ibig nitong sabihin.
“Hindi pa huli ang lahat.”
“Alam mo ang nangyayari?” Inis niyang tanong dito.
“Alam na alam. Anyway, sabi ko nga sa’yo may pag-asa pa.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Manghihina siya kapag buntis siya, dahil hindi lang ang sarili niya ang kailangan niyang protektahan kundi pati ang anak niya.”
Hindi niya alam kung magandang balita ba iyon, pero nadurog na naman muli ang kanyang puso.
“At buntis na ngayon ang babaeng iyon?” Pagtatanong nito.
Ang pakiramdam niya ngayon ay parang tinatapakan ng elepante ang kanyang puso kahit hindi siya sigurado kung totoo ang sinasabi nito.
Itutuloy…
STORY — JUNE 28, 2024
KUNG dati ay ayaw ni Anthony na magkaroon ng sariling pamilya, dahil hindi niya alam kung magiging mabuti nga ba siyang ama. Tila ngayon ay biglang nagbago, excited na siya, at gusto na niyang makita ang magiging anak nila ni Cecil.
Ngunit, bigla siyang napamura dahil sa kilig na kanyang naramdaman. Imagine, may bata siyang nagawa na kailangan niyang alagaan, palakihin at mahalin. Pero bigla siyang nakaramdam ng takot.
“Nag-aalala ka rin,‘no?” Tanong sa kanya ni Cecil.
“Magsisinungaling ako kung sasabihin ko sa iyo na hindi ako natatakot.”
“Natatakot ka rin na baka hindi natin siya maprotektahan?”
“Hindi ‘yan ang iniisip ko.”
“Oh.”
Natigilan siya sa bigla niyang pagtataas ng boses. Naramdaman niya kasing nasaktan si Cecil sa kanyang ginawa. Inabot niya tuloy ito at marahang niyakap.
“Natatakot akong baka hindi maging mabuting ama.”
“Ano?”
Marahang buntong hininga ang pinawalan niya, “Ang tiyuhin ko lang kasi ang lagi kong kasama dati.”
“Talaga?”
“Woman hater siya.”
“So hindi pala ako dapat magpakita sa kanya?” Nag-aalangang tanong nito.
Tiningnan siya nito na para bang hinihintay kung ano ang gusto niyang sabihin.
“Hindi na kayo magkikita.”
“Bakit ayaw mo akong ipakilala sa kanya?”
“Dahil patay na siya.”
“Ano?” Gilalas niyang tanong.
“Siya ang rason kung bakit hindi ako nagseryoso sa pag-ibig.”
“So, wala ka pala talagang balak na seryosohin ako?”
“Niloko siya ng babae.” Marahang sabi niya.
Gusto niya rin ipakilala kay Cecil ang kanyang sarili. Hindi naman kasi sapat na nagkakilala lang sila sa kama.
“Kaya ang nasa isip ko nu’n, lahat ng babae ay manloloko.”
“Mas maraming lalaki ang manloloko.”
“Ikaw, nakakasiguro ka ba na magiging mabuting ina ka?”
“Oo naman,” mayabang na sabi ni Cecil, ngunit kita sa mata nito ang pag-aalinlangan, at bigla siyang napasigaw dahil biglang lumaki ang kanyang tiyan.
“Ano’ng nangyayari?” Gilalas niyang sabi nang makita niyang nai-stretch ang puson nito.
Itutuloy…
STORY — JUNE 29, 2024
Parang gusto na himatayin ni Cecil sa nangyayari. Kitang-kita niya kasi ang paglaki ng kanyang tiyan.
“Ano’ng nangyayari?”
Dahil sa takot na naririnig niya sa boses ni Anthony, mas lalo siyang natakot, at para bang anumang sandali puputok na iyon.
“Relax ka lang, Prinsesa…”
“Paano ako makakapag-relax nito?!” Inis niyang sabi kay Malambing.
“Ganyan talaga ang mangyayari kapag nabuntis ang engkanto na may lahing mangkukulam,” wika nito.
Matalim na tingin ang binato niya rito, “Mangkukulam pa talaga ang ginamit mo puwede namang tao!”
“Hindi ka kasi karaniwang tao.”
“Pero hindi ako masamang tao, kaya hindi ako mangkukulam!”
