ni Justine Daguno - @Life and Style | July 11, 2020
Knows n’yo ba na ang ginger o luya ay kabilang sa mga super food dahil sa dami health benefits nito?
Ayon sa pag-aaral ni Karen Ansel, R.D.N., ang luya ay hindi lamang basta ginagamit na sangkap o pampalasa sa pagkain, kundi noon pa man ay alternatibo na itong ginagamit sa medisina o epektib na panggamot. Napatunayan din na ang gingerols na tinataglay nito ay mabisang anti-aging, anti-inflammatory, antimicrobial, antifungal at marami pang iba.
Anu-ano nga ba ang mga benepisyo ng luya sa atin?
1. PAMPALAKAS NG RESISTENSIYA. Ang madalas na pagkonsumo ng ginger tea o ginger lozenges ay nakatutulong upang malabanan ang mga impeksiyon at mapalakas ang ating resistensiya. Sa katunayan, oks ito para sa mga pasyenteng nagre-recover o kagagaling lamang sa sakit nang sa gayun ay madaling manumbalik ang kanilang sigla.
2. PANG-RELIEVE NG PERIOD CRAMPS. Para sa kababaihan, hindi na kailangang magtiis sa ng menstrual o period cramps, sapagkat ang ginger tea o lozenges ay mabisa ring pang-relieve nito. Ito ay itinuturing na “ibuprofen alternative”, pareho lamang ng epekto nito sa mga nabibili nating pain-reliever sa botika, ngunit wala itong side-effect.
3. EPEKTIB NA ANTI-AGING. Kung gusto natin ng pampabyuti pero sa mas mura o natural na paraan, panalo pa rin ang luya r’yan. Ito ay nagtataglay ng mga antioxidant ay tumutulong na protektahan ang ating balat mula sa mga free-radical (tulad ng polusyon at UV rays), na nagpapabilis ng pagkasira ng collagen na kailangan ng ating balat. Ang taglay na antioxidant ng luya ay nakatutulong upang mapanatili ang produksiyon ng collagen ng ating balat upang manatili itong makinis at maganda.
4. PANGGAMOT SA PAGSUSUKA. Maaaring may ilan sa atin na pamilyar sa luya bilang panggamot sa pagsusuka. True naman, dahil ayon kay Ansel, nakatutulong ito para sa mga may hangover, sinisikmura, mga buntis na nakararanas ng morning-sickness, nahihilo sa biyahe, at maging ang mga nagre-recover sa chemotherapy.
5. PAMPABAWAS NG BAD CHOLESTEROL. Pinatunayan din ng mga eksperto na ang luya ay nakatutulong upang mabawasan ang LDL cholesterol levels (bad cholesterol) na oks upang maiwasan ang sakit sa puso at iba pang may kaugnayan o tulad nito.
Sa panahon ngayon na pahirapan ang kabuhayan, marami sa ating mga kababayan ang tumatangkilik sa mga alternatibong paraan, kaya oks malaman na ang mga ang akala natin na simpleng sangkap o pampalasa lamang sa pagkain ay marami pa palang magagawa para sa atin—natural na, mas tipid pa! Kuha mo?