ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | July 5-11, 2024
STORY — JULY 5, 2024
Gusto nang makampante ni Cecil, dahil wala namang nangyayari sa kanila.
Dalawang araw na rin mula nang manganak siya, iniisip niya tuloy na baka hindi pa alam ni Eliza ang tungkol sa kanyang panganganak.
“Huwag kang maging kampante,” wika ni Malambing.
“Pati ba naman iniisip at nararamdaman ko, binabantayan mo rin?”
“Gusto ko lang ipaalala sa iyo ang kalagayan mo.”
“Normal na tao lang ako.”
“Alam mong hindi ka pangkaraniwang tao.”
Naiirita na siya sa tinutumbok ng kanilang usapan, ngunit hindi niya magawang magtaray. Ayaw niyang magising ang anak niyang mahimbing na mahimbing na natutulog. Hindi niya tuloy mapigilan ang mapangiti dahil napakaamo ng mukha nito, at para bang pinaghalo ang hitsura nila ni Anthony.
Nang maalala niya si Anthony, napangiti siya. Kung hindi pa kasi niya ito pinilit na magtrabaho, hindi ito aalis sa tabi nila. “Mas lalo mong dapat ingatan ang mahal na prinsesa, dahil siya ang susunod na mamumuno.”
“At bakit siya?”
“Kasi siya ang tagapagmana mo.”
“Dito lang kami sa lupa, at hindi kami pupunta sa lugar na sinasabi mo, Malambing!”
“May mga nakatakda para sa’yo. Kaya kailangan mo na bumalik sa kaharian upang tuparin ito.”
“Ang responsibilidad ko ay ang pamilya ko,” mariin niyang sabi.
“Kung responsibilidad mo ang mag-ama mo, dapat mas lalo mo silang protektahan dahil kapag hindi mo tinanggap ang pagiging reyna, mas mamayani si Eliza at ang maitim niyang balak. Maaari pa niyang agawin sa’yo ang asawa’t anak mo”
“Hindi ako papayag.”
“Masasabi mo lang ‘yan, kung ikaw ang mas makapangyarihan sa nilalang na gusto kang pahirapan,” marahang sabi nito na nagpabilis ng tibok ng kanyang puso.
Itutuloy…
STORY — JULY 6, 2024
Hindi man siya maging isang reyna, kaya niya naman makipagbakbakan para sa kanyang pamilya.
Sa punto na iyon, hindi napigilan ni Cecil ang matawa. Wala naman kasi siyang alam sa pakikipagsuntukan at pakikipag-away.
Subalit sabi naman ni Malambing, hindi siya nito pababayaan, at tutulungan umano siya nito na makipaglaban. Kailangan niyang gawin iyon bilang reyna dahil tiyak na hindi papayag ang mga kalaban niya na basta na lamang siyang maupo sa trono.
“Hindi ka pa puwedeng mag-training,” mariing sabi ni Anthony, ramdam sa boses nito ang matinding pag-aalala.
“May responsibilidad…”
“Kakapanganak lang niya,” buwisit na singhal ni Anthony kay Malambing.
“Baka nakakalimutan mo, hindi ordinaryong tao ang asawa mo. Isa pa, dapat mo ring malaman na ikaw ang dahilan kaya nagulo ang kanyang buhay. Dahil sa sumpa na ipinataw sa’yo ni Eliza.”
“Matagal na naglaho ang sumpang iyon,” wika ni Anthony na may kayabangan pero hindi rin maikakaila sa boses nito ang guilt na kanyang nararamdaman.
“Iyon ang akala mo.”
Siya naman ang nagulat sa sinabing iyon ni Malambing. May kaba siyang naramdaman na talaga namang nagpakabog sa kanyang dibdib. Pakiwari nga niya’y para iyong drum na tinatambol.
“Hindi mawawala ang sumpa, maliban na lang kung babawiin ito mismo ng nagsumpa. O ‘di kaya…”
“Ano?” Inis niyang tanong.