“Kaya mabilis na lumalaki ang tiyan mo dahil iba ang oras ng tao at engkanto. Mas mabilis sa ating kaharian, kaya asahan mo na mabilis ding lalaki ang iyong tiyan,” magalang na paliwanag nito.
“Ibig sabihin hindi ko na kailangan maghintay ng siyam na buwan para siya manganak?”
“Baka by next month manganak ka na,” sagot naman ni Malambing.
Ang asawa at mga anak ni Malambing ay biglang nagpalakpakan, at sabay sabing,“Yehey, mayroon na kaming aalagaan!”
“Excited na kong maging ate,” wika naman ni Monster.
“Sana lalaki,” wika naman ni Blue.
Kahit nag-aalala siya, hindi na niya makuhang mairita. Nagkaroon na kasi ng kasagutan ang nangyayari sa kanya. Bukod pa roon masaya siya at maraming natutuwa sa kanyang pagbubuntis.
“Ang bilis naman,” nagrereklamong sabi ni Anthony.
“Ayaw mo bang makita ang anak mo?” Naiinis na tanong ni Malambing.
“Sinabi ko ba?”
“Kahit na mabilis ang panganganak mo, kailangan mo pa ring mag-ingat dahil mas nanganganib ka ngayon sa mga taong gusto kang paslangin. Gaya na lamang ni Eliza,” wika ni Malambing sabay tingin kay Anthony.
Itutuloy…
STORY — JUNE 30, 2024
ANG PLAYBOY NA ISINUMPA
“HELLO pinsan,” nakangiting sabi ni Eliza, pero deep inside, galit na galit ito.
Kailangan niyang kontrolin ang kanyang emosyon kung ayaw niyang masaktan. Masakit man tanggapin, ngunit mas makapangyarihan talaga si Cecil kaysa sa kanya.
“Kumusta ka na?”
“Ano na naman ang ginagawa mo rito?” Inis na tanong sa kanya ni Cecil.
Obviously, wala itong tiwala sa kanya, at hindi niya dapat ito pagkatiwalaan.
“Gusto ko lang humingi ng tawad sa iyo.”
“Hindi ako naniniwala,” matapang nitong sabi.
Napahalakhak si Eliza at sabay sabing, “Wala namang dahilan para magsinungaling ako.”
“Baka ang ibig mong sabihin, walang dahilan para magsabi ka ng katotohanan?”
“At least hindi ka utu-uto.”
Tumalim lalo ang tingin ni Cecil sa kanya, at sabay sigaw na, “Ano ba kasi ang kailangan mo?”
“Ang asawa mo.”
“Hindi ka niya kailangan!” Kahit na galit na galit siya sa hirit nito, kailangan pa rin niyang kontrolin ang kanyang emosyon.
“At mas mag-e-enjoy siya kung wala ka,” dagdag nito.
Alam naman naman niyang totoo iyon, ngunit ‘di pa rin niya maiwasan ang masaktan.
“D’yan ka nagkakamali, dahil kailangan din niya ako.”
“Hindi mangyayari iyon.” buong kasarkastikuhan niyang sambit.
“Mangyayari iyon at alam mo kung paano?”
“Hindi ako interesado.”
“Kapag sinabi ko bang nanganganib ang buhay ngayon ni Anthony, hindi ka pa rin ba magkakainteres?”
“At ano’ng gagawin mo?”
“Papatayin ko siya.”
“Hindi mo magagawa ‘yan.”
“Magagawa ko,” mayabang niyang sabi.
Kailangan niyang paniwalain si Cecil upang mas madali niyang makuha ang kanyang gusto.
“Kung hindi rin naman siya mapupunta sa akin, mas maigi pang mawala na lang siya.”
“Hindi ako papayag.”
“May magagawa ka ba?”
“Wala, pero baka mapatay kita.”
Itutuloy…
STORY — JULY 1, 2024
NAISIP ni Cecil na kapag namatay siya, mapapahamak din ang kanyang anak, at hindi niya iyon hahayaan. Mahal na mahal niya ito kaya hindi siya papayag na lumaki itong nag-iisa. Tiyak din niyang malulungkot at masasaktan si Anthony, kaya kailangan niyang lumaban hindi lang para sa kanya, kundi para na rin sa anak niya.
“Ouch!”
Maging siya ay nagulat nang biglang tumalsik si Eliza gayung hindi naman ito dumidikit sa kanya.
“Nasaktan ka ba?” Nag-aalala niyang tanong.
“Kunwari ka pang hindi mo alam ang sagot. Eh para mo nga akong binugbog! Plano mo ba talaga akong patayin?”
“Ikaw lang ang nag-iisip niyan. Pinoprotektahan ko lang ang aking sarili.”
“Sinungaling!”
“Hindi ako pinalaking sinungaling ng magulang ko.”
“Ha? Eh hindi naman sila ang tunay mong magulang! May lahi kang mangkukulam, remember?”
“Hindi ko ramdam na masama ang angkan na pinagmulan ko,” wika niya habang nakatitig kay Eliza.
Nararamdaman niya kasi na may kabutihang puso pa rin ito, ‘yun nga lang mas namamayani ang galit at selos sa kanya.
“Ipapaalala ko lang sa iyo na magkadugo tayo, kaya huwag mong sabihin na hindi mo nararamdaman na may lahi kang masama, dahil lahat kami ay masasama! Alam mo ba na ang magulang ko lang naman ang pumatay sa magulang mo?”
Dapat sana ay makaramdam siya ng galit sa tinuran nito, pero hindi iyon ang nararamdaman niya, dahil mas nangibabaw pa rin sa kanya ang awa.
“At ngayon, gusto kitang patayin dahil hindi ako papayag na maagaw mo ang dapat ay para sa akin. Gusto ko akong maging reyna ng mga mangkukulam!”
“Hindi ako interesado sa posisyon, kaya sa iyo na.”
“At si Anthony ay para sa akin lang!”
“Iyan ang hindi ko mapapayagan. Hindi ko hahayaan na sirain mo ang aking pamilya!” Wika niya habang nanlalaki ang kanyang mga mata at ramdam niyang may bolang apoy na lumalabas dahil sa galit na kanyang nararamdaman ngayon.
Itutuloy…
STORY — JULY 2, 2024
MAHAL na mahal ni Cecil ang kanyang pamilya, kaya hindi niya gugustuhing may mangyaring masama rito.
“Sino ang ililigtas mo, ang iyong asawa o ang anak mo?” Naghahamong tanong sa kanya ni Eliza.
“Hindi ko kailangang mamili dahil pareho silang mahalaga sa akin.”
“Mahirap iyon.”
“Sa iyo mahirap, hindi ka naman kasi nagmamahal.”
“Hindi bato ang puso ko.”
“Nambabato lang?”
“Wala akong sinasaktan!”
“Kung talagang mahal mo si Anthony, palayain mo na siya.”
“Malaya naman siya ah? Kung isa lang akong baliw, hindi ko siya bibigyan ng kalayaan.
Lahat kaya kong burahin sa kanyang isipan, at parang gusto kong burahin ngayon ang kanyang mga alaala.”
“Hindi mangyayari yan!” Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Kailangan niyang itatak sa kanyang isipan na never iyon mangyayari.
Ngunit kaysa na sumagot, biglang umusal si Eliza. Kumunot ang noo ni Cecil dahil niya maunawaan ang lengguwaheng binibigkas nito. Hindi rin niya alam kung bakit sya nakakaramdam ng panghihina.
“Okey ka lang ba?”
Hindi siya sumagot dahil hindi niya tiyak kung ano ba talaga ang nangyayari. Ang alam lang niya, parang gustong umikot ng kanyang paningin. Nang tingnan niya si Anthony ay nakaramdam din ito ng panghihina kaya agad niya itong nilapitan.
Wari'y na-sense ng kanyang mga alaga na may hindi magandang nangyayari sa kanila, kaya agad itong lumapit sa kanila at hinarap si Eliza. Umangil ang mga ito na para bang anumang sandali ay naghahanda na ang mga itong talunin si Eliza.
Alam niyang hindi siya pababayaan ng kanyang mga alaga kaya hinarap na niya si Anthony at sabay bigkas ng, “Love…”
Agad namang dumilat si Anthony at sabay tanong, “Sino ka?”