“Mapapahamak ka.”
“Mamamatay ako?” Diretsahang tanong ni Anthony.
Bigla siyang kinilabutan sa tinuran ng asawa. Pagkaraan ay umiling siya. Hindi niya siyempre hahayaang mangyari iyon.
“Sa nalaman mo ngayon, tatanggapin mo na ba ang responsibilidad bilang isang reyna? Ito lang ang paraan upang maprotektahan mo ang pamilya mo.”
Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Cecil at sabay tanong na, “Kailan natin sisimulan ang training?”
Itutuloy…
STORY — JULY 7, 2024
Ang sama ng pakiramdam ni Anthony habang pinanonood niya ang asawa niyang nagti-training.
Kasalukuyan kasi itong nakikipag-espadahan at sobra siyang kinakabahan. Para kasing isang pagkakamali lang ni Cecil, mapapahamak na ito.
Gusto na niya itong awatin at sabihing, “Tama na!” Pero kapag ginawa niya iyon, alam niyang mapapaalis siya at lalong hindi niya gugustuhin na mangyari iyon. Gusto niya pa naman na palagi niyang nakikita si Cecil.
“Akin na po ang baby,” wika ni Lok.
Nu’ng nakita niya ito noong isang araw, bata pa ito, pero ngayon nagbibinata na ito. Ang bilis tumanda ng mga tao sa lugar na ito, at mabuti na lang hindi ganu’n si Cecil.
“Bakit mo kukunin ang anak ko sa akin? Kaya ko naman siyang alagaan,” naiinis niyang sabi.
“May oras po kasi silang nasa labas lamang. Baka kapag tumagal pa siya, mas magiging madali sa kanya ang pagtanda. Gusto n’yo bang tumanda agad ang hitsura niya?”
“Huwag mong pababayaan ang anak ko,” madiin niyang sabi.
“Talagang hindi ko gagawin ‘yan sa susunod na reyna.”
“Sige na,” wika niya.
“Maaari na kayong pumasok,” sambit ni Malambing.
“Babantayan ko ang asawa ko.”
“Hindi naman siya mawawala.”
“Ayokong magpakampante.”
“Ikaw ang bahala.”
Matalim na tingin ang ibinigay niya kay Malambing. Hindi niya alam kung bakit badtrip na badtrip siya rito, gayung wala naman itong masamang ginagawa. Siguro dahil may kakayahan itong ipagtanggol si Cecil, samantalang wala siyang kakayahan para protektahan ang kanyang mag-ina. Saklap ‘di ba?
Itutuloy…
STORY — JULY 8, 2024
Dapat na bang magpakita si Eliza? Aware siyang naipanganak na ni Cecil ang kanyang anak, ngunit wala pa siyang lakas na loob para harapin ito.
Mahal niya si Anthony kaya masakit sa kanya na makitang nagkaanak ito sa ibang babae. Kunsabagay, kasalanan din naman niya. Alam niyang mangyayari ito, pero hinayaan niya lang na mainlab si Anthony kay Cecil. Pakiramdam tuloy niya ang tanga-tanga niya.
So, ano nga ba ang dapat niyang gawin? Miss na niya si Anthony kaya dapat na siyang magpakita rito. Subalit nang makarating siya sa bahay nila Anthony, wala ang mag-asawa rito. Tiyak din naman niyang hindi ito dadalhin ni Anthony sa kanyang bahay dahil nandu’n siya, at isa pa jinx ang tingin sa kanya ni Anthony. Well, maaari nga siyang makapagbigay ng kamalasan, pero hindi pa rin niya magagawang talunin si Cecil. Ang masaklap pa, puwede pang maibalik sa kanya ang kamalasang ibibigay niya kay Cecil, kaya mas maiging manahimik na lang siya.
“Hindi mo ba ako tatanungin kung saan sila makikita?”
Gulat siyang napalingon, at sabay sabing, “Nakakagulat ka naman!”
“
Napakahina mo naman!” Natatawang sambit ng matandang mangkukulam.
“Excuse me, hindi ako mahina!”
“Kung malakas ka, eh ‘di sana walang mahina sa mundo,” sarkastikong sabi nito.
“Sabihin mo na kasi kung nasaan sila!”
“Nasa engkantasya sila.”
“Pati si Anthony?” Gilalas niyang tanong.
“Natural, pamilya na sila!
“Ang sakit naman.”
“Tanga ka kasi. Simula pa lang alam mo nang hindi siya para sa iyo, pinagsiksikan mo pa ang sarili mo!”
Mas pinili niyang ‘di na lang magsalita para ‘di na rin siya masaktan. Ngunit pagkaraan, hindi rin siya nakatiis, at sabay tanong na, “Ano’ng gagawin ko ngayon?”
“Ano pa nga ba? Eh ‘di sumunod ka sa kanila!”
“Pero hindi naman ako engkanto tulad ni Cecil.”
“At sinong may sabi? Engkanto ka, itim nga lang. Kaya kailangan mong mag-ingat dahil ang papasukin mong kaharian ay ang puti.”
Itutuloy…
STORY — JULY 9, 2024
Biglang napahinto si Cecil sa kanyang ginagawa. Well, wala naman talaga siyang ginagawa. Nakapikit lang siya habang nagko-concentrate, at pinakikiramdaman kung ano’ng nangyayari sa kanyang paligid.
Ramdam niya na may mga matang nakatingin sa kanya, at ang mga mata nito ay galit na galit. Pero nang lumingon siya, nakita niya si Anthony. Kumunot ang kanyang noo, hindi siya kumbinsido na si Anthony ang nararamdaman niya.
“Ikaw lang ba ang nandito?” Tanong niya habang lumilingun-lingon sa kanyang paligid upang siguraduhin na wala ng ibang nilalang na naroon.
“May iba ka pa bang ini-expect?”
“Para kasing may nakatingin sa akin.”
“Baka may nagbabantay sa’yo.”
Gusto niyang kontrahin ang sinabi ni Anthony, dahil ang sabi kanina ng kanyang tagapagturo ay iiwanan muna siya ng lahat ng diwata para makapag-concentrate siya sa kanyang ginagawa. Hindi lang niya iyon masabi kay Anthony dahil baka mag-alala na ito.
“Baka nga.”
“Hindi pa ba tayo uuwi?”
Kumunot ang noo niya, at sabay sabing, “Alam mo naman na hindi pa…”
“Uuwi sa kaharian n’yo?”
Nang makita niya sa mukha nito ang labis na kaseryosohan, napangiti siya. Ramdam na kasi niya ngayon ang suporta ng kanyang asawa.
“Bakit ka nga pala narito?” Tanong niya pagkaraan kahit alam naman niya ang sagot.
“Siyempre, gusto kong bantayan ka.”
“Para namang may magagawa ka kapag may sumulpot na nilalang at kidnapin ako,” wika niya sabay kunot ng noo.
Hindi niya alam kung bakit niya naibulalas ang mga katagang iyon. Pakiwari niya ay may
kung sino’ng bumulong sa kanya, at bigla na lamang nanayo ang kanyang balahibo.
“Wala ka bang tiwala sa akin?” Nagdaramdam na tanong nito. “Baka nakalimutan mong makapangyarihan ang pag-ibig natin.”
Magsasalita sana siya pero bigla siyang natigilan dahil bigla na lang humalakhak si Eliza.
Itutuloy…
STORY — JULY 10, 2024
“Pati ba naman dito pumapasok ka?!” Galit na tanong ni Cecil kay Eliza.
Bahagya siyang natigilan dahil hindi niya akalain na mag-e-echo sa buong paligid ang kanyang boses. Kunsabagay, natural lamang iyon dahil kulob ang paligid. Saka ayon sa nakausap niyang diwata, iyon daw kasi ang paraan para wala silang mailihim sa isa’t isa.