Itutuloy…
STORY — JULY 3, 2024
AGAD na kinabahan si Cecil sa sinabi ni Anthony. Tiyak niyang hindi ito nagbibiro. Kita rin niya ang kaseryosohan sa mukha nito, para tuloy nilamutak ang kanyang puso sa sobrang sakit.
“Hindi mo ‘ko maalala?” Tanong niya kay Anthony.
Umaasa siyang nagbibiro lang ito, pero kunot noo itong nakatitig sa kanya na para bang sinasabing hindi talaga niya ito maalala.
“Ano’ng ginawa mo sa kanya?” Nanginginig na tanong ni Cecil kay Eliza.
“Kawawa ka naman, hindi ka na maalala ng asawa mo.”
Muli siyang nakaramdam ng matinding galit. Nanlilisik ang mata niya at sabay sigaw na,“Ibalik mo ang alaala niya.”
“Wala akong kakayahan para gawin iyon.” Nakangising sabi nito bago naglaho sa kanyang paningin.
“Paanong nangyari iyon?” Gilalas niyang tanong sa kanyang isipan.
“Isa lang siyang ilusyon,” wika ni Malambing na nag-anyong tao.
Nakatitig siya kay Anthony, kaya kita niyang parang hindi ito naapektuhan sa presensiya ni Malambing.
Kumunot tuloy ang noo niya. Kung nawalan ito ng alaala dapat ikagulat nito ang lahat ng nangyayari.
“Hologram?” Manghang tanong niya.
“Sosyal na mangkukulam.”
“Kilala ba kita?”
Ayaw niyang sumagot ng ‘oo’ dahil tiyak niyang masasaktan lang siya kapag nagsabi ito na ‘hindi’ kaya minabuti niyang halikan lamang niya ito.
Sa pamamagitan noon ay magagawa niyang ipakita kung gaano niya ito kamahal at pinananabikan. Agad naman itong tumugon sa kanya. Pinantayan pa nga ang init ng kanyang halik kaya masasabi niyang naaalala naman nito ang kanilang pagmamahalan.
Para lang gusto niyang maiyak nang maghiwalay ang kanilang labi pero nanatili pa ring blangko ang tingin nito sa kanya.
“Magaling ba akong artista?” Tanong nito sa kanya.
Itutuloy…
STORY — JULY 4, 2024
KAHIT alam na ni Cecil na mabilis lang lalaki ang kanyang tiyan, hindi pa rin niya mapigilan ang magulat sa paglaki nito.
Araw-araw niyang nararamdaman ang paglaki ng kanyang tiyan. Hanggang sa isang araw, para na itong lobo na anytime puwedeng pumutok.
“Hindi pa rin talaga ako makapaniwala na hindi pala totoo na nakalimutan mo na ako,” wika niya.
Ayaw niya kasing mag-alala sa kanya si Anthony. Kita niya kasi ang takot sa napakaguwapo nitong mukha
“Napakagaling mong artista,” dagdag pa niya rito.
“Mas mabuti na ring nagpakita si Eliza. Malamang iniisip niya ngayon na ‘di na tayo magiging maligaya, dahil hindi naman kita naaalala. Well, nagkamali siya, maling-mali!”
“Siguradong magiging masaya na tayo,” wika naman niya. “Wala nang kokontra sa atin!”
“Huwag kayong magpakasiguro,” wika ni Malambing.
Kumunot ang kanyang noo. Dahil nag-anyong tao na naman ito, kita niya ang takot mula sa mukha nito. Bigla tuloy siyang kinabahan. May agam-agam din kasi siyang nararamdaman, ngunit ‘di niya ito masyadong iniisip.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” Paangil na tanong ni Anthony. “Masyadong tahimik si Eliza at iyon ang nakakapagtaka, hindi ba? Feel ko, hinihintay niya lang na sumakit ang tiyan mo, at tiyak na roon siya susulpot para manggulo.” Marahang sabi ni Malambing.
Sa tingin niya ay may dahilan naman talaga kung bakit nananahimik ngayon ni Eliza.
“Anthony…”
“Huwag kang matakot poprotektahan ko kayo!”
Pero, hindi pa rin niya napigilan ang sumigaw na, “Lalabas na ang anak natin!”
Itutuloy…