Kaya, hindi na siya magtataka kung magsusulputan ang mga diwata rito para tulungan siya.
Pero sa pagkakataon na ito, kailangan niyang protektahan si Anthony, at aware siyang ang mister niya ang pakay ni Eliza. Naningkit ang kanyang mga mata. Hindi niya siyempre hahayaan na mawala ang kanyang pinakamamahal.
“May karapatan din naman ako rito!”
“Isa kang mangkukulam, hindi diwata,” paalala niya rito.
Natawa ito sa kanyang sinabi, at sabay sabing, “Ang sakit mo naman magsalita.”
“Talagang masakit ang katotohanan, pero kailangan mo iyong tanggapin,” gigil niyang sabi.
“Kung ganu’n, kailangan mong tanggapin na may dugong diwata rin ako kaya ako nakapasok dito.”
“Baka naman diwatang itim?” Paglilinaw niyang sabi.
“Korek,” pagmamalaking sagot nito.
Ang malapad nitong ngiti ay napawi dahil biglang na lang sumulpot ang mga diwata sa paligid.
Kumunot ang noo nito, at sabay sabing, “Huwag n’yo sabihing pagtutulungan n’yo ako?”
“Kapag may ginawa kang masama.”
“Umalis ka na!” Sigaw dito ni Anthony.
“Concern ka rin pala sa akin. Iba talaga ang pinagsamahan natin. Anthony, miss na miss kita.”
“Magtigil ka nga!” Bulyaw ni Anthony.
Alam naman niya ang sitwasyon nina Anthony at Eliza, pero para pa ring may kumurot sa kanyang puso. Hindi iyon basta langgam kundi dambuhalang langgam. Para kasing may kung ano’ng eksena ang naglalaro sa kanyang isipan.
“Basta tandaan mo, kahit na ano’ng mangyari babalikan pa rin kita, mahal ko. Tayo naman kasi ang itinakda na magsama habambuhay.”
Itutuloy…
STORY — JULY 11, 2024
Hindi magawang kumibo ni Cecil, kahit na alam naman niyang walang katiting na gusto si Anthony kay Eliza. Pero kahit na ganu’n, nakaramdam pa rin siya ng takot na baka isang araw ay mawala sa kanya si Anthony.
“Talaga bang mahal mo ‘ko?”
“Ano bang klaseng tanong iyan?” Gulat na tanong ni Anthony. Mahahalata sa boses nito ang pagkalito at pagdaramdam.
“Oo at hindi lang naman ang isasagot mo.”
“Mga babae nga naman. Hindi lang kita mahal, kundi mahal na mahal,” wika nito.
“Baka naman minahal mo lang ako dahil gusto mong mawala ang sumpang binigay sa iyo ni Eliza?”
Malalim na buntong hininga ang pinawalan ni Anthony. Hindi niya tuloy malaman kung napipikon na ito sa kanya. Basta ang alam niya, mabigat ang kanyang dibdib.
“Gusto mo talagang malaman ang totoo?” Tanong nito sa kanya.
Siya naman ang natigilan, at parang may lumapirot sa kanyang puso. Hindi niya tuloy mapigilan ang mapa-ouch ng bongga. Pakiwari niya kasi ay hindi niya magugustuhan ang sasabihin nito.
“Ang una ko talagang plano ay paibigin ka lang, dahil gusto ko nang makawala sa sumpa. Pero, natakot ako nang mahimatay ka. Hanggang sa dumating ang araw na na-realize ko na mahal na pala kita.”
Kahit na bahagya siyang napangiti sa sinabi nito, may sakit pa rin siyang naramdaman. Gusto sana niyang tanungin kung kailan nito naramdaman ni Anthony. Pero parang may nagsasabi sa kanya na kaya lamang siya minahal ni Anthony ay dahil nabuntis siya.
Itutuloy